2025
Makinabang nang Husto mula sa Doktrina at mga Tipan 109
Oktubre 2025 Liahona


“Makinabang nang Husto mula sa Doktrina at mga Tipan 109,” Liahona, Oktubre 2025.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Doktrina at mga Tipan 109

Makinabang nang Husto mula sa Doktrina at mga Tipan 109

Mga ideya sa pag-aaral ng panalangin sa paglalaan ng Kirtland Temple

ipinintang larawan ng Kirtland Temple

Detalye mula sa Kirtland Temple, ni Al Rounds

Madalas pag-usapan ng mga pinuno ng Simbahan ang kapangyarihang matatanggap ng mga naglilingkod at sumasamba sa templo. Kung minsa’y maaaring para itong abstract o mahirap abutin. Ngunit itinuturo sa ilang talata sa banal na kasulatan na ang mga miyembro ng Simbahan ay maaaring “pagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan” (tingnan sa Lucas 24:49; Doktrina at mga Tipan 38:32; 95:8; 105:11; 109:35).

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na higit pang maituturo ng Doktrina at mga Tipan 109 sa atin tungkol sa kapangyarihang ito: “Ang panalangin sa paglalaan ni Joseph Smith ng Kirtland Temple ay nagtuturo kung paano espirituwal na pinalalakas kayo at ako ng templo upang mapagtagumpayan ang mga hamon ng buhay sa mga huling araw na ito. Hinihikayat ko kayo na pag-aralan ang panalanging iyon.”

Mga Tema sa Doktrina at mga Tipan 109

Ang pagtukoy sa mga temang nasasaad sa panalangin sa paglalaan ng Kirtland Temple ay maaaring makatulong sa inyong pag-aaral. Narito ang ilang piling tema na nauugnay sa paghahanap ng kapangyarihan o lakas sa pamamagitan ng pagsamba sa templo. Habang nag-aaral kayo, maaari kayong makahanap ng iba pang mga tema at alituntunin.

Paghahayag at Tagubilin (mga talata 8, 14)

Maaari tayong pumunta sa templo para tumanggap ng paghahayag, kalinawan, at karunungan na tutulong sa atin na makayanan ang mga hamon ng buhay.

Pagpapabanal at Kabanalan (mga talata 12, 20)

Ang pagsamba sa bahay ng Panginoon ay nagbibigay sa atin ng isang lugar na mapupuntahan na pinabanal at banal, kung saan walang maruming bagay na makapapasok.

Pagkakaisa at Koneksyon (mga talata 6, 17–19, 24, 67, 72)

Habang nakikibahagi tayo sa mga ordenansa sa templo, nagkakaisa tayo bilang mga anak ng tipan at mas handa para sa pagbabalik ng Tagapagligtas.

Banal na Kapangyarihan at Proteksyon ng Langit (mga talata 22, 26)

Ang mga hamon ng pamumuhay sa mga huling araw ay maaaring mahirap. Ang pagsamba sa templo at pagtupad sa ating mga tipan ay nagbibigay sa atin ng proteksyon laban sa kasamaan.

Ang Kaluwalhatian ng Diyos ay Nakikita (mga talata 5, 12, 37, 77)

Ang bahay ng Panginoon ay isang lugar kung saan maaaring ipakita ng Diyos ang Kanyang presensya at ang Kanyang kaluwalhatian. Kapag sumamba tayo roon, tatanggapin natin ang Kanyang liwanag at kaluwalhatian sa ating buhay.

Kagalakan at Kapayapaan (mga talata 39, 76, 80)

Kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan, binubuksan natin ang daan para biyayaan tayo ng Diyos ng kapayapaan, kagalakan, at pagpapanibago, na nagbibigay sa atin ng lakas na madaig ang mga pagsubok sa mga huling araw na ito.

Mga Pangako at Pribilehiyo

Ang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 109 ay maaaring magpalawak ng inyong pag-unawa sa mga pangako at pagpapalang natatamo sa pagsamba sa bahay ng Panginoon. Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, “Ang pag-unawa sa mga espirituwal na pribilehiyo na naging posible sa templo ay mahalaga sa bawat isa sa atin ngayon.”