“Ang Sunshine Scripture ni Maja,” Kaibigan, Nobyembre 2024, 14–15.
Ang Sunshine Scripture ni Maja
“Hindi ko alam kung may paborito akong talata sa banal na kasulatan,” sabi ni Maja.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa Slovenia.
Umupo si Maja sa mga baitang ng hagdan ng bahay nila at nangalumbaba. Maliwanag ang sikat ng araw, mainit ang sinag ng liwanag na tumatagos sa matataas na puno. Amoy sariwang pine needles ang hangin.
Lumabas si Mami at naupo sa tabi ni Maja. “Ano’ng iniisip mo?”
“Magbabahagi po ako dapat ng paborito kong talata sa banal na kasulatan sa Primary,” sabi ni Maja. “Pero wala po akong paborito. At hindi ko po alam kung alin ang pipiliin.”
Tumango si Mama. “Mahirap pumili ng paboritong talata sa banal na kasulatan.” Tumingin siya sa mga puno, at saka tumayo. “May ideya ako.”
Bumalik si Mami sa loob. Pagbalik niya, hawak niya ang kanyang mga banal na kasulatan. “Magsimula tayo sa isang kuwento. Ano ang paborito mong kuwento sa banal na kasulatan?”
Pinag-isipan iyon ni Maja. “Gusto ko po ‘yong noong bisitahin ni Jesus ang mga Nephita.”
Binuklat-buklat ni Mami ang mga pahina sa Aklat ni Mormon. “Nagsisimula ang kuwentong iyan sa 3 Nephi.” Tumuro siya sa pahina. “Maghalinhinan tayo sa pagbasa at pumili tayo ng mga talatang gusto natin.”
Tumango si Maja at nakinig habang nagbabasa si Mami. Nagbasa siya tungkol sa pagtawag ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo. Nagbasa siya tungkol sa mga tagapamayapa at panalangin.
Pagkatapos ay si Maja na ang nagbasa. Nang matapos niya ang isa sa mga talata, tumigil siya sandali. Pakiramdam niya ay parang nagniningning ang araw nang sapat para mapuspos ang kanyang puso.
Tumingin siya kay Mami. “Gusto ko po ang isang ‘yan.”
“Ako rin. Ano ang nagustuhan mo rito?” tanong ni Mami.
Nagkibit-balikat si Maja habang nakangiti. “Tungkol ito kay Jesus. At nagpapasaya lang ito sa akin.”
Gumanti ng ngiti si Mami. “Magandang paraan iyan para malaman na nakakita ka ng isang paboritong talata. Gusto mo bang ikuwento ang isang ‘yan sa Primary?”
Tuwang-tuwang tumango si Maja. “Puwede po ba n’yo akong tulungang matutuhan ito?”
“Oo naman!” sabi ni Mami.
Nagpraktis sina Mami at Maja sa paisa-isang salita. Habang ginagawa nila ito, humuni ang mga ibon sa mga puno, na para bang natututo rin sila.
Buong linggo, patuloy na pinraktis ni Maja ang kanyang bagong paboritong talata sa banal na kasulatan. Pagsapit ng Linggo ng umaga, medyo kabado siya. Nagpraktis siyang sabihin ang kanyang talata sa mahabang biyahe papuntang simbahan.
Iilan lang ang mga bata sa Primary ni Maja. Pero pagpasok niya sa klase, naramdaman ni Maja na parang kinakabahan siya.
Nang siya na ang magbabahagi, tumayo si Maja at huminga ng malalim. “Masdan, ako ang batas, at ang ilaw,” sabi niya. “Tumingin kayo sa akin, at magtiis hanggang wakas, at kayo ay mabubuhay; sapagkat siya na makapagtitiis hanggang wakas ay bibigyan ko ng buhay na walang hanggan.”
Nang matapos si Maja, umupo siya at ngumiti. Nagawa niya iyon! Nawala na ang kaba niya, at bumalik na ang pakiramdam ng mainit at maliwanag na sikat ng araw. Alam niya na ihahatid ng paborito niyang talata sa banal na kasulatan ang damdaming iyon sa tuwing kailangan niya iyon.
Mga larawang-guhit ni Chloe Dominique