2024
Pagdarasal para kay Alejandro
Nobyembre 2024


“Pagdarasal para kay Alejandro,” Kaibigan, Nobyembre 2024, 32–33.

Pagdarasal para kay Alejandro

“Alam ba ni Jesus ang pakiramdam ng magkaroon ng kanser?” tanong ni Gerardo.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa El Salvador.

Nag-roller-skates si Gerardo papunta sa mga baitang ng hagdan ng bahay nila. Nasa driveway ang sasakyan ni Mamá. Ibig sabihin, nakauwi na sila ng kuya niyang si Alejandro mula sa doktor. Hinubad ni Gerardo ang kanyang skates at tumakbo sa loob.

“Gerardo?” pagtawag ni Mamá. “Narito kami!”

Pumasok si Gerardo sa sala. Nakahiga si Alejandro sa sopa. Nakaupo sa tabi niya si Mamá. Mukhang nag-aalala siya.

Nag-alala rin si Gerardo. Noong nakaraang linggo, nalaman nila na may kanser si Alejandro. Malubha ang sakit nito.

Pero umupo si Alejandro at ngumiti nang pumasok si Gerardo. “Hi! Masaya ba ang araw mo?”

“Oo, pero ano’ng sabi ng doktor?” tanong ni Gerardo.

“Kailangan daw akong maoperahan,” sabi ni Alejandro.

Tumango si Mamá. “Pero ang pinakamagagaling na doktor na tutulong sa kanya ay nasa ospital ng mga bata. Dahil 14 na si Alejandro, matanda na siya para magpagamot doon. Kailangan nating maghanap ng ibang ospital.”

Nanikip ang tiyan ni Gerardo. Kung hindi sila makakahingi ng tulong para kay Alejandro, ano ang mangyayari? Magiging malala kaya ang kanser ni Alejandro?

Nagpunta si Gerardo sa kuwarto niya. Kailangan niyang mag-isip.

Sa Primary, nalaman ni Gerardo na lagi siyang maririnig ng Ama sa Langit. Alam ni Gerardo na lagi siyang maaaring humingi ng tulong sa Kanya.

Kaya lumuhod siya sa tabi ng kama niya at humalukipkip. “Mahal na Ama sa Langit, tulungan po sana Ninyo si Alejandro,” pagdarasal niya. “Tulungan po sana Ninyo kaming makahanap ng mga doktor na makakagawa ng operasyon.”

Batang lalaking kumakain ng hapunan

Hindi nagtagal ay tinawag siya ni Mamá para maghapunan. Nagluto ang ina ng pupusas, na paborito ni Gerardo. Kumagat siya nang malaki sa makapal na inihaw na tortilla na puno ng keso at beans. Pero nag-aalala pa rin siya sa kapatid niya.

Ilang kagat lang ng pupusa ang ginawa ni Alejandro. Nakasimangot siya at napakabagal niyang kumilos.

Napansin din siguro ito ni Mamá. “Bakit hindi tayo manood ng video ng Simbahan?” tanong nito. Mahilig silang manood ng mga video tungkol kay Jesucristo kapag malungkot sila.

“OK po.” Iniligpit ni Gerardo ang mga pinggan habang inihahanda ni Mamá ang video. Pagkatapos ay umupo silang lahat para manood.

Sa video, nanalangin si Jesucristo sa isang halamanan sa tabi ng isang puno. Alam ni Gerardo ang kuwentong ito. Ito ay noong magdusa si Jesus bago Siya namatay sa krus.

Nang matapos ang video, natahimik at nakadama si Gerardo ng kapayapaan. Pero may tanong siya. “Bakit po kailangang labis na masaktan si Jesus?” tanong niya.

Niyakap ni Mamá silang dalawa ni Alejandro nang mahigpit. “Pinili ni Jesus na maramdaman ang sakit dahil mahal Niya tayo. Naramdaman niya lahat ng sakit na pinagdaraanan natin.”

Napatingin si Gerardo kay Alejandro. “Alam po ba ni Jesus ang pakiramdam ng magkaroon ng kanser?”

“Oo, alam Niya,” sabi ni Mamá. “Alam niya kung gaano ito kahirap. At dahil alam Niya ang pakiramdam na dulot nito, alam Niya kung paano tayo tutulungan.”

Sumaya ang kalooban ni Gerardo, na para bang ibinalot siya sa isang malaking kumot. Mahal at kilala ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang kanyang pamilya. Alam Nila kung paano tutulungan si Alejandro.

Pag-uwi ni Gerardo mula sa paaralan kinabukasan, naabutan niya si Mamá na nag-iimpake ng bag.

“Magandang balita!” sabi nito. “Nakausap ko ang doktor sa ospital para sa mga bata. Tutulungan nila si Alejandro. Bukas na siya ooperahan.”

Niyakap ni Gerardo si Mamá nang mahigpit. “Tinutulungan tayo ng Ama sa Langit! Maaari po ba tayong magdasal at magpasalamat sa Kanya?”

“Magandang ideya,” sabi ni Mamá. “Tawagin natin si Alejandro.”

Pamilyang nagdarasal

Nang sama-sama silang magdasal, nakadama si Gerardo ng kapayapaan. Alam niya na narinig ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin. Ngayo’y magagawa na kay Alejandro ang operasyong kailangan niya. Alam ni Gerardo na naunawaan ni Jesucristo ang pinagdaraanan nila. At lagi Niya silang tutulungang malampasan ang kanilang mga pagsubok.

PDF

Mga larawang-guhit ni Ricardo Guerrero