2024
Isang Espesyal na Kumperensya
Nobyembre 2024


“Isang Espesyal na Kumperensya,” Kaibigan, Nobyembre 2024, 8–9.

Isang Espesyal na Kumperensya

Baka sakaling magpasaya sa kanya ang pagtulong, tulad ng sabi ni Pangulong Nelson.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Indonesia.

Magkapatid na babaeng pinag-aawayan ang isang manika

“Aminah, akin ‘yan!” sigaw ni Indira. Hinablot niya ang manika mula sa kanyang bunsong kapatid.

“Mga anak, aalis ako,” pagtawag ni Inay. “Magpakabait sana kayo para kay Itay.”

Tumingala si Indira. “Saan po kayo pupunta?”

“Sa palengke. Mamimili ako para makaluto ako ng espesyal na pagkain bukas.” Kumaway si Inay para magpaalam.

Espesyal na pagkain? Pero bakit po? Hinanap ni Indira si Itay. “Bakit po espesyal ang bukas,” tanong ni Indira.

Ngumiti si Itay. “Manonood tayo bukas ng pangkalahatang kumperensya! Espesyal ito dahil maririnig nating magsalita ang propeta at ang iba pang mga lider ng Simbahan. Sasabihin nila sa atin kung ano ang nais ng Ama sa Langit na marinig natin.”

Pagdating ni Inay sa bahay, itinabi niya ang binili niya. Winalisan ni Itay ang sahig.

Mga magulang na naglilinis ng bahay

“Indira, puwede mo bang tulungan si Aminah na ihanda ang damit niya para bukas?” tanong ni Inay.

Sumimangot si Indira. “Bakit ko po siya kailangang tulungan?”

“Sundin mo sana ang inuutos ko,” sabi ni Inay.

Umangal si Indira. Padabog na pinuntahan niya si Aminah para tulungan.

Kinaumagahan, nagising si Indira sa isang masarap na amoy. Nagbangon siya at tumakbo papuntang kusina. Nakapagluto na si Inay ng beef rendang at satay para sa tanghalian mamaya! Napakasarap ng mga ito.

Pamilyang nanonood ng pangkalahatang kumperensya

Di-nagtagal ay nagsimula na ang pangkalahatang kumperensya. Naupo si Indira sa tabi ng kanyang pamilya para manood sa TV. Nakinig siya sa pag-awit ng choir. Narinig niya na nagsasalita ang mga tao tungkol sa mga templo at mga banal na kasulatan at kay Jesucristo.

Ang huling tagapagsalita ay ang propetang si Pangulong Russell M. Nelson. Sinabi niya kung paano tinutulungan ng Simbahan ang mga tao sa buong mundo.

“Ang ating pinakamalaking kagalakan ay nagmumula sa pagtulong sa ating mga kapatid,” sabi niya.

Nag-isip si Indira tungkol doon. Sumaya ba siya sa pagtulong? Patuloy siyang nakinig. Sinabi ni Pangulong Nelson na ang pagsunod sa ikalawang dakilang kautusan ay makakatulong sa atin na maging katulad ni Jesucristo.

Pagkatapos ng kumperensya, kinain nila ang tanghaliang niluto ni Inay. Patuloy na pinag-isipan ni Indira ang mensahe ng propeta.

Pamilyang kumakain ng tanghalian

“Ano po ang ikalawang dakilang utos?” tanong niya.

“Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili,” sabi ni Itay.

Naisip ni Indira ang mga taong tinulungan ng Simbahan sa buong mundo. “Paano po ako makakatulong kung nakatira sa malayo ang mga kapwa ko?”

“Ang mga kapwa mo ay lahat ng taong nasa paligid mo,” sabi ni Inay. “Tulad ng mga kapamilya mo.”

Napayuko si Indira. Hindi siya masyadong mabait sa pamilya niya kung minsan.

Pero baka sakaling sumaya siya sa pagtulong sa kanila, tulad ng sabi ni Pangulong Nelson. Isang paraan iyon para matularan niya si Jesus. Gusto niyang subukan iyon!

Sa nalalabing mga araw ng linggo, sinikap ni Indira na maging mas mabait sa kanyang pamilya. Nakipaglaro siya kay Amirah. Ipinahiram niya ang kanyang mga laruan. Ginawa niya ang utos nina Inay at Itay nang walang reklamo. Nang tumulong si Indira sa kanyang pamilya, masaya sila. At sumaya rin siya dahil doon.

Magkapatid na babaeng magkasamang naglalaro

Tama ang propeta. Natuwa siya sa pagtulong sa iba!

Batang babaeng naglalakad sa labas
PDF

Mga larawang-guhit ni Judi Abbot