2025
Mga Tipan, Kapangyarihan, at mga Pangako
Oktubre 2025 Liahona


“Mga Tipan, Kapangyarihan, at mga Pangako,” Liahona, Okt. 2025.

Mga Tipan, Kapangyarihan, at mga Pangako

Ang templo ay napakahalaga sa kapangyarihan at proteksyong ipinangako sa matatapat bago sumapit ang Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesucristo.

paglalarawan kay Joseph Smith na nakatayo sa harap ng Kirtland Temple

Paglalarawan ni Dan Burr kay Joseph Smith

Noong Mayo 1833, ang aking ikaapat na lolo-sa-tuhod na si Asahel Perry at ilang kaibigan ay naglakbay mula sa hilagang New York papuntang Kirtland, Ohio. Hindi sila mga miyembro ng kapapanumbalik pa lang na Simbahan, pero gusto nilang makilala si Propetang Joseph Smith. Tamang-tama lang ang dating nila para dumalo sa unang council na ginanap para talakayin ang pagtatayo ng Kirtland Temple.

Matapos simulan ang konseho, inilahad ng Propeta ang planong itayo ang templo. Pagkatapos ay nanawagan siya sa mga naroon na sabihin kung ano ang damdamin nila kaugnay ng gayon kalaking gawain. Karamihan ay sumagot na napakahirap ng Simbahan para harapin ang gayong gawain. Iminungkahi nila ang pagtatayo ng mas maliit at mas murang gusali.

Sa sumunod na talakayan, nagtipun-tipon sila Lolo Perry at ang kanyang mga kaibigan, inilabas ang pera nila, at pinagsama-sama iyon. Nagkaroon ba sila ng sapat na pera para makapaglakbay sila pabalik at mag-ambag sa pagtatayo ng templo? Makalipas ang ilang minuto, nilapitan ng lolo ko si Joseph Smith, kumuha ng limang dolyar na gintong barya, at ibinigay iyon sa Propeta. (Ang gayong barya ngayon ay nagkakahalaga ng daan-daang dolyar!)

Tumayo si Joseph sa harap ng konseho at itinaas ang barya. Pagkatapos, masigla siyang nagsalita, at sinabi niya na “nagsimula na ang gawain at ang Bahay [ng Panginoon] ay itatayo ayon sa planong inilahad” ng Panginoong Jesucristo.

Hindi nagtagal ay sumapi ang pamilya Perry sa Simbahan sa Kirtland, natanggap ang kanilang mga pagpapala sa templo makalipas ang ilang taon sa Nauvoo Temple, at kalaunan ay tinawid ang kapatagan papuntang Utah.

Nang ilaan ang Kirtland Temple noong 1836, napakaliit nito para magkasya ang lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw na gustong dumalo sa paglalaan nito. Habang lumalago ang Simbahan, gayon din ang dami ng mga Banal na kailangang dumalo sa mga miting sa labas. Narito ang puna ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), na naglingkod bilang stake president ko noong binata pa ako at bilang mentor nang tawagin ako bilang General Authority noong 2007, hinggil sa ikalawang templo ng Simbahan:

“Bago pa natapos ang Nauvoo Temple noong 1846 nagtitipon ang mga Banal sa labas, madalas ay malapit sa templo, para makinig kay Joseph at sa iba pang mga [pinuno] ng Simbahan. Kung minsan libu-libo ang mga dumadalo sa mga pulong na iyon”—kung minsan kahit masama ang panahon.

“Pabirong sinabi ni [Elder] George A. Smith, ‘Sa panahon ni Propetang Joseph … mas lumakas ang [Simbahan] sa labas [ng mga gusali nito].’”

Nagpapasalamat kami na sa ating panahon, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay umuunlad sa labas ng bahay, sa loob ng bahay, at sa buong mundo. Kasama sa pag-unlad na iyan ang pagtatayo ng mga templo sa walang-katulad na bilis “ayon sa pattern na inilahad”—isang pattern na laging kinabibilangan ng mga pagpapala, pagtatalaga, pananampalataya, at sakripisyo.

paglalarawan sa Kirtland Temple

A Glorious Light—Kirtland Temple [Isang Maluwalhating Liwanag—Kirtland Temple], ni Glen S. Hopkinson, hindi maaaring kopyahin

Bakit Napakaraming mga Templo?

“Ipinropesiya ng mga nauna sa atin na darami ang mga templo sa North at South America, sa mga isla ng Pacific, Europe, at sa ibang lugar,” sabi ni Pangulong Eza Taft Benson (1899–1994) ilang dekada na ang nakararaan. “Para maisagawa itong gawain ng pagtubos na tulad ng kailangang mangyari, daan-daang mga templo ang kailangang maitayo.”

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na nagtatayo tayo ng mga templo sa isang walang-katulad na bilis ngayon “dahil iniutos sa atin ng Panginoon na gawin iyon. Ang mga pagpapala ng templo ay tumutulong sa pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing. Tumutulong din ang mga pagpapalang ito na ihanda ang mga tao na tutulong sa paghahanda ng mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon!”

Sa kanyang panalangin sa paglalaan ng Kirtland Temple, nanalangin si Joseph Smith “nang ang lahat ng taong papasok sa pintuan ng bahay ng Panginoon ay madama ang inyong kapangyarihan. …

“At hinihiling namin, Banal na Ama, na ang inyong mga tagapaglingkod ay makahayo mula sa bahay na ito na [nasasandatahan ng] inyong kapangyarihan, at nang ang inyong pangalan ay mapasakanila, at ang inyong kaluwalhatian ay bumalot sa kanila, at ang inyong mga anghel ay mangalaga sa kanila” (Doktrina at mga Tipan 109:13, 22; idinagdag ang diin; tingnan din sa talata 23).

Kapag binabasa ko ang mga talatang iyon, naiisip ko ang pangitain ni Nephi tungkol sa mga huling araw. Pansinin ang katulad na pananalita: “At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay namasdan ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa mga banal ng simbahan ng Kordero, at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo; at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian” (1 Nephi 14:14; idinagdag ang diin).

Naniniwala ako na ang mga templo sa mga huling araw ay may mahalagang papel na ginagampanan sa katuparan ng propesiya ni Nephi at mahalaga sa proteksyon at kapangyarihang ipinangako sa matatapat bago sumapit ang Ikalawang Pagparito.

Ilang taon na ang nakararaan, habang naglilingkod ako bilang bishop ng isang university ward, humanga ako lalo na sa isang dalaga sa aming ward. Hanga pa rin ako sa kanya. Kilala ninyo siya bilang si Pangulong Emily Belle Freeman, ang Young Women General President. Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan, itinuro niya na sa pamamagitan ng templo, iniaangat tayo ni Jesucristo sa mas mataas na espirituwal na antas.

“Tuwing pumupunta ako sa Kanyang bahay, lalong lumalalim ang pakikipagtipan ko sa Kanya,” sabi ni Pangulong Freeman. “Ako ay pinababanal ng Kanyang Espiritu, pinagkalooban ng Kanyang kapangyarihan, at na-set apart na itayo ang Kanyang kaharian.”

Ipinangakong Kapangyarihan

Madalas magsalita si Pangulong Nelson tungkol sa kapangyarihan ni Jesucristo na makukuha sa pamamagitan ng mga tipan sa templo. “Ang paglapit ninyo sa Tagapagligtas ay nangangahulugan na nagagamit ninyo ang Kanyang lakas at nakatutubos na kapangyarihan,” sabi niya. Itinuro din ni Pangulong Nelson:

“Kapag tinutupad natin ang ating mga tipan sa templo, lalo nating natatamo ang nagpapalakas na kapangyarihan ng Panginoon. Sa templo, tumatanggap tayo ng proteksyon mula sa mga pananakit ng mundo.”

“Ang mahahalagang ordenansa [ng Tagapagligtas] ang nagbibigkis sa atin sa Kanya sa pamamagitan ng mga sagradong tipan ng priesthood. Pagkatapos, kapag tinutupad natin ang ating mga tipan, pinagkakalooban Niya tayo ng Kanyang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan. At, talagang kakailanganin natin ang Kanyang kapangyarihan sa mga darating na araw.”

“Ang kapangyarihang moral at espirituwal na kailangan ng ating mga tao ngayon at sa darating na mga araw ay ang kapangyarihan ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Nagkakaroon tayo ng access sa Kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Kanila.”

Mahalaga ang kapangyarihan ng langit, mga kapatid, dahil nabubuhay tayo sa isang napakasamang mundo. Kung wala ang kapangyarihang iyan, hindi tayo “makakatagal sa araw ng kanyang pagdating” o “makakatayo kapag siya’y nagpakita” (Malakias 3:2). Hindi natin alam kung kailan darating ang araw na iyon, pero ipinadala na ang Kanyang sugo upang “ihanda ang daan” para sa Kanyang pagparito (Malakias 3:1). Samantala, hindi umiinog nang payapa ang mundo patungo sa araw na iyon.

Kailangan natin ang kapangyarihang ipinangako sa matatapat para tulungan tayong:

  • Hayaang manaig ang Diyos sa ating buhay.

  • Magsisi at mas mapalapit sa Panginoon.

  • Magpala, umalo, mamuno, at maglingkod.

  • “Mas makayanan ang ating mga pagsubok, tukso, at dalamhati” (tingnan sa Mosias 3:19).

  • Makasumpong ng kapayapaan at kagalakan kay Cristo habang tumatahak tayo sa landas ng tipan.

  • Maghanda “laban sa araw ng pagsusunog” at “sa kapahamakan ng masasama” (Doktrina at mga Tipan 109:46).

  • Isakatuparan ang gawain ng Panginoon bago sumapit ang Kanyang Ikalawang Pagparito.

Tucson Arizona Temple

Larawan ng simboryo ng Tucson Arizona Temple na kuha ni James Whitney Young

Mga Bantay ng Kaligtasan

Ang gawain at kaluwalhatian ng Ama sa Langit ay “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Bawat templo ay nagsisilbing isang bantay ng plano ng kaligtasan ng Diyos sa lupa, na nakaturo sa mahalagang tungkulin ng Tagapagligtas sa gawain at kaluwalhatiang iyan.

Nasasandatahan ng Kanyang kapangyarihan, bawat lalaki at babaeng tumutupad ng tipan—may asawa man o wala—na tapat na tumutupad ng mga tipan sa templo ay pagpapalain sa buhay na ito at sa kabilang-buhay.

Nangako si Pangulong Nelson: “Ang [layunin kung bakit] ang bawat isa sa atin ay [nagsisikap ay upang] mapagkalooban ng kapangyarihan sa bahay ng Panginoon, mabuklod bilang mga pamilya, [maging] tapat sa mga tipang ginawa sa templo upang maging karapat-dapat sa pinakadakilang kaloob ng Diyos—ang buhay na walang-hanggan. Ang mga ordenansa ng templo at mga tipang ginagawa ninyo ang susi sa pagpapalakas ng iyong buhay, [ng] pagsasama ninyong mag-asawa at ng pamilya, at ng kakayahan ninyong labanan ang mga pagsalakay ng kaaway. Ang inyong pagsamba sa templo at paglilingkod doon para sa inyong mga ninuno ay pagpapalain kayo ng karagdagang personal na paghahayag at kapayapaan at patitibayin ang inyong pangako na manatili sa landas ng tipan.”

Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, pinatototohanan ko na ang mga bagay na ito ay totoo.