2025
Tama ang Nanay Ko
Oktubre 2025 Liahona


“Tama ang Nanay Ko,” Liahona, Okt. 2025.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Tama ang Nanay Ko

Sa pagsunod sa payo ng nanay ko na humawak sa gabay na bakal, nabiyayaan ng presensya ng Espiritu Santo ang aking tahanan.

larawan ng awtor

Noong 13 taong gulang ako, nagkasakit nang malubha ang nanay ko. Nasuri na mayroon siyang malubhang kanser sa huling yugto nito at binigyan ng anim na buwan para mabuhay. Ayaw itong ipaalam ng tatay sa amin na mga anak niya, kaya hindi ko nalaman kung gaano kalubha ang kanyang sakit hanggang sa isang buwan na lang ang natitira sa kanyang buhay.

Bata pa ako para maunawaan ang nangyayari, at nag-atubili akong bisitahin siya sa ospital. Hinikayat ako ng bishop ko na dalhin sa kanya ang sakramento, pero tumanggi ako. Akala ko ay malapit na siyang umuwi. Pero nagpumilit ang bishop ko dahil alam niya na malapit nang mamatay si Inay.

Nang pumayag ako sa wakas, binasbasan ng bishop ko ang sakramento, at ipinasa ko iyon sa nanay ko. Napakalubha ng kanyang sakit kaya hindi siya gaanong nagsalita. Pero sinabi niya sa akin, “Huwag kang bibitaw sa gabay na bakal” (tingnan sa 1 Nephi 8:19–20, 24, 30).

Hindi nagtagal ay pumanaw ang nanay ko, pero naalala ko ang mga bilin niya sa akin. Ang pagsunod sa kanyang payo ay nagpala sa buhay ko.

Kalaunan, nag-alok akong tumulong sa dalawang miyembro ng isang pamilyang naghihirap na nakatira malapit sa amin. Tinanggap nila ang tulong ko at naging bahagi sila ng pamilya ko.

Gayunma’y wala akong perang susuporta sa amin. Kaya kinailangan kong magsikap pa sa trabaho, para suportahan ang tatlong tao sa halip na isa lang. Malaking pagbabago iyon sa pamumuhay.

Para makayanan ang pagbabagong iyon, alam ko na kailangan kong sundin ang mga bilin ng nanay ko na mahigpit na kumapit sa gabay na bakal. Kasama sa paghawak sa gabay na bakal ang pag-alaala sa Tagapagligtas at pag-aaral ng salita ng Diyos. Kinailangan kong magpakita ng mabuting halimbawa, higit na makipag-ugnayan sa Diyos, at mag-aral ng mga banal na kasulatan araw-araw. Kaya, nagsimula kami na sama-samang pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Hindi nagtagal, lagi naming nadarama noon ang Espiritu sa aming tahanan.

Ang pinaka-nakasisiya at magagandang sandali sa buhay ko ay nagmumula sa paghawak sa gabay na bakal. Natutuhan ko rin na “kapag humahawak kayo nang mahigpit sa gabay na bakal, sasamahan ka ni Jesucristo sa paglalakad. Gagabayan Niya kayo, at tuturuan Niya kayo.”