“Pagpapagaling sa Templo,” Liahona, Okt. 2025.
Mga Pananaw sa Kasaysayan tungkol sa Bahay ng Panginoon
Pagpapagaling sa Templo
Ang mga panalangin para sa mga maysakit at naghihirap ay nananatiling mahalagang bahagi ng pagsamba sa templo mula pa noong panahon ni Joseph Smith hanggang sa ngayon.
Larawan ng Nauvoo Illinois Temple na kuha ni Bruce C Cornwell
Si Jennetta Richards ay naglakbay patawid ng Atlantic Ocean at kalahati ng kontinente ng North America para sumama sa mga Banal sa Nauvoo, Illinois. Nagdusa rin siya sa loob ng maraming taon dahil sa “kahinaan ng buong katawan”—isang di-nasuring talamak na karamdaman. Noong Taglamig ng 1844, matagal pa bago makumpleto ang Nauvoo Temple. Ngunit tinipon na ni Propetang Joseph Smith ang isang grupo ng kalalakihan at kababaihan para magsagawa ng mga sagradong seremonya sa templo sa mga lokasyong tulad ng Red Brick Store. Bahagi ng mga seremonyang ito sa templo ang isang mahabang panalangin kung saan pinagsama-sama ng mga kalahok ang kanilang pananampalataya para sa kanilang sarili at sa iba. Ang mga journal ng mga Banal na dumalo sa mga miting na ito sa templo ay maingat at mapitagan pagdating sa mga sagradong seremonya sa templo kung saan sila nakilahok pero regular na binabanggit ang mga taong kanilang ipinagdasal—kadalasan ay mga batang may malubhang karamdaman. Noong Pebrero 10, 1844, nagdurusa nang husto si Jennetta. Nagdaos ng prayer meeting si Joseph para sa endowed na mga miyembro sa gabi, at ang mga dumalo ay “ipinagdasal si Sister Richards at ang iba pa.”
Ang mga panalangin para sa mga maysakit at naghihirap ay nananatiling mahalagang bahagi ng pagsamba sa templo mula pa noong panahon ni Joseph Smith hanggang sa ngayon. Sa templo, nagkakaisa ang mga miyembro ng Simbahan at humihingi ng tulong sa Diyos bilang isang komunidad, na nananampalataya para sa isa’t isa.
Pagpapagaling sa Bahay ng Diyos
Ang koneksyon sa pagitan ng pagsamba sa templo at pagpapagaling ay nag-uugat sa mga banal na kasulatan. Ayon kay Mateo, nang bumisita ang Tagapagligtas sa templo sa Jerusalem, tinukoy niya ang propetang si Isaias, na ipinaliliwanag na “ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan.” At pagkatapos ay mababasa natin na “ang mga bulag at mga pilay ay lumapit sa kanya sa templo at sila’y kanyang pinagaling” (Mateo 21:13–14; tingnan din sa Isaias 56:7). Sa Pagpapanumbalik, ang huwarang ito ng pagtanggap ng pagpapagaling sa templo ay sumusunod sa pangaral sa Bagong Tipan na dapat ay “ipanalangin [natin] ang isa’t isa, upang kayo’y gumaling” (Santiago 5:16).
Noong panahon ng mga pioneer, maraming taong nagpadala ng mga liham at telegrama sa mga templo, na humihiling na alalahanin sila sa mga panalangin sa templo. Ang ilan ay naglakbay nang malayo para makahanap ng pagpapagaling sa mga templo, kung saan maaaring mabinyagan ang mga indibiduwal sa bautismuhan ng templo para mapagaling o tumanggap ng basbas ng pagpapagaling mula sa iba pang mga Banal na tinawag na mangasiwa roon. Ngunit nang magsimulang magsagawa ng mas maraming gawain sa templo ang mga Banal sa mga Huling Araw para sa kanilang mga ninuno, itinigil ng mga pinuno ng Simbahan ang kaugalian na papuntahin sa templo ang mga Banal para sa mga basbas ng pagpapagaling. Ang mga basbas ng priesthood ay maaaring ibigay saanman matatagpuan ng isang taong naghihirap ang kanyang sarili, ngunit ang mga ordenansa sa templo ay kinailangang isagawa sa bahay ng Panginoon.
Sa kabila ng pagbabagong ito, ang mga templo ay nananatiling mga lugar ng pagpapagaling. Ngayon, maaaring isumite ng mga miyembro ng Simbahan ang mga pangalan ng mga indibiduwal na isasama sa mga panalangin sa templo. Maaari itong gawin nang personal sa templo, online, o sa Member Tools mobile app.
Pisikal at Espirituwal na Pagpapagaling
Ang ministeryo ni Jesucristo kapwa sa Bagong Tipan at sa Aklat ni Mormon ay kapansin-pansin sa pag-aalagang ginawa Niya para mapagaling ang mga maysakit at naghihirap. Ipinaliliwanag din sa Aklat ni Mormon na ang pagpapagaling na ito ay sumasaklaw sa buong sangkatauhan. Ang Tagapagligtas ay nagdusa, namatay, nagbangon mula sa mga patay upang “malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:12). Inanyayahan ni Jesucristo ang lahat na “[magsisi] sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob, upang mapagaling ko kayo” (3 Nephi 9:13). Ang pagpapagaling na ito ay maaaring pisikal, ngunit mayroon din tayong espirituwal at emosyonal na mga trauma na maaaring pagalingin kay Cristo.
Halimbawa, sa panahon ng krisis noong simula ng panahon ng Pagpapanumbalik, ipinaalala ni Jesucristo sa Korum ng Labindalawang Apostol ang kanilang dakilang tungkulin at pagkatapos ay sinabi na magkakaroon sila kapwa ng mga tukso at kapighatian. Ipinaliwanag Niya na “kung hindi nila patitigasin ang kanilang mga puso, at hindi patitigasin ang kanilang mga leeg laban sa akin, sila ay magbabalik-loob, at akin silang pagagalingin” (Doktrina at mga Tipan 112:13), na nagpapahiwatig na pagagalingin ng Tagapagligtas ang kanilang mga espirituwal na paghihirap.
Ngayon, habang gumagawa at tumutupad ang mga miyembro ng Simbahan ng mga sagradong tipan, inaasam nilang “[mapabanal] sa pamamagitan ng Espiritu para sa pagpapanibago ng kanilang mga katawan” (Doktrina at mga Tipan 84:33; tingnan din sa 89:18). Gayunman, kinikilala rin nila na hindi lamang mga pisikal na karamdaman ang uri ng paghihirap na nangangailangan ng pagpapagaling. Dinaranas ng mga Banal sa mga Huling Araw ang lahat ng uri ng paghihirap ng tao at sa mga templo sila nakakahanap ng pagpapagaling para sa mga pusong wasak, nasirang mga relasyon, at maging mga inaasahan na hindi nangyari. Lahat ay maaaring sundin ang panawagan ni Jesucristo na “[lumapit] sa akin nang may buong layunin ng puso, at pagagalingin ko [kayo]” (3 Nephi 18:32).
Isang Pundasyon ng Pagsamba sa Templo
Ang mga mahimalang pagpapagaling ay nakatala sa buhay ng maraming Banal sa mga Huling Araw. Halimbawa, matapos mapangasiwaan at maipagdasal sa isang grupo sa Nauvoo Temple, agad na gumaling si Vilate Kimball. Gayunman, hindi lahat ng panalangin ay nagreresulta sa isang mahimalang pamamagitan. Kapag namamagitan ang Panginoon at pinagpapala tayo, maaaring magtagal lamang nang ilang buwan o taon ang paggaling. Sa huli, magwawakas ang ating mortal na buhay sa kamatayan. Ngunit sumasaatin ang pag-asang ito: na “kapag ang Panginoon ay pumarito, at ang mga lumang bagay ay nagsilipas na, at lahat ng bagay ay naging bago,” tayo ay “babangon mula sa mga patay at hindi na mamamatay pagkatapos, at tatanggap ng mana sa harapan ng Panginoon, sa banal na lunsod” (Doktrina at mga Tipan 63:49).
Isang taon at kalahati matapos ipagdasal sa miting ng templo noong 1843, pumanaw si Jennetta Richards. Sa kabila ng kanyang pananampalataya, at ng nagkakaisang pananampalataya ng kanyang pamilya at ng komunidad sa kanilang templo, pagkaraan lamang ng alas-10:00 n.u. noong Hulyo 9, 1845, tumigil sa paghinga si Jennetta. Ipinaliliwanag sa mga banal na kasulatan na kahit may pananampalatayang mapagaling, dumarating lamang ang paggaling kung ang tao ay “hindi itinakda sa kamatayan” (Doktrina at mga Tipan 42:48). Tulad ni Joseph Smith, na pinaslang noong tag-init ng 1844, hindi nabuhay si Jennetta para makita na tapos na ang templo. Gayunman, tumulong siya sa paglalagay ng pundasyon ng pagsamba sa templo sa Pagpapanumbalik. At bahagi ng pundasyong iyon ang kanyang halimbawa ng paghahangad na mapagaling ng Panginoon sa pamamagitan ng panalanging inalay ng iba—isang panalanging inalay sa kaparehong paraang nararanasan natin sa mga templo ngayon.