“Nababalot ng Init at Pagmamahal,” Liahona, Okt. 2025.
Nababalot ng Init at Pagmamahal
Ayaw kong magmukhang mahina sa paghingi ng tulong, pero alam ko na kailangan ko iyon.
“Ano ang maipaglilingkod ko sa iyo?” tanong ni Michele. Si Michele ang aking ministering sister at isa sa pinakamatatalik kong kaibigan. Lagi kong naiisip ang tanong niya, at nabagabag ako na hindi ko na naman siya nasagot nang tuwiran.
Kamakailan lang ay nabagabag ang kamag-anak ko sa nakapanlulumong mga pangyayari, at alam ko na kailangan ko ng tulong. Gayunma’y ayaw kong magmukhang mahina sa paghingi ng tulong kay Michele.
Kadalasa’y ikinukumpara ko ang sarili ko sa iba tulad ng mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw na isinakripisyo ang lahat para sa kanilang pananampalataya o ang kaibigang iyon sa Facebook na tila nasa kanya na ang lahat. Alam ko na wala sa mga pagkukumparang ito ang makatarungan. Subalit patuloy akong lumalayo sa iba kapag ang maaaring makagawa ng malaking kaibhan ay pag-alo ng isang mapagmahal na brother o sister sa ward.
Sa loob ng maraming taon, patuloy kong iniwasan ang mga kaibigang gustong tumulong sa napakaraming bersyon ng mga katagang “Ayos lang ako.” Ang kakatwa rito, nalulungkot akong matanggap ang gayon ding sagot mula sa mga taong pinaglilingkuran ko. Gaano kadalas ko ba mapagmalaking itinaboy ang mga taong isinugo ng Diyos bilang sagot sa aking mga dalangin? Gayunman, sa mga nangyari sa akin kamakailan, napilitan akong magpakumbaba at humingi ng tulong.
Noong una, hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko nang tawagan ko si Michele, pero nang ibuhos ko ang aking kalungkutan at kalituhan, nakiramay siya at nakinig sa akin. Sinabi ko sa kanya na gusto ko lang may magbigay sa akin ng meryenda, balutin ako ng kumot, at ihiga ako sa kama na may pagtiyak na magiging OK ang lahat.
Sinabi sa akin ni Michele na matagal na niyang ipinagdarasal na malaman kung paano ako aaluin pero hindi niya alam kung paano dahil wala akong binabanggit tungkol sa ipinagdadalamhati ko. Gayunman, nang masabi ko sa kanya sa wakas ang nasa puso ko, mas naunawaan niya ako at nalaman kung paano ako tutulungan.
Kinabukasa’y nakita ko siya sa may pintuan ko at may dalang isang supot ng cherries at ng pinakamainit at pinakamalambot na kumot sa lahat ng nahawakan ko. Hindi nagtagal ay dumating ang kanyang ministering companion na si Linda na may dalang pagkain para sa aking pamilya at mga medyas na pangginaw para sa akin.
Ngayon kapag nagdadalamhati ang kalooban ko na parang binabagyo, binabalot ko ang sarili ko sa init ng pagmamahal nina Michele at Linda at alam ko na magiging OK ako. Ang pagmamahal nila ay isang paalala ng pagmamahal ni Cristo—isang bagay na maaari kong hilingin anumang oras na kailanganin ko ito (tingnan sa Roma 8:35, 38–39).
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.