“Kailangan Ko bang Maging Perpekto?” Kaibigan, Nobyembre 2024, 36–37.
Kailangan Ko bang Maging Perpekto?
Gusto ni Henry na magpunta sa templo, pero pakiramdam niya ay napakarami na niyang nagawang pagkakamali.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa Aruba.
Dahan--dahang pumasok si Henry sa kuwarto ng Primary. Dahan-dahan siyang lumakad papunta sa kanyang upuan.
Nginitian siya ng kanyang gurong si Brother Rass. “Handa ka na bang magsalita tungkol sa mga templo?” tanong nito.
“Opo,” sagot ni Henry.
Bakit ko ba sinabi ‘yon? naisip ni Henry pag-upo niya. Pakiramdam niya ay hindi pa siya handa. Hindi talaga.
Pinag-aaralan noon ng klase ni Henry sa Primary ang awiting “Templo’y Ibig Makita.” Nahilingan ang kanyang klase na magsalita tungkol sa pagpunta sa templo.
Pero nalungkot si Henry. Gusto niyang magpunta sa templo kapag nasa tamang edad na siya, pero pakiramdam niya ay napakarami na niyang nagawang pagkakamali.
Isa-isang tumayo ang mga kaibigan ni Henry. Masaya sila at tuwang-tuwa nang magsalita sila tungkol sa pagpunta sa templo balang-araw. Mas lalong sumama ang pakiramdam ni Henry.
Pagkatapos ay oras na para kumanta. Sumabay sa pagkanta si Henry sa iba pa sa Primary: “Habang bata pa’y maghahanda; tungkulin ko’y sagrado.”
Paano ako maaaring maghandang magpunta sa templo samantalang napakarami kong ginagawang pagkakamali? naisip ni Henry. Sumandal siya nang mas mababa sa kanyang upuan.
Nang matapos ang awitin, humilig sa kanya si Brother Rass. “OK ka lang ba?” tanong nito kay Henry.
Nakatitig si Henry sa kanyang mga kamay. Pagkatapos ay mahina niyang sinabi, “Gusto ko pong pumunta sa templo, pero baka po hindi ako karapat-dapat.” Huminga siya nang malalim. “Hindi po ako laging mabait sa pamilya ko. Nalilimutan ko pong gawin ang mga gawain ko sa bahay. Napakarami kong ginagawang pagkakamali. Kailangan ko ba talagang maging perpekto?”
Magiliw na ngumiti si Brother Rass. “Hindi mo kailangang maging perpekto para maging marapat na magpunta sa templo. Maaari tayong maging karapat-dapat kapag nagtitiwala tayo kay Jesucristo at taos-pusong nagsisikap na sundin ang mga kautusan. Lahat tayo ay nagkakamali, pero maaari tayong magsisi at maging malinis na muli.”
Medyo tumuwid ng upo si Henry.
“Sigurado kong ipinagmamalaki ka ng Ama sa Langit sa pagsisikap mong maging mabuti,” sabi ni Brother Rass.
Inisip ni Henry ang ilan sa magagandang bagay na nagawa niya sa buong linggong iyon. Nagluto sila ni Inay ng hapunan, tinulungan niya ang kanyang kapatid na babae sa homework nito, at binati niya ang isang batang lalaking baguhan sa paaralan.
Nagsimulang mabawasan ang pag-aalala ni Henry. Alam niya na tinutulungan siya noon ng Espiritu Santo na makadama ng kapayapaan.
Nang si Henry na ang magsasalita, ngumiti siya at tumayo. “Gusto kong patuloy na magsisi at maging mas katulad ni Jesucristo para balang-araw ay makapasok ako sa templo,” sabi niya.
Masaya si Henry nang maupo siya. Balang-araw, makakagawa siya ng mga sagradong tipan sa Diyos sa loob ng templo. Gusto niyang gawin ang lahat para makapaghanda!
Mga larawang-guhit ni Gail Armstrong