Mga Skill sa Buhay
Kapag Pinupuno Ka ng Galit ng Internet, Narito ang 3 Paraan para Maging Tagapamayapa
Paano ka makakikilos bilang disipulo ni Cristo sa isang mundong puno ng pagtatalo online?
Hindi ko alam sa iyo, pero kapag nakakakita ako ng masasamang komento sa social media, talagang ikinagagalit ko ito kung minsan.
Natutuwa akong mabuhay sa isang mundo kung saan maaari tayong magbahagi at makatuklas ng impormasyon at makakonekta sa iba sa social media, pero marami ring pagtatalo, maling impormasyon, at pati na karahasan.
Tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson (1924–2025):
“Ang karahasan ngayon sa mga usapan sa publiko at sa social media ay nakababahala. Ang mga salitang puno ng galit ay mga sandatang nakamamatay. Ang pagtatalo ang humahadlang sa palaging pagsama sa atin ng Espiritu Santo.
“Bilang mga alagad ni Jesucristo, tayo dapat ang manguna bilang mga tagapamayapa.”
Isipin iyan: Hindi lang sa pinupuno tayo nito ng galit, ang ating mga pakikipag-ugnayan online ay maaaring maging banta sa ating espirituwal na kapakanan!
Mabuti na lang, pinayuhan tayo ni Pangulong Nelson at ng iba pang mga lider kung paano natin maiiwasan ang pagtatalo at magbahagi ng liwanag sa iba sa ating mga pakikipag-ugnayan sa araw-araw. Narito ang tatlong bagay lamang na maipapayo ko:
Huwag Pabigla-bigla sa Pagbigay ng Reaksyon
Dahil sa teknolohiya ay nagagawa nating makipag-ugnayan sa mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo—kabilang na ang mga taong hindi mo kapareho ang pananaw. Dahil dito, maaari kang makakita ng negatibong online content tungkol sa mga bagay na mahalaga sa iyo.
Kahit hindi sinadyang makasakit ang nilalaman, maaari tayong maasiwa, mag-alinlangan, o magalit pa nga! Maaari tayong matuksong gumanti gamit ang depensibong mga salita.
Gayunman, sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Bilang mga alagad, … ikaw at ako ay may kapangyarihang kumilos at magpasiya kung paano tayo tutugon sa isang sitwasyong nakakasama o nakakasakit ng kalooban.”
Bago magbigay ng reaksyon, tumigil sandali, huminga nang malalim, at subukang unawain ang iba. Kahit hindi ka sang-ayon, maaari kang kumilos nang naiiba sa natural na reaksyon ng isang tao, lalaki man o babae.
Maging Mas Mabait Kaysa Inaakala Mo na Nararapat
Inanyayahan tayo ni Sister Tamara W. Runia, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency, na tanungin ang ating sarili bago kausapin ang iba, “‘Ang gagawin o sasabihin ko ba ay makatutulong o makasasakit?’”
Kung ang sagot mo ay “makasasakit,” marahil ay pinakamainam na iba na lang ang sabihin mo.
Gusto mo mang ipagtanggol ang iyong mga paniniwala o linawin ang mga katotohanan, sa halip na magbato ng matatalim na salita, isipin kung paano haharapin ng Tagapagligtas ang gayong sitwasyon (tingnan sa Juan 8:1–11).
Tulad Niya, maaari kang sumagot nang mahinahon, may pagsasaalang-alang, at sa mapagmahal na paraan. Tulad ng idinagdag ni Pangulong Nelson:
“Bilang mga disipulo ni Jesucristo, dapat tayong maging [mga] halimbawa kung paano pakitunguhan ang iba—lalo na kapag magkakaiba ang ating opinyon. …
“Kung ang isang kaibigan sa social media ay may matibay na opinyon tungkol sa pulitika o lipunan na salungat sa lahat ng pinaniniwalaan ninyo, ang galit, at masakit na tugon ninyo ay hindi makakatulong.”
Oo, maaari tayong manindigan para sa ating pinaniniwalaan, pero hindi natin kailangang palalain o lagyan ng gatong ang mainit na apoy ng pagtatalo. Sa halip, maaari nating palamigin nang may kabaitan ang maiinit na pagtatalong iyon.
Maging Handang Lumayo
Kapag may nakakaharap na mararahas na tao ang Tagapagligtas, kung minsan simple lang na inilalayo Niya ang Kanyang sarili sa mga sitwasyong iyon o hindi sumasagot (tingnan sa Isaias 53:7; Mateo 12:14–15).
Gaano man kabuti ang iyong intensyon, kung minsa’y pinakamainam na simpleng hayaan lang ito at lumakad palayo.
Sinabi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, “May mga pagkakataon na ang pagiging tagapamayapa ay pagpipigil na sumagot at sa halip ay manatiling tahimik nang may dignidad.”
Ang hindi pagkibo ay maaaring ipalagay na hindi pinakaepektibong gawin sa sandaling iyon—na para bang sumusuko ka na. Pero ang pagiging tagapamayapa ay isa sa mga pinakamabisang paraan para maging disipulo ni Jesucristo. Hindi mo alam kung sino ang maaaring maantig ng iyong halimbawa.
Sa halip na magdagdag ng galit sa internet, kapag nagsisikap kang maging tagapamayapa online, maaari mong gawin itong lugar para makipag-ugnayan, matuto, at magmahal.
At sa huli, magagawa mo ang internet na isang lugar para manindigan bilang disipulo ni Cristo.