“Hawak Niya ang Ating Puso,” Liahona, Okt. 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Hawak Niya ang Ating Puso
Bilang ating Tagapagligtas, hawak ni Jesucristo ang ating puso at pinaghihilom ito.
Ang pananampalataya ko kay Jesucristo ang pundasyon ng buhay ko, at ang pagmamahal ng Ama sa Langit ang pinakadiwa ng buhay ko. Nadama ko na kaisa Nila ako. Sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo, nadarama ko ang Kanilang kapangyarihan sa aking buhay.
Sa bahay ng Panginoon, pakiramdam ko ay malapit ako sa Kanya. Nadarama ko ang lakas at kapangyarihan ng Kanyang priesthood. Pakiramdam ko ay iniaabot Niya ang Kanyang kamay sa akin, at inaanyayahan akong abutin ito.
Kasama sa paglalakbay ko sa buhay ang pag-aaral ko ng medisina, kung kailan naging malinaw sa akin ang koneksyon sa pagitan ng pananampalataya at medisina. Minsan habang may training ako sa cardiac surgery, tumulong ako sa isang operasyon sa puso. Tatanggap ang isang pasyente ng coronary artery bypass. Kasama sa mga hakbang sa paghahanda ang pagkonekta ng isang heart-lung machine para matiyak na dumadaloy ang mahalagang supply ng dugo at oxygen sa circulatory system ng katawan.
Gamit ang isang espesyal na liquid solution, pansamantalang pinatigil ng surgeon ang tibok ng puso para maisagawa niya ang operasyon nang hindi gumagalaw ang puso. Pinagmasdan kong mabuti ang mga kamay ng surgeon at nakita ko na iniangat niya nang bahagya ang puso sa dibdib sa kanyang harapan. Sa sandaling iyon ay tumingin siya sa akin na may banayad na paggalaw ng kanyang ulo. Hiniling niya sa akin na hawakan kong mabuti sa kanang kamay ko ang puso para maging stable ito para sa bypass procedure.
Nang hawakan ko ang puso ng pasyente, agad akong nakadama ng napakalaking responsibilidad, gayon din ng matinding pakiramdam ng pagkamangha. Pumasok ang sumusunod na mga salita mula sa Doktrina at mga Tipan 101:16 sa aking isipan: “Mapanatag at malaman na ako ang Diyos” (tingnan din sa Mga Awit 46:10).
Inuugnay ko ang imaheng ito ng isang kalmadong puso na may espirituwal na natatanto na hawak ni Jesucristo, bilang ating Tagapagligtas, ang ating puso at pinaghihilom ito.
Nalaman ko na totoo ang sinambit na mga salita ni Pangulong Russell M. Nelson sa isang pangkalahatang kumperensya kamakailan: “Ang pinakamainam ay darating pa kapag lubos nating ibinaling ang ating puso at buhay kay Jesucristo.”