2025
Pagtuturo ng Katotohanan, Binabago ang mga Buhay
Oktubre 2025 Liahona


“Pagtuturo ng Katotohanan, Binabago ang mga Buhay,” Liahona, Okt. 2025.

Mga Larawan ng Pananampalataya

Pagtuturo ng Katotohanan, Binabago ang mga Buhay

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo. Binabago ng Kanyang doktrina ang buhay ng mga tao. At ito ang nagpapabago ng buhay ng mga kabataan sa Kenya.

larawan ng awtor

Mga larawang kuha ni Leslie Nilsson

Naglilingkod ako bilang pangulo ng isang maliit na branch ng Simbahan na binuo noong Setyembre 2024. Halos dalawang-katlo ng aming mga miyembro ay mga kabataan. Nagsisimba sila linggu-linggo, karamihan sa kanila ay ilang kilometro ang nilalakbay. Ang ilan ay naglalakad; ang ilan ay nagbibisikleta.

Ang mga magulang ng marami sa mga kabataang ito ay hindi mga miyembro ng Simbahan, pero pinayagan nilang mabinyagan ang kanilang mga anak. Kamakailan lang, nakilala ko ang isa sa mga magulang. Nais niyang maragdagan ang nalalaman tungkol sa Simbahang dinadaluhan ng kanyang anak.

“Malaki ang ipinagbago ng anak ko,” sabi niya. “Nag-iba ang ugali niya. Masunurin siya at mabait sa bahay. Gusto kong malaman kung bakit.”

Nagsimba ang amang ito at nakita niya mismo na ang mga turo at ipinanumbalik na ebanghelyo ng Tagapagligtas ang nagpabago sa ugali ng kanyang anak. “Alam ko na ngayon na maganda ang lugar na pinupuntahan ng anak ko,” sabi niya pagkatapos. “Papayagan ko ang iba pa na dumalo rin.”

Sa branch namin noong nakaraang taon, mahigit 30 kabataan ang nabinyagan. Sa susunod na dalawa hanggang tatlong taon, makikita natin ang maraming missionary na maglilingkod mula sa branch. Masaya kami para sa kanila. Ang gawain namin dito ay bigyan sila ng mga oportunidad na palalimin ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Kaya, tinitiyak namin na naka-enroll sila sa mga programa ng Simbahan tulad ng seminary at institute para maihanda silang mabuti.

“Malaking Pag-asa”

Nang matapos ko ang aking misyon, may 12 branch lang kami noon sa buong Kenya. Ngayon ay mahigit 100 unit na kami. Nakamamanghang makita kung paano lumago ang Simbahan, lalo na sa kanlurang bahagi ng Kenya.

Ang isa sa mga dahilan kaya napakaraming kabataan sa aking branch ay dahil napakaepektibo ng gawaing misyonero ng mga miyembro dito. Karamihan sa kanila ay sa iisang paaralan nag-aaral, at niyayaya nila ang isa’t isa sa simbahan. Lumikha ito ng napakagandng pananaw.

Ang isa pang bagay na nakatulong sa paglago [ng Simbahan] sa Kenya ay ang mga returned missionary. Naging malaking lakas sila sa Simbahan. Pagbalik nila mula sa kanilang misyon, umuuwi sila nang may pananalig kay Jesucristo at patotoo sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Nagkaroon sila ng mga kasanayan sa pamumuno. Nananatili sila sa Simbahan. Napapangasawa nila ang iba pang mga miyembro ng Simbahan. Lumalaki ang mga anak nila sa Simbahan. At nagiging lakas ang kanilang mga anak sa Simbahan.

Isa pang nakatulong ang mga miyembrong pioneer na nakatira sa Nairobi noong 1990s at unang bahagi ng 2000s. Ngayon ay retirado na sila at nag-uuwian sa kani-kanilang mga nayon sa kanayunan ng Kenya. Dala nila ang kanilang mga patotoo, pinagkakatiwalaan sila, at ibinabahagi nila ang ebanghelyo sa mga kamag-anak at kaibigan.

Gayunman, ang buhay ng isang miyembro ng Simbahan noong 1990s ay naging hamon sa Nairobi dahil maraming artikulo sa pahayagan ang nalathala laban sa Simbahan.

Nagagalak ako na ang mga miyembro ng Simbahan noon ay tapat at matatag. Marami silang tiniis na bagay. Pero maraming Banal ang naging huwaran kahit saan sila magpunta at anuman ang ginagawa nila. Gumawa iyan ng malaking kaibhan.

“Ibang Tao”

Sa misyon ko, nagkaroon ako ng pagkakataong ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa aking mga kapatid sa Kenya at Uganda. Ang mas mahalaga pa, nagtamo ako ng patotoo kay Jesucristo. Nang umuwi ako noong 1997, ibang tao na ako (tingnan sa 2 Corinto 5:17).

Nagkaroon ako ng oportunidad na maglingkod na kasama ang mga kompanyon mula sa iba’t ibang bansa. Sinabi sa akin ng karamihan sa kanila na babalik sila sa kolehiyo pagkatapos ng kanilang misyon. Nalaman ko sa aking sarili na gusto ko rin iyon.

Binigyan ako ng mga kasama ko ng malaking pag-asa, pero nabigla ako sa pagkakaiba nang bumalik ako sa aking abang buhay at tahanan pagkatapos ng aking misyon. Gayunman, batid ko na tutulungan ako ng Ama sa Langit, kaya nakaraos ako sa buhay noong panahong iyon nang may malaking pananampalataya at pag-asa.

Gamit ang mga pautang mula sa Church Educational System na ibinibigay sa mga returned missionary, nakapag-aral ako. Natanggap ko ang aking diploma sa medical laboratory, at nagtapos ako noong 2002. Mula noon, napagpala na akong maglingkod sa maraming calling sa Simbahan. Nang dumating ako sa kanlurang Kenya, sa ilalim ng pamumuno ng area ay nagsimula kami ng isang grupo ng Simbahan sa Kakamega. Lumago ang grupong iyon at naging branch na nahati na ngayon sa dalawang branch.

si Jastus Suchi Obadiah kasama ang grupo ng mga kabataang lalaki

“Alam nila na ang simbahan ay isang kanlungan kung saan nila naririnig ang ebanghelyo ni Jesucristo,” sabi ni Jastus tungkol sa mga kabataang naakit sa Simbahan.

Mga Puno at Isang Tolda

Sa kasalukuyan ay nagdaraos kami ng mga miting sa isang tolda na mga 100 ang nakakaupo. Iniiwan naming bukas ang isang gilid kung sakaling sumobra ang mga tao. Kung minsan kapag sumobra ang dami ng mga tao, nauupo sila sa ilalim ng mga puno sa malapit.

Sa ngayon ay sacrament meeting lang ang idinaraos namin. Dalawang oras ang nilalakad ng ilan sa aming mga miyembro papunta at pauwi mula sa simbahan para lamang makadalo, tumanggap ng sakramento, at magkita-kita sila.

Ang mensaheng umaakit sa aming mga kabataang miyembro ay ang pakiramdam na kabilang sila kapag nagsisimba sila. Alam nila na ang simbahan ay isang kanlungan kung saan nila naririnig ang ebanghelyo ni Jesucristo at nagiging mababait silang kalalakihan at kababaihan. Alam nila na nagmamalasakit sa kanila ang mga tao. Alam nila na ang simbahan ay isang lugar kung saan sila natututo ng katotohanan, kabutihan, katapatan, integridad, at kasipagan. Alam nila na ang mga tao sa simbahan ay maghihikayat na mag-aral silang mabuti sa paaralan.

Noong bata pa ako, niyaya ako ng isang kaibigan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Isang bata lang ako na walang-wala, pero lumakas ang aking pananampalataya kay Jesucristo at ang aking patotoo sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Nagtiwala sa akin ang mga miyembro ng Simbahan at naglaan sila ng oras sa akin. Pinagpala akong gawin din ito sa mga kabataan ngayon.

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo. Binabago ng Kanyang doktrina ang buhay ng mga tao. At ito ang nagpapabago ng buhay ng mga kabataan sa Kenya.