2025
Isang Maluwalhating Araw ng Pagpapanumbalik
Oktubre 2025 Liahona


“Isang Maluwalhating Araw ng Pagpapanumbalik,” Liahona, Okt. 2025.

Isang Maluwalhating Araw ng Pagpapanumbalik

Wala akong maisip na isang araw sa patuloy na Pagpapanumbalik na mas marami ang ipinanumbalik kaysa noong Abril 3, 1836.

mga plano para sa isang templo

Maraming tao ang nakaranas ng mga mahimalang pagpapakita sa Kirtland Temple nang ilaan ito noong Marso 27, 1836, at sa mga buwan bago sumapit ang araw na ito. Ang ilan ay nakakita ng mga anghel, ang ilan ay nakakita ng mga dilang apoy, ang iba ay naglarawan ng mga haligi ng liwanag mula sa kalangitan, at ang ilan ay nakita ang Tagapagligtas.

Inilarawan ni Joseph Smith ang linggo ng paglalaan bilang “isang pentecostes at talagang kaloob, na hindi malilimutan.” Ngunit sa aking isipan, lahat ng pinagsama-samang ito ay hindi papantay sa pangmatagalan—sa katunayan ay walang hanggan—na kahalagahan ng nangyari doon noong Abril 3, 1836. Wala akong maisip na isang araw sa patuloy na Pagpapanumbalik na mas marami ang ipinanumbalik kaysa noong Abril 3, 1836.

si Jesucristo na nagpakita kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery

Jesus Christ Appears to the Prophet Joseph Smith and Oliver Cowdery [Nagpakita si Jesucristo kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery], ni Walter Rane

Mga Susi ng Priesthood

Para maunawaan ang kahalagahan ng bagay na ipinanumbalik sa araw na iyon, mahalagang magkaroon ng pangunahing pag-unawa tungkol sa mga susi ng priesthood. Ang priesthood ay ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Pinagkakalooban Niya ng awtoridad at kapangyarihan ang Kanyang mga anak na lalaki at babae na kumilos sa Kanyang pangalan para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak. Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na pamahalaan kung paano, kailan, at saan ginagamit ang priesthood. Ang mga susi ay hindi lumilikha ng iba pang priesthood; sa halip, kumakatawan ito sa awtoridad na ma-access at gamitin ang priesthood sa partikular na mga paraan at para sa partikular na mga layunin. Bahagi ang mga ito ng kaayusan ng Diyos at ibinibigay para sa layuning mapanatili ang wastong kaayusan.

Sa isang nakaaantig na pakikipag-usap kay Pedro at sa iba pang mga Apostol, ganito ang sinabi ni Jesus, sabi niya “Sa ibabaw ng [bato ng paghahayag ay] itatayo ko ang [isang Simbahan]” (tingnan sa Mateo 16:18). Bilang bahagi ng Simbahang iyon, “ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit” (Mateo 16:19; idinagdag ang diin). At ang isa sa mga bagay na pahihintulutan ng mga susing iyon na gawin nila ay ang magbigkis at magkalag sa lupa at sa langit.

Bago sumapit ang Abril 3, 1836, ang Tagapagligtas, sa pamamagitan ng mga sugo ng langit, ay ipinanumbalik ang priesthood at ilang susi, na nagbigay kay Joseph ng awtoridad na itatag ang Simbahan, i-organisa ng mga katungkulan ng priesthood, at pangasiwaan ang mga bagay na nakasaad sa Mga Artikulo at Tipan ng Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20). Pero hindi pa noon natanggap ni Joseph ang lahat ng kinakailangang susi ng priesthood para isakatuparan ang lahat ng ordenansa na magiging bahagi ng Simbahan. Ang mahahalagang susing ito ay ipinanumbalik noong Abril 3, 1836.

Sa araw na iyon—Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay—sumama sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa isang malaking grupo ng mga Banal sa Kirtland Temple para matuto, makisalamuha, sumamba, at sama-samang tumanggap ng sakramento. Pagsapit ng hapon, nagpunta sina Joseph at Oliver sa mga pulpito ng Melchizedek Priesthood sa kanlurang dulo ng pangunahing palapag at ibinaba ang tabing upang mahiwalay sila sa iba pa na nasa templo. Yumuko sila sa taimtim at tahimik na panalangin. Hindi natin alam kung ano talaga ang kanilang ipinagdasal, pero alam natin na sinagot ang kanilang mga dalangin.

Iniulat nila, “Ang tabing ay inalis mula sa aming mga isipan, at ang mata ng aming pang-unawa ay nabuksan.” Nakita nila si Jesucristo na nakatayo sa sandigan ng pulpito. Matapos ipakilala ang Kanyang sarili, nagpahayag si Jesus, “Ang inyong mga kasalanan ay pinatawad na sa inyo.” (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:1–5.)

Nagpapahiwatig ito na nakatuon ang bahagi ng kanilang tahimik na mga dalangin sa paghingi ng kapatawaran—isang bagay na isinagawa ni Joseph Smith sa buong buhay niya. Sa sandaling iyon, pinawalang-sala sila ni Jesucristo. Wala siyang kasalanan. Wala silang kasalanan. At ang templo ay inilaan, tinanggap, at pinabanal. Lahat ng bagay ay handa na para sa mangyayari.

Nang matapos ang pangitaing ito sa Tagapagligtas, dumating ang mga sugo ng langit para ipanumbalik ang mga susi ng priesthood: Iginawad ni Moises ang mga susi ng pagtitipon ng Israel; si Elias, ipinagkatiwala “ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham”; at ipinanumbalik ni Elijah ang “mga susi ng dispensasyong ito,” o ang madalas tawaging ang kapangyarihang magbuklod (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:11–16). Mahalagang maunawaan na ang ipinanumbalik na mga susing ito ay magkakatuwang. May malaking pagkakaugnay at tinutulungan ng mga ito sa isa’t isa.

Ang mga Susi ng Pagtitipon ng Israel

Noong unang panahon, dahil sa pagsuway, ang mga pinagtipanang tao ng Diyos, ang sambahayan ni Israel, ay ikinalat. Pero nangako ang Diyos na darating ang araw na titipunin Niya silang muli, ipanunumbalik sila sa kanilang orihinal na tipan at sa huli, sa Kanyang presensya. Sa pagpapanumbalik ng Kanyang Simbahan at ebanghelyo sa pamamagitan ni Joseph Smith, sinimulan ng Panginoon na tuparin ang Kanyang pangako na ipanunumbalik o titipunin ang Israel.

Bago pa man ipinanumbalik ang mga susi para sa pagtitipon ng Israel, inutusan ang mga nabinyagan sa kalapit na mga estado na magtipon sa Kirtland (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:2, 7–8; 37:3).

Nang maipanumbalik na ang mga susi ng pagtitipon, halos agad na naragdagan ang mga pagsisikap sa gawaing misyonero. Lumaganap ang ebanghelyo hindi lamang sa mga karatig-estado kundi pati na rin sa karatig-bansa at, hindi naglaon, sa iba’t ibang bansa sa lahat ng direksyon—literal na sa apat na sulok ng mundo. Sa mga susing ito, ang mga Apostol ay “magbubukas ng pintuan ng kaharian sa lahat ng lugar” sa buong mundo (Doktrina at mga Tipan 112:17).

Kapansin-pansin ang di-kukulangin sa tatlong bagay tungkol sa pagtitipon ng Israel. Una, nang isilang si Moises, nakatipon na ang Israel sa isang lugar. Ngunit wala sila sa tamang lugar. Mahalaga ang lokasyon. Sila ay nasa pagkaalipin, walang kalayaang sumamba. Nais ng Diyos na makapunta ang Kanyang mga pinagtipanang tao sa isang pinagtipanang lupain o lupang pangako. Para sa sinaunang Israel, hindi ang Egipto ang lugar na iyon. Sa Canaan dapat. Gayundin, tinitipon Niya ngayon ang Israel sa isang ipinangakong lugar—sa Sion at sa mga stake nito.

Pangalawa, ang pagtitipon ay hindi lamang isang paggugrupu-grupo ng magkakaibigan, magkakamag-anak, o mga taong pare-pareho ang iniisip. Ang layunin ng pagtitipon ay matipon sa Diyos, sa Kanyang presensya. Dinala ng sinaunang Israel ang tabernakulong maililipat-lipat, isang simbolo ng presensya ng Diyos. Totoo rin iyon sa makabagong Israel. Ipinahayag ni Joseph Smith na ang “layunin” ng Diyos sa pagtitipon ng makabagong Israel ay “magtayo ng bahay para sa Panginoon kung saan maihahayag Niya sa Kanyang mga tao ang mga ordenansa ng Kanyang bahay at ang mga kaluwalhatian ng Kanyang kaharian, at maituturo sa mga tao ang daan tungo sa kaligtasan.” Sa madaling salita, ang layunin ng pagtitipon ay para itatag ang Sion, isang lugar kung saan maaaring manahanan ang Diyos sa piling ng mga tao na komportable Siyang makasama sa Kanyang templo.

Sa huli, ang diwa ng pagtitipon na nadama ng mga Banal ay nagpatibay sa kanila sa bawat mapanlinlang na pagpapaalis na naranasan nila. Sa kanilang mga kilos, ang mapanghimagsik nilang pahayag ay, “Kung itataboy ninyo kami mula rito, magtitipon kami sa ibang lugar. Magtitipon at magtitipon kami. Nasa amin ang utos; nasa amin ang mga susi. Tapos na ang pagkalat. Panahon na para magtipon ang Israel!”

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Wala nang ibang nangyayari sa daigdig na ito ngayon mismo na mas mahalaga pa kaysa [sa pagtitipon ng Israel]. Wala nang ibang mas mahalaga ang bunga. Wala talaga.”

Ang Dispensasyon ng Ebanghelyo ni Abraham

Matapos magpakita si Moises, ipinagkatiwala ni Elias “ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham” (Doktrina at mga Tipan 110:12). Kadalasan, ang salitang dispensasyon ay nagpapahiwatig ng tagal ng panahon, pero maaari din itong mangahulugan ng isang pambihirang pahintulot o pribilehiyo. Ang ebanghelyo ni Abraham, pati na ang mga tipan na ginawa ng Diyos kay Abraham at ang mga pagpapalang ipinangako Niya sa kanya, ay tunay na pambihira, hindi pangkaraniwan. Gaano kapambihira? Naniniwala tayo na ipinangako ng Diyos kay Abraham ang lahat ng mayroon Siya. Ang pangako at ebanghelyong ito na ibinigay kay Abraham ang bumubuo sa isang tunay na espesyal na dispensasyon. Noong Abril 3, 1836, ang espesyal na dispensasyong ito at ang awtoridad na ipahayag ito ay ipinanumbalik kay Joseph Smith. Nakawiwiling isipin, ang mga susing nauugnay sa ebanghelyo ni Abraham ay hindi partikular na binanggit sa bahagi 110, bagama’t dahil ang mga susing iyon ay kinakailangan para sa dispensasyong ito, ipinanumbalik ang mga iyon.

side view ng mga plano para sa isang templo

Pagbaling ng mga Puso at ang Kapangyarihan ng Pagbubuklod

Pagkatapos ni Elias, nagpakita si Elijah, na ipinapahayag ang katuparan ng propesiya ni Malakias na ang puso ng mga anak ay babaling sa kanilang mga ama (tingnan sa Malakias 4:5–6). Pamilyar kay Joseph ang propesiyang ito. Bahagi ito ng mensahe ni Moroni sa kanya noong siya ay 17 taong gulang. Itinuro ni Moroni kay Joseph na si Elijah ay “itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama” (Doktrina at mga Tipan 2:2).

Sino ang mga ama, at ano ang mga ipinangako sa kanila? Tiyak na isa sa kanila si Abraham. At ang mga pangakong ginawa sa kanya ay bumubuo ng kadakilaan—ng buhay sa piling ng Diyos, buhay na katulad ng Diyos. Hinangad mismo ni Abraham ang mga pangakong ito, batid na ginawa ang mga ito sa “mga ama” na nauna sa kanya (tingnan sa Abraham 1:2–4).

Ang epekto ng paggamit ng kapangyarihang ito, na pinamamahalaan ng mga susing ipinanumbalik ni Elijah, humigit-kumulang ay dalawa. Una, bawat mahalagang ordenansang natatanggap natin at bawat tipan na papasukin natin sa buhay na ito sa bisa ng priesthood ay nagkakaroon ng bisa na may tatak ng pagiging lehitimo sa kabilang-buhay—ibinibigkis sa lupa, ibinibigkis sa langit. Pangalawa, sa pamamagitan ng kapangyarihang ito ng pagbubuklod, ang mga relasyon, simula sa mag-asawa hanggang sa mga ugat (mga ninuno) at mga sanga (inapo), ay nakabigkis o nakabuklod magpakailanman sa tinatawag nating walang-hanggang tipan—ang tipang ginawa kay Amang Abraham. Para diyan, ipinanumbalik ni Elijah ang kapangyarihang magbuklod.

Nakikita ba ninyo ang pagkakaugnay ng tatlong ito—ang pagtitipon ng Israel, ang ebanghelyo at mga tipan ni Abraham, at ang kapangyarihang magbuklod? Ibinuod ito ni Pangulong Nelson sa ganitong paraan: “Ang mga susing ito ang nagbigay ng awtoridad kay Joseph Smith—at sa lahat ng sumunod na mga Pangulo ng Simbahan ng Panginoon—na tipunin ang Israel sa magkabilang panig ng tabing, na pagpalain ang lahat ng pinagtipanang anak ng mga pagpapala ni Abraham, na maglagay ng nagpapatibay na tatak sa mga ordenansa at tipan ng priesthood, at magbuklod ng mga pamilya sa kawalang-hanggan. Ang kapangyarihan ng mga susi ng priesthood na ito ay walang hanggan at kamangha-mangha.”

Iyan ang dahilan kaya napakahalaga ng mga nangyari sa Kirtland Temple. Kaunti lamang ang ginagawa natin sa Simbahang ito na may pangmatagalang kahalagahan na hindi ginagawa sa ilalim ng awtoridad ng mga susi na ipinanumbalik noong Abril 3, 1836, sa Kirtland Temple. Ang priesthood at ang mga susing iyon ay higit pa sa lokasyon at gusali, ang Kirtland Temple mismo ay nagbibigay ng napakagandang paalala sa pakikitungo ng Diyos sa Kanyang mga tao. Ito ay sagradong katibayan ng pinakadakilang pagpapanumbalik sa lahat.