2025
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang Awa ng Diyos, at Kayo
Oktubre 2025 Liahona


“Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang Awa ng Diyos, at Kayo,” Liahona, Okt. 2025.

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang Awa ng Diyos, at Kayo

Si Jesucristo ay ating Kaibigan, ating Gabay, ating Dakilang Manggagamot, ating Tagapayo, at, higit sa lahat, ating Tagapagligtas, Manunubos, at Tagapangtanggol sa Ama.

ang Pagpapako sa Krus

The Crucifixion [Ang Pagpapako sa Krus], ni Harry Anderson

Si Jesucristo ba ay tila napakalayo sa inyo, napakahirap abutin, at napakamanhid para maging personal, praktikal, at pang-araw-araw na Tagapagligtas ninyo mula sa pagiging isang larawan sa dingding o isang estatwa o pangalan sa mga banal na kasulatan?

Tingnan natin kung hindi natin masasarhan ang di-kinakailangang pagitang ito sa pamamagitan ng pagrerebyu kung ano ang alam natin at kung ano ang angkop na masasabi natin sa huli mula sa banal na kasulatan at sa mga propesiya tungkol sa kaugnayan natin sa premortal na Cristo at kung paano makatutulong sa atin ang kaalamang iyan ngayon sa ating relasyon sa Kanya.

Ang Ating Alam

  • Alam natin na “ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang-hanggang tadhana ng Kanyang mga anak” at na “sa buhay bago pa ang buhay sa mundo, [tayo ay] mga espiritung anak na lalaki at anak na babae [ng Diyos].”

  • Alam natin na tayo ay “kasama sa mga maharlika at dakila” (Doktrina at mga Tipan 138:55; tingnan din sa Abraham 3:22) at na tayo ay “tumanggap ng [ating] mga unang aral sa daigdig ng mga espiritu” (Doktrina at mga Tipan 138:56).

  • Alam natin, tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, na “inireserba ng ating Ama sa Langit ang marami sa Kanyang pinakamagigiting na [espiritung] anak—masasabi kong, ang pinakamahusay Niyang pangkat—para sa huling yugtong ito. Ang magigiting na mga espiritung iyon—ang pinakamahuhusay na manlalarong iyon, ang mga bidang iyon—ay kayo!”

  • Alam natin, tulad ng itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, na “ang ating indibiduwal na pagkakakilanlan ay bahagi ng ating pagkatao [magpakailanman]. Sa mga bagay na hindi natin ganap na nauunawaan, ang ating espirituwal na pag-unlad doon ay nakaiimpluwensya sa pagkatao natin dito.”

  • Alam natin na para maging katulad ng ating mga magulang sa langit, kinailangan nating lisanin ang kanilang presensya. Inilahad ang plano ng pagtubos, at tinanggap ito ng ilan at tinanggihan ng iba. Lumapit si Jesus at sinabi, “Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan” (Moises 4:2).

  • Alam natin na, dahil dito, nagkaroon ng digmaan sa langit kung saan “si Miguel [ang premortal na si Adan] at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma sa dragon [kay Satanas] … at [sa] kanyang mga anghel” (Apocalipsis 12:7) at na “siya’y [ating] dinaig dahil sa dugo ng Kordero, at dahil sa salita ng [ating] patotoo” (Apocalipsis 12:11).

  • Alam natin na tayo, na kabilang sa pinakamatatapang at mapagkakatiwalaang mga anak ng Ama sa Langit, ay “[tumalikod sa] kaaway at sumama sa mga puwersa ng Diyos, at [na] nagtagumpay ang puwersang iyon.”

  • Alam natin na ang ating maliit na asul na planeta sa Milky Way galaxy ay isang napakahirap na lugar dahil, tulad ng pinatotohanan ng Panginoon kay Enoc, “sa lahat ng gawa ng aking mga kamay ay walang naging kasingsama gaya ng iyong mga kapatid” (Moises 7:36).

  • Alam natin na ang tulutan na magkaroon ng pagsalungat sa lahat ng bagay, ang pinakamalaking kabutihan at pinakadakilang liwanag sa sansinukob ay ipinadala rin sa partikular na mundong ito sa anyo ni Jesucristo at ng lahat ng sumunod sa Kanya—tayong lahat.

  • Alam natin na bilang ilan sa pinakamararangal at matatapat sa mga espiritung anak ng Ama sa Langit, pinili tayong pumarito na kasama ni Jesucristo sa mga huling araw na ito.

si Jesus na tinutulungan ang isang babae at ang kanyang sanggol

Healing Hands [Mga Kamay na Nagpapagaling], ni Adam Abram

Tayo ay mga Kaibigan ng Tagapagligtas

Gusto kong ilarawan sa aking isipan ang posibleng naging masayang inaasam ng Tagapagligtas na tayo, na Kanyang pinagkakatiwalaang mga disipulo at kaibigan bago pa man tayo isinilang, ay patuloy na magiging tapat sa Kanyang adhikain habang narito tayo sa lupa. Kaya hindi tayo nagtataka na kalaunan ay nagpapatotoo si Cristo sa Kanyang mga disipulo na “kayo yaong ibinigay sa akin ng aking Ama; kayo ay aking mga kaibigan” (Doktrina at mga Tipan 84:63). Ang pagpapahayag ng pagmamahal na ito, sa palagay ko, ay natural na ipinararating sa ating lahat.

Kasunod nito ay dumating ang pangako na dahil sa ating katapatan at pagsunod bago tayo isinilang sa mundong ito, balang-araw ay magkakaroon tayo ng potensyal na maging miyembro ng sambahayan ni Israel sa pamamagitan ng angkan ni Amang Abraham dahil sa ating espirituwal na disposisyon na pakinggan at sundin ang tinig ng Diyos at sa mga sagradong pakikipagtipan sa Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:7). Bilang mga miyembro ng sambahayan ni Israel, may karapatan tayong matanggap ang mga pagpapala at responsibilidad ng tipan tulad ng pangakong ipinahayag ni Cristo sa mga Nephita: “Ang Ama na ibinangon akong una sa inyo … dahil sa kayo ay mga anak ng tipan” (3 Nephi 20:26).

Kayo at ako ay minarkahan—talagang inilaan—dahil sa ating katapatan at pagsunod bago pa tayo isinilang. Dahil matatag tayong nanindigang minsan sa piling ng ating Tagapagligtas, pati na sa Digmaan sa Langit, tinatawag tayo ngayon na muling sumali sa huling labanang ito, dahil patuloy ang Digmaan sa Langit, tulad noon, sa panig na ito ng tabing sa parehong mga hanay ng labanan ng mabuti laban sa masama, liwanag laban sa kadiliman, at katotohanan laban sa kasinungalingan.

Sana ay madama ninyo na si Jesucristo noon at ngayon ay ating Kaibigan, ating Gabay, ating Dakilang Manggagamot, ating Tagapayo, at, higit sa lahat, ating Tagapagligtas, Manunubos, at Tagapagtanggol sa Ama. Maaaring mali ang pagkapahayag ninyo sa inyong sarili na kayo ay napakahina at sawi para maging karapat-dapat sa Kanyang pagmamahal.

Kahit “kung wala kayong higit na nais kundi ang maniwala” na personal Siyang nagmamalasakit sa inyo, “hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo” (Alma 32:27) at magtiwala kay Cristo—o, sa madaling salita, magtiwala sa inyong “pananampalataya tungo sa pagsisisi” (Alma 34:15–17), sa inyong pinakamatinding pagsisikap.

Kung tunay kayong malapit sa Kanya bago pa man kayo isinilang (at naniniwala ako riyan), kung talagang nagdusa Siya at namatay para sa inyo (at ginawa nga Niya iyan), kung ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ay partikular na inilaan para sa bawat isa sa inyo (at totoo iyan), kung ang kapatawaran ng mga kasalanan at ang unti-unting paglago nang taludtod sa taludtlod sa buhay na ito ang dahilan kaya kayo narito una sa lahat (at totoo iyan), marahil ay mauunawaan ninyo kung bakit nag-aapoy ang galit ng Ama sa mga taong “tumangging unawain ang [Kanyang] mga awa na ipinagkaloob [Niya] sa kanila dahil sa [Kanyang] Anak” (Alma 33:16).

Nasisiyahan ang Diyos sa Pagiging Maawain

Ang patuloy na pagsisisi ay nilayon na maging masayang karanasan kapag may bisa sa atin ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at samakatuwid, ang pagkakaroon ng kapatawaran ng mga kasalanan. Sa kabilang dako, gusto tayong paniwalain ng kaaway na ang pagsisisi ay isang gawaing walang pag-asa at nakasisira sa inyong sarili—na lagi lamang nagpapaalala sa ating walang-katapusang mga pagkakamali.

Tandaan lamang na ang Pagbabayad-sala at kusang pag-aalay ng Tagapagligtas ay nagpoprotekta sa atin hindi lamang mula sa ating mga kasalanan kundi pati na rin mula sa ating mga kahinaan. Sumampalataya na perpekto ang pagkilala ng Tagapagligtas sa pagitan ng ating mga kahinaan at ng ating mga pinag-isipan at sinadyang kasalanan. Itinuro ng isa sa Kanyang mga tagapaglingkod na si Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “[Tiyak na] ang bagay na lubhang ikinatutuwa ng Diyos sa pagiging Diyos ay ang pagiging maawain, lalo na sa mga taong hindi ito inaasahan at kadalasan ay nadarama na hindi sila karapat-dapat dito.”

Mahal kong mga kaibigan, sa “paglipas ng panahon” (Moises 7:21) at “taludtod sa taludtod, … tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30), habang mapagpakumbaba tayong naghahangad ng kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng taos-puso at kaagad na pagsisisi sa araw-araw at maging banal, ang kaugaliang pahintulutan ang “Diyos na manaig” at “pag-iisip nang selestiyal” ay kailangan at makikita sa ating likas na katangian, ugali, at pagkatao; sa ating puso, kakayahan, isipan, at kaluluwa (tingnan sa Lucas 10:27); sa ating mga saloobin, salita, at gawa.

Ang Dalubhasang Manggagamot

Mga kapatid, pinatototohanan ko na totoong may Tagapagligtas at Pagbabayad-sala Siyang ginawa. Pinatototohanan ko na sa Kanyang ospital, Siya ang Dakilang Manggagamot, Punong Siruhano, at Tagapagpagaling. Pinatototohanan ko na Siya ay dalubhasa sa pagpapagaling sa pinakamahina sa mahihina at sa pagpapaginhawa sa mga taong hindi talaga iyon inaasahan. Pinatototohanan ko na lahat ng gastusin ng mga pasyente sa loob at labas ng ospital ay binayaran na Niya sa isang halamanan at sa isang krus. Pinatototohanan ko na malugod kayong tatanggapin doon para sa mga regular na pagsusuring espirituwal at para din sa mga emergency operation na nagliligtas ng buhay. Bukas ang Kanyang ospital nang 24/7, at palaging may kuwarto at kama para sa inyo.

Ang tanging maibabawas ay ang inyong pagmamahal sa Kanya, ang inyong tunay na layunin, ang inyong buong pusong pagkadisipulo at kahandaang magpunyagi na tuparin ang inyong mga tipan—sa madaling salita, ang inyong bagbag na puso at nagsisising espiritu (tingnan sa 2 Nephi 2:7; 4:32).

si Cristo sa Getsemani

Christ in Gethsemane [si Cristo sa Getsemani], ni Heinrich Hofmann

Sa mga salita ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Walang hangganan ang kakayahan ng Tagapagligtas na tulungan kayo. Ang Kanyang di-maaarok na pagdurusa sa Getsemani at sa Golgota ay para sa inyo! Ang Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala ay para sa inyo!

“Hinihikayat ko kayo na maglaan ng oras bawat linggo—sa nalalabing panahon ng inyong buhay—na dagdagan ang inyong pag-unawa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”

Bilang pagtatapos, “nawa’y ipagkaloob ng Diyos … na [kayo] ay madala sa pagsisisi at mabubuting gawa, upang [kayo] ay maipanumbalik nang biyaya sa biyaya, alinsunod sa [inyong] mga gawa” (Helaman 12:24) upang kayo ay “makatingala sa Diyos sa araw na yaon nang may dalisay na puso at malinis na mga kamay … , na ang larawan ng Diyos ay nakaukit sa inyong mga mukha” (Alma 5:19).