2024
Masyadong Malaki para sa Primary
Nobyembre 2024


“Masyadong Malaki para sa Primary?” Kaibigan, Nobyembre 2024, 40–41.

Masyadong Malaki para sa Primary?

Gusto ni Gift na makalipat na sa Young Women.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Nigeria.

Batang babaeng may kasamang mas maliliit na bata

“Welcome sa Primary!” Nakatayo si Sister Agbor, ang Primary leader ni Gift, sa harap ng kuwarto. “Ngayo’y pag-aaralan natin ang kantang ‘Mahalin ang Bawat Isa.’”

Nagsimula ang tugtog, at naghanda nang kumanta ang mas maliliit na bata. Pero alam na ni Gift ang kantang ito. Isandaang beses na niya itong nakanta! Wala talaga siyang ganang kantahin iyon ngayon.

Sawa na si Gift sa Primary. Mas matanda siya, mas matangkad, at mas malaki kaysa sa lahat ng iba pang mga bata. Lahat ng kaibigan niya sa simbahan ay nasa Young Women na ngayon. Halos isang buong taon pa bago siya makasama sa kanila sa mga klase at aktibidad ng Young Women.

Habang kumakanta ang lahat, tahimik si Gift. Ibinulong niya ang ilang salita sa mga awitin, pero abala siya sa pag-iisip.

Pagkatapos ay nagkaroon siya ng ideya. Baka sakaling kapag kinausap niya ang bishop, papayag itong dumalo siya nang maaga sa Young Women para makasama niya ang mga kaibigan niya.

Natagpuan ni Gift si Bishop Achombi pagkatapos ng simba. “Hi, Bishop,” sabi niya. “Hindi ko na po talaga ramdam na kabilang pa ako sa Primary. Mas malaki at mas matanda ako sa lahat ng iba pang mga bata. Puwede po ba akong magsimula nang dumalo sa Young Women?”

Ngumiti si Bishop Achombi. “Alam ko na nakakasabik lumipat sa Young Women,” sabi nito. “Pero maaari ka lang magsimulang dumalo roon sa taon na mag-eedad 12 ka na. Pasensya na.”

Nagbaba ng tingin si Gift. “OK po.”

“Suwerte ang Primary dahil naroon ka,” sabi ng bishop. “Sa tingin ko, hangang-hanga sa iyo ang mas maliliit na bata. Malaking kaibhan ang magagawa mo sa kanila.”

Sa buong maghapon, malungkot si Gift. Napakahaba ng isang taon para malungkot sa Primary.

Pero pinag-isipan pa ni Gift ang sinabi ni Bishop Achombi. Hanga kaya talaga sa kanya ang ibang mga bata? Hindi pa niya iyon napansin noon.

Nang sumunod na linggo, kumaway si Gift para magpaalam sa mga kaibigan niya habang naglalakad sila papunta sa kuwarto ng Young Women. Bumuntong-hininga siya at naglakad papunta sa kuwarto ng Primary.

“Gift,” sabi ni Sister Agbor, “puwede mo ba akong tulungang ituro ang kantang ito para sa linggong ito?”

“Um, sige po,” sabi ni Gift. “Anong kanta po ang pag-aaralan natin?”

“‘Ako ay Anak ng Diyos,’” sabi ni Sister Agbor. “Maraming salamat sa tulong mo! Palagay ko magiging masaya ang mga bata na matuto mula sa iyo.”

Nang magsimula na ang oras ng pagkanta, tumayo si Gift sa harap ng kuwarto. “Tuturuan ko kayo ngayon ng isa sa mga paborito kong kanta,” sabi niya. Tinulungan niya ang mga bata na matutuhan ang mga salita. Pagkatapos ay kinanta nila ang awitin. Habang kumakanta sila, maganda at masaya ang pakiramdam ni Gift. Alam niya na ang Espiritu Santo ang nadarama niya.

Hindi nagtagal, halos tapos na ang klase sa Primary! Pagkatapos ng pangwakas na panalangin, nagsimulang maglakad si Gift papunta sa pasilyo. Gusto niyang hanapin ang mga kaibigan niya pagkatapos ng klase nila sa Young Women at batiin sila.

Pero pinigilan siya ng isa sa mga batang babae. “Salamat sa pagsabay sa amin sa pagkanta!” Niyakap nito si Gift. “Gusto kong maging katulad mo paglaki ko.”

Ngumiti si Gift. Hindi pa rin siya makapaghintay na makadalo sa Young Women, at inasam niya na bumilis ang paglipas ng susunod na taon. Pero alam niya na maaari pa rin siyang matuto at gumawa ng mabubuting bagay sa Primary.

At tama siguro si Bishop Achombi. Makakagawa siya ng kaibhan.

PDF

Mga larawang-guhit ni Simini Blocker

  1. Aklat ng mga Awit Pambata, 74

  2. Aklat ng mga Awit Pambata, 2