“Pagbaling ng mga Puso kay Jesucristo,” Liahona, Nob. 2025.
Naaalala ng Para sa Lakas ng mga Kabataan
Pagbaling ng mga Puso kay Jesucristo
Paggunita kay Pangulong Russell M. Nelson
Noong binata pa si Pangulong Russell M. Nelson na nag-iisip kung anong karera ang kukunin niya, isang bagay ang sigurado siya—gusto niyang tulungan ang mga tao. Sa kalaunan ay naging isang tanyag na heart surgeon sa buong mundo at nagsagawa ng maraming open-heart operation upang palakasin ang mga puso at pahabain ang buhay.
Bilang Apostol at ika-17 Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, naantig ni Pangulong Nelson ang puso ng mga tao sa buong mundo sa pagpapabaling sa kanila kay Jesucristo sa pamamagitan ng kanyang mga turo, paglilingkod, at pagmamahal.
Espirituwal na Pinatnubayan
Namuhay si Pangulong Nelson sa paraang pinagpala siya ng espirituwal na gabay. Minsan sa isang operasyon, nakatayo siya sa tabi ng isang pasyente at hindi sigurado kung paano magpapatuloy. Pagkatapos ay nadama niya ang paggabay sa kanya ng Espiritu Santo para matagumpay na matapos ang operasyon.
Itinuro ni Pangulong Nelson na ang espirituwal na gabay ay para sa lahat. Sabi niya, “Kung talagang tatanggapin natin ang Espiritu Santo at matututuhang makilala at maunawaan ang Kanyang mga pahiwatig, magagabayan tayo sa malalaki at maliliit na bagay.”
Si Pangulong Nelson na binabati ang mga kabataan sa Fiji noong Mayo 2019.
Pagtitipon sa Israel at ang Landas ng Tipan
Bilang propeta sa mga huling araw, itinuro ni Pangulong Nelson na ang pagtitipon ng Israel ang pinakamahalagang gawain na nagaganap sa mundo ngayon, at na ang mga kabataan sa lahat ng dako ay maaaring maging malaking bahagi nito sa pamamagitan ng pag-anib ”sa batalyon ng kabataan ng Panginoon na tutulong sa pagtitipon ng Israel.”
Itinuro ni Pangulong Nelson: “Sa bawat oras na gumawa ka ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng pagbibinyag at ang mga ordenansa sa templo, tumutulong ka na tipunin ang Israel. Ganito lang ito kasimple.”
Itinuro din ni Pangulong Nelson na ang pananatili sa landas ng tipan ay magdudulot ng “bawat espirituwal na pagpapala at pribilehiyo para sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata saanman.”
Pananalig sa Hinaharap
Sa isang magulong mundo, nanatiling positibo ang pag-uugali ni Pangulong Nelson. “Maganda ang pananaw ko sa hinaharap,” sabi niya. ‘Ito ay mapupuno ng mga oportunidad para sa bawat isa sa atin.”
Ang pananaw na ito sa buhay ay nagmula sa kanyang pananampalataya. Itinuro niya, “Ang pananampalataya kay Jesucristo ang pinakadakilang kapangyarihang matatamo natin sa buhay na ito.”
Nang maging Pangulo ng Simbahan si Pangulong Nelson, sinabi niya: “Ipinapahayag ko ang aking debosyon sa ating Diyos Amang Walang-hanggan at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Kilala ko Sila, mahal ko Sila, at nangangakong paglilingkuran Sila—at kayo—sa bawat natitirang hininga ng buhay ko.”
Ganap na naging tapat siya sa pangakong iyan. Bunga nito, ang Simbahan—at ang mundo—ay pinagpala.