“Bakit Hindi Niya Siya Pinagaling?,” Liahona, Okt. 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Bakit Hindi Niya Siya Pinagaling?
Gusto kong gumaling ang anak naming babae, pero may ibang plano ang Diyos para sa aming pamilya.
May panahon noong sanggol pa ang anak naming si Jilly na hindi niya naaabot ang pag-unlad ng karaniwang mga bata at madalas ay tila labis siyang nahihirapan dahil sa mga nasa paligid niya. Matapos ang maraming panalangin at sunud-sunod na mga kaganapang isinaayos ng Diyos, nalaman namin na nagkaroon siya ng conductive hearing loss.
Sa edad na 18 buwan, sumailalim sa operasyon si Jilly at iyon ang nagbalik sa kanyang pandinig. Himala na mamasdan siyang lumago at umunlad nang magsimula siyang makipag-usap sa amin. Pero makalipas ang ilang taon, may lumitaw na mga bagong hamon. Muli, naghanap kami ng mga kasagutan.
Tulad ng dati, sa pamamagitan ng sunud-sunod na mga himala, nalaman namin na nagkaroon ng auditory processing disorder si Jilly, na nangangahulugan na hindi ma-interpret nang maayos ng kanyang utak ang mga tunog. Nagsimula kaming makipagtulungan sa mga therapist at doktor para matulungan siyang malaman kung paano makipag-ugnayan sa mundo habang nararanasan niya ito.
Buong puso akong naniwala na kung magdarasal ako at mananatiling tapat, pagagalingin ng Diyos ang anak namin. Alam ko na may kapangyarihan Siyang gawin iyon, kaya bakit hindi Niya siya pinagaling?
Sa kabila ng lahat ng ito, para akong sina Maria at Marta sa Bagong Tipan. Umasa silang mapagagaling ang kapatid nilang si Lazaro, pero may mas malaking himalang naisip ang Diyos. Sa paghihintay na makarating sa kanilang tahanan, pinahintulutan ni Jesus na lumago ang kanilang pananampalataya sa mga paraan na maghahatid ng kaluwalhatian sa Ama at sa Anak at magtuturo ng potensyal na inilaan Nila para sa ating buhay.
“Panginoon, kung ikaw sana’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid,” ang sigaw ni Maria kay Jesus pagdating Niya (Juan 11:32). Pagkatapos ay binuhay Niya si Lazaro, at ganap itong gumaling.
Ang sagot ko, tulad nina Maria at Marta, ay dumating sa di-inaasahang paraan. Isang umaga, pumasok sa aking isipan ang tahimik na ideyang ito: “Hindi kailangang pagalingin ang anak mo; kailangan niya ng pagmamahal at pagtanggap.”
Noong una, nahirapan akong tanggapin ang sagot na ito. Gusto kong mapalaya si Jilly sa mga paghihirap niya. Pero nang buksan ko ang aking puso, natanto ko na mas maganda ang plano ng Diyos para sa aming anak kaysa sa naisip ko. Alam niya na ang karanasang ito ay makakatulong para lumago sa pananampalataya at tiwala sa aming pamilya.
Hindi naging madaling masdan ang pagdanas ni Jilly ng kanyang mga hamon. Pero sa pamamagitan ng karanasang ito, natutuhan ko na ang tamang panahon at mga plano ng Diyos ay laging perpekto. Alam Niya kung kailan paparoon para sa atin. Ang kailangan lang nating gawin ay magtiwala na lagi Siyang nariyan.