2025
Makita ang Kabutihan Nila
Oktubre 2025 Liahona


“Makita ang Kabutihan Nila,” Liahona, Okt. 2025.

Mga Babaeng Nakipagtipan

Makita ang Kabutihan Nila

Ang ministering ay hindi lamang isang programa; ito ay banal na proseso kung saan pinagpapala at binabago ng Diyos ang puso ng Kanyang mga anak.

mga sister na sama-samang nag-aaral

Nadama na ba ninyo na kayo ay tunay na nakikita? May malakas na motibasyon na dumarating kapag ang isang tao ay talagang nakikita kayo, minamahal kayo, at pinaniniwalaan kayo. Naging artist ako dahil naisip ng nanay ko na may talento ako. Hindi lang siya naniwala sa akin kapag may ginawa akong maganda. Kapag nagkamali ako, nakikita pa rin niya ang mabuti sa akin.

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang paghiwatig sa pinakamataas na antas ng pagpapamalas nito ay ang makita ang kabutihan sa isang tao na hindi niya nakita kailanman sa kanyang sarili at ang kakayahang tulungan sila na matukoy at mapaunlad ito.”

Ito ang ginagawa ng ating Ama sa Langit para sa atin araw-araw. Nakikita Niya ang mabuti na marahil ay hindi natin nakikita sa ating sarili at mapagmahal at matiyaga tayong tinutulungang paunlarin ito at tinutulungan tayong maging katulad ng Kanyang Anak. Ipinapakita sa atin ng Tagapagligtas kung paano makita ang mabuti at tulungan ang iba na mapaunlad ito. Magiliw at sadya Niyang tinuruan si Pedro at ang Kanyang mga bagong Apostol. Pinaglingkuran at tinulungan Niya ang mga indibiduwal na itinuring ng lipunan na mga makasalanan, itinakwil, o marumi. Nakita Niya ang halaga at pag-asa sa mga taong itinuring na walang pag-asa. Tumugon Siya nang may habag sa mga pakiusap ng mga desperadong ketongin. Hindi lamang Niya sila nilapitan kundi hinipo rin Niya sila at pinagaling. (Tingnan sa Marcos 2:15–17; Lucas 5:12–13; Juan 4:4–26.)

Alam Niya ang halaga ng bawat kaluluwa, at minahal Niya sila. Nakita Niya sa kanila ang higit pa kaysa sa kanilang mga kahinaan, kasalanan, karamdaman, at kapansanan. Nakita Niya ang kanilang mga kaluluwa at ang lahat ng kanilang kaya at maaaring kahinatnan. Tinuruan Niya sila, pinagaling sila, hinikayat sila, at inanyayahan silang umangat sa kanilang potensyal sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya.

Bilang mga babae ng Kanyang Simbahan na nakipagtipan, mayroon tayong pagpapala at utos na “humayo ka, at [gayon din] ang gawin mo” (Lucas 10:37). “Sapagkat ang mga gawang nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin” (3 Nephi 27:21). Mayroon tayong pribilehiyo at pagpapala sa tipan na tulungan ang mga taong pinaglilingkuran natin na madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas at makita ang mabuti na nakikita ng Diyos sa kanila at tulungan silang mapaunlad ito. Ito ay ang mahalin ang iba na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas (tingnan sa Juan 13:34).

Madalas tayong tinutulungan ng ating Ama sa Langit na lumago at umunlad sa pamamagitan ng pagsusugo ng mga espesyal na tao sa ating buhay—mga taong naghahatid ng Kanyang pagmamahal at ginhawa at tumutulong sa atin na umangat sa ating potensyal.

Ang mga ministering brother at sister ay may nakasisiyang pribilehiyo at responsibilidad sa tipan na maging mga espesyal na taong iyon habang naglilingkod sa Panginoon. Matutulungan natin ang mga pinaglilingkuran natin na makita ang mabubuting katangian, talento, at katangian ni Cristo sa kanilang sarili at tulungan silang lumago.

Habang mas tinutulungan natin ang iba na tuparin ang layunin ng paglikha sa kanila, mas malalaman natin ang ating sariling potensyal bilang mga anak ng Diyos. Kailangan nating umasa sa Panginoon na nakakaalam sa mga pangangailangan ng Kanyang mga anak.

Mga kapatid, available sa inyo ang resources ng langit para isakatuparan ang matwid at nagpapadakilang gawaing ito, kabilang na ang mga pagpapala ng kapangyarihan ng priesthood ng Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad sa inyong mga tipan at ipinagkaloob na awtoridad ng priesthood na pinadaan sa inyong mga calling at ministering assignment. Ang mga pagpapalang ito ay tumutulong sa pagbibigay ng paghahayag na kailangan natin para maglingkod sa Kanyang paraan.

Makakatulong ang Espiritu na palambutin ang ating puso para makita ang iba “kung ano talaga [sila]” (Jacob 4:13) at hindi mapalabo ang ating paningin ng mga palagay, pagbabalewala, o maging ng kapaguran.

kababaihang umaawit ng mga himno

“Ang mga Ministering Sister ay Isinusugo ng Diyos”

Matalik na kaibigan ko na ngayon si Karen. Pero hindi ko siya nakilala hanggang sa maging ministering sister niya ako. Ang ministering companion ko ay isang mabait na dalaga na nagngangalang Ella, na isang senior sa high school. Natanggap namin ang assignment na maglingkod kay Karen noong nagsisimula pa lang siyang bumalik sa simbahan.

Nang maglingkod kami kay Karen at malaman namin ang kanyang kakaibang kuwento at mga pangangailangan, nadama namin ni Ella na anyayahan siyang pumunta sa templo. Nagamit sa pagsisikap na ito ang galing ni Ella sa teknolohiya para ayusin ang mga problema sa online account ni Karen sa Simbahan upang makabayad siya ng kanyang ikapu at makagawa ng appointment sa templo. At isinama ko siya para kumuha ng bagong kasuotan sa templo at tinulungan siyang maging komportable sa pagpunta. Tila nagningning at napuspos ng kapayapaan at kaligayahan si Karen habang magkasama kaming nakaupo sa silid selestiyal pagkatapos ng session.

Dumanas si Karen ng matitinding problema sa kalusugan at gayundin ng hindi kapani-paniwalang mga himala nang mag-minister kami sa kanya. Ang pagsuporta sa kanya sa panahong ito ay nagpatatag sa aming lahat sa Panginoon.

Inanyayahan namin siyang sumama sa amin para sa Relief Society at Sunday School at nakasama namin siya sa kanyang tahanan. Lumago ang tiwala niya sa kung sino siya at kung ano ang nais niyang kahinatnan. Unti-unti niyang nakita ang kanyang kabutihan.

Nang tanungin ko si Karen kung maaari kong ikuwento ang espesyal na karanasang ito bilang kanyang ministering sister, ang sabi niya ay, “Oo naman! Ipaalam mo sa kanila na may Ama sa Langit na nagmamahal sa [kanila]!” Sinabi niya na ang pagmamahal at malasakit namin ni Ella sa kanya ay nagturo sa kanya na kailangan niya ng kasama sa buhay. Sabi niya, “Hindi nila malalaman kailanman kung gaano ko sila kailangan. … Ang mga ministering sister ay sugo ng Diyos.”

Malaki ang layunin ng Panginoon sa paglalagay Niya sa atin sa ating kinaroroonan. Alam Niya kung sino ang kailangan natin sa ating buhay at kung bakit. Kung mananampalataya tayo sa Panginoon at gagampanan natin ang ating mga ministering assignment mula sa Kanya, ipapakita Niya sa atin ang kamangha-manghang mga pagpapala ng Kanyang pagmamahal at ang Kanyang banal na pangangasiwa para sa atin.

kababaihang nag-uusap-usap

Binabago ng Ministering ang Likas na Pagkatao Natin Mismo

Bilang mga anak ng Diyos, nilayon tayong lumago at magbago at maging katulad ng ating mga magulang sa langit. At ang ministering nang may pagmamahal ay nagpapabilis sa pagsasakatuparan ng layuning iyan. Ang ministering ay hindi lamang isang programa; ito ay isang banal na proseso kung saan pinagpapala at binabago ng Diyos ang puso ng Kanyang mga anak at pinalalambot ang matitigas na puso (tingnan sa Ezekiel 11:19).

Ang ministering ay pagmamahal at pagmamalasakit sa iba na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Ito ay isang paraan ng pag-iral; ito ang paraan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo at ng lahat ng nakikipagtipan na susunndin Siya. Sabi Niya, “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa … kung paanong minahal ko kayo” (Juan 13:34).

Ang pagkilos na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas at pag-asa sa Kanya ay bumabago sa ating likas na katangian mismo para maging katulad Niya, nang kalaunan ay maging karapat-dapat tayong makabalik sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “habang nagsisikap tayong isabuhay ang mga nakatataas na batas ni Jesucristo, unti-unting nagbabago ang ating puso at mismong likas na pagkatao. Tinutulungan tayo ng Tagapagligtas na madaig ang impluwensya ng masamang mundong ito sa pamamagitan ng pagkakaloob sa atin ng higit na pag-ibig sa kapwa, pagpapakumbaba, pagiging bukas-palad, kabaitan, disiplina sa sarili, kapayapaan, at kapahingahan.”

sisters na magkakayakap

Ang Kababaihang Nakipagtipan ay Naghahatid ng Ginhawa ng Tagapagligtas

Naaalala ko isang gabi na bumiyahe ako nang diretso mula sa trabaho para bisitahin ang isa sa sisters na pinaglilingkuran ko. Nakakapagod ang araw na iyon, at hindi maganda ang pakiramdam ko. Pakiramdam ko ay wala na akong siglang maglingkod at hindi talaga ako mapagkawanggawa. Nadama kong dapat akong umusal ng maikling panalangin nang may pananampalataya sa puso ko habang nagmamaneho ako na kahit paano ay mapagpala ang sister na ito ng kailangan niya sa kabila ng aking kakulangan. Habang kausap namin ng companion ko ang sister na ito tungkol sa kanyang pamilya, sa kanyang abalang buhay, at kung ano ang magagawa namin para makatulong, nadama ko ang pagbuhos ng pagmamahal ng Panginoon sa akin. Nadama ko ang Kanyang pagmamahal sa kanya, sa kanyang pamilya, at sa akin.

Nakipaglaro kami sa kanyang maliliit na anak habang nag-uusap kami. At umalis ako nang gabing iyon na nadarama na para akong ibang tao. Alam ko na may sigla at lakas na ibinigay sa akin. Alam ko na naramdaman ko ang kapiraso ng langit sa bahay na iyon. Nadama naming lahat na sumigla kami sa Kanyang pagmamahal.

Nakasumpong ako ng kagalakan sa pagmamahal sa sister na ito at sa paghahatid sa kanya ng ginhawa ng Tagapagligtas. Ang ating mga karanasan sa paglilingkod ay hindi palaging kumbinyente o masaya. Tulad lamang ng anumang bagay na mahalaga, kadalasa’y may ilang mga hadlang. Ngunit kapag naglilingkod ka, hindi mo pinagsisisihang maglingkod at makinig sa mga tao na tulad ni Jesucristo. Hindi mo pinagsisisihang maghatid ng Kanyang pagmamahal at ginhawa.

Sabi ni Pangulong Nelson, “Mga kapatid, huwag sana ninyong hamakin ang pambihirang kapangyarihang nasa inyo na impluwensyahan sa kabutihan ang iba. Ito ay isang kaloob na naipagkaloob ng ating Ama sa Langit sa bawat babae na nakipagtipan.”

Kayo ang mga babaeng nakipagtipan sa Simbahan ng Panginoon. Sa buong mundo, mahal ninyo ang Diyos at sinisikap ninyong isabuhay ang inyong mga tipan at ibigay ang lahat ng makakaya ninyo sa Kanya. Pumapasok kayo para maglingkod sa isa at sa marami para maihatid ang ginhawa ng Tagapagligtas.

At, mahal na mga kapatid, kung kailangan man ng ginhawa sa mundo, ngayon iyon. Talagang kailangan ito sa lahat ng antas at sa lahat ng lugar. At itinanim kayo ng Panginoon sa inyong partikular na bahagi ng ubasan para maghatid ng Kanyang pagmamahal at ginhawa sa Kanyang mga anak. Bawat kabaitan ay mahalaga; bawat nagkukusang puso at kamay ay mahalaga; bawat pagpapahayag ng pagmamahal at pasensya ay mahalaga. Ang ginagawa ninyo ay talagang mahalaga.

Mga Tala

  1. David A. Bednar, sa “A Conversation on Meekness” (Leadership Enrichment Series, Set. 15, 2020).

  2. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan,” Liahona, Nob. 2019, 76–79. “Ang mga pagpapala ng kapangyarihan ng priesthood na matatanggap ng mga miyembro ay kinabibilangan ng … paghahayag upang malaman kung paano gagampanan ang gawain na inorden, isinet-apart, o inatasan silang gawin” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 3.5, Gospel Library).

  3. “Hindi kumpleto ang kaharian ng Diyos at hindi makukumpleto kung walang kababaihang gumagawa ng mga sagradong tipan at tumutupad sa mga ito, kababaihang nangungusap nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos!” (Russell M. Nelson, “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” Liahona, Nob. 2015, 96). “Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith sa kababaihan ng Relief Society, ‘Makapagsasalita kayo nang may awtoridad, dahil binigyan kayo ng awtoridad ng Panginoon.’ Sinabi rin niya na ang Relief Society ay ‘binigyan … ng kapangyarihan at awtoridad na gawin ang maraming dakilang bagay. Ang gawaing ginagawa nila ay ginagawa sa pamamagitan ng banal na awtoridad’ (“Relief Society—an Aid to the Priesthood,” Relief Society Magazine, Ene. 1959, 4, 5)” (Russell M. Nelson, “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” 98, endnote 7). Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2014, 51.

  4. Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 97.

  5. Russell M. Nelson, “Ang Impluwensya ng Kababaihan” (pandaigdigang debosyonal ng Relief Society, Mar. 17, 2024), Gospel Library.