“Halimbawa, mga Pagpapala, at Isang Magandang Buhay,” Liahona, Okt. 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Halimbawa, mga Pagpapala, at Isang Magandang Buhay
Dahil sa halimbawa ng kanyang guro sa hayskul, ninais ng nanay ko na malaman ang iba pa tungkol sa Simbahan.
Ang awtor (kaliwa) kasama ang kanyang bagong kaibigang si Sara
Sa isang multistake dance na dinaluhan ko kamakailan bilang chaperone, nagpasiya akong makipagkaibigan sa isa pang chaperone. Nalaman ko na nagkita na kami sandali noon, na nakatira siya sa ibang stake, at na may magkapareho kaming mga kaibigan. Nalaman ko rin na siya ay taga-Rochester, New York, USA, kung saan nanirahan ang kanyang pamilya sa loob ng maraming taon.
Sinabi ko sa bago kong kaibigang si Sara na isinilang at lumaki ang nanay ko sa Rochester. Tinanong ni Sara ang apelyido sa pagkadalaga ng nanay ko. Iginiit ko na hindi posible na kilala niya si Inay. Hindi miyembro ng Simbahan ang nanay ko noon.
Ipinaliwanag ko na sumapi sa Simbahan si Inay noong freshman year niya habang nag-aaral sa kolehiyo sa Missouri. Noong high school siya, nagkaroon siya ng guro sa high school na iginalang niya. Lagi itong mabait sa kanya at naging napakagandang halimbawa ng pagmamahal ng Tagapagligtas.
Nalaman ng nanay ko na miyembro siya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nang umalis na siya para mag-aral sa kolehiyo, ninais niyang malaman ang iba pa tungkol sa relihiyon nito.
“Ang tatay ko ay isang English teacher sa Rochester sa loob ng 35 taon,” sabi ni Sara. “Saang high school nag-aral ang nanay mo?”
Agad akong nag-text sa nanay ko, at itinanong ko sa kanya kung saang paaralan siya nag-aral at ano ang pangalan ng guro na nakaimpluwensya sa kanya na hanapin ang Simbahan.
“Eastridge High, David Anderson,” sagot niya.
Ang tatay ni Sara ay si David Anderson!
Nagkaroon kami ng espesyal na sandali nang ipaliwanag ng nanay ko ang magagandang bagay na nangyari sa kanyang buhay mula nang sumapi siya sa Simbahan—isang kasal sa templo, pagmimisyon ng apat sa kanyang walong anak at ng marami sa kanyang mga apo, at maraming iba pang mga pagpapala.
Nang ibahagi ni Sara ang kuwento ng nanay ko sa tatay niya kinabukasan, napaiyak ito sa pasasalamat. Sumapi siya sa Simbahan matapos mag-asawa at ginusto niyang siya mismo ay makapagmisyon, pero nabalo na siya sa dalawa niyang asawa. Nakatulong sa kanya ang marinig ang kuwento ng nanay ko na madama na talagang maganda ang kanyang buhay.
Nagpapasalamat ang pamilya ko kay Mr. Anderson, ang guro sa high school na tumutupad sa tipan na ang halimbawa ay naghikayat sa isang 18-taong-gulang na dalaga na hanapin ang katotohanan at baguhin ang kanyang buhay at ang buhay ng mga susunod na henerasyon.
Sa ebanghelyo ni Jesucristo, maaaring maging maganda ang buhay para sa lahat ng handang sumunod sa Tagapagligtas at tumupad sa kanilang mga tipan.