“Mga Tip para sa Inyong Unang Temple Trip” Kaibigan, Nobyembre 2024, 38–39.
Mga Tip para sa Inyong Unang Temple Trip
Sa templo, maaari kayong mabinyagan at makumpirma para sa mga taong pumanaw nang walang ebanghelyo. Magkakaroon ng pagkakataon ang mga taong iyon na makipagtipan sa Diyos at tumanggap ng Kanyang mga pagpapala, tulad ng ginawa ninyo nang kayo ay mabinyagan at makumpirma.
Mga Dapat Dalhin
-
Mga damit-pangsimba (isuot ang mga iyon papunta sa templo)
-
Temple recommend
-
Brush at panali sa buhok (kung kailangan)
-
Mga pangalang nai-print mula sa FamilySearch app o website (opsyonal)
Ang Dapat Gawin
1. Pumasok sa Templo
Ipakita ang inyong recommend sa front desk. Pagkatapos ay makakapunta na kayo sa baptistry. Bibigyan kayo ng isang temple worker ng puting damit na panloob, mga medyas, at damit-pambinyag.
2. Magpalit ng Damit
Sa dressing room, isuot ang damit na ibinigay sa inyo. Ilagay ang mga gamit ninyo sa isang locker na walang laman. Pagkatapos ay isusi ang inyong locker at iperdible ang susi sa inyong damit-pambinyag. Kung mahaba ang buhok ninyo, talian ito. Dalhin ang inyong naka-print na mga pangalan.
3. Maghintay nang Mapitagan
Habang hinihintay ninyong mabinyagan kayo, maaari kayong magbasa ng mga banal na kasulatan, manalangin, o magnilay-nilay. Maaari din ninyong isipin ang mga taong bibinyagan sa pamamagitan ninyo.
4. Makilahok sa mga Binyag sa Templo
Kapag kayo na ang bibinyagan, ibigay ang hawak ninyong mga pangalan sa taong nasa harap ng mesa. Kung wala kayong dalang mga pangalan, gagamitin nila ang mga pangalan mula sa templo. Maingat na lumusong sa bautismuhan, kung saan bibinyagan kayo ng isang priesthood holder para sa bawat tao. Tandaang itiklop ang mga tuhod ninyo at takpan ang ilong ninyo habang inilulubog niya kayo sa tubig.
5. Isuot na Muli ang Sarili Ninyong Damit
Kapag tapos na kayo, may magbibigay sa inyo ng tuwalya. Pagbalik sa dressing room, maaari kayong mag-shower mag-isa. Isuot na muli ang inyong sariling tuyong damit, at suklayin ang inyong buhok. Tiyaking ilagay ang inyong basang damit sa bin at iwanang nakasaksak ang susi ng inyong locker sa susian nito.
6. Makilahok sa mga Pagkumpirma
Panghuli, may maghahatid sa inyo sa isang kuwarto kung saan kukumpirmahan kayo para sa mga nabinyagan.
Maaaring may kaunting pagkakaiba ang paggawa nito sa ilang templo. Pero anuman ang mangyari, may mga taong tutulong sa inyo sa bawat hakbang. Tandaan, ang templo ay bahay ng Panginoon, at masaya Siya na naroon kayo!
Mga larawang-guhit ni Mark Robison