Lingguhang YA
3 Bagay na Natatamo Ko sa Pagsusuot ng Temple Garment
Pebrero 2026 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

3 Bagay na Natatamo Ko sa Pagsusuot ng Temple Garment

Ang awtor ay naninirahan sa Colombia.

Ang pagsusuot ng garment ay isang pribilehiyong nagagawa ko sa araw-araw.

babaeng nakangiti na naglalakad sa harap ng templo

Nang mabinyagan ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa edad na 17, nalaman ko ang tungkol sa templo.

Ang oportunidad na makagawa pa ng mas maraming tipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Kailangan ko iyan sa buhay ko.

Pero ang talagang naghikayat sa akin na maghandang pumasok sa templo ay ang malaman na sa paggawa ng mga tipang ito ay magkakaroon ako ng koneksiyon sa Ama sa Langit at mas mapapansin ko ang Kanyang mga pagpapala kaysa dati.

Nang sumapit ang araw na iyon, napakaganda nito tulad nang inaasahan ko. Pero ang talagang nakaantig sa puso ko ay ang makapagsuot ng garment sa wakas. Alam ko na ang pagsusuot ng garment araw at gabi ay bahagi ng mga tipang gagawin ko bilang miyembro ng Simbahan na tumanggap na ng endowment, pero ang malaman ang tungkol sa mga pagpapalang isinisimbolo ng mga ito ay nagbigay sa akin ng lubos na kagalakan.

Ang pagsusuot ng sagradong kasuotang ito araw-araw ay mas mahalaga sa akin kaysa inakala ko. Nais ng mga mensahe mula sa mundo na maniwala tayo na isang malaking sakripisyo ang pagtanggap ng endowment at pakikipagtipan na isusuot ang garment dahil maaaring makahadlang ito sa mga usong kasuotan, na totoong ipinag-alala ko bago pa ako nakatanggap ng endowment.

Pero ang temple garment ay hindi tungkol sa uso—ang sagradong kasuotang ito ay simbolo ng pagiging disipulo ni Cristo.

Sa kaalamang ito, ang pagsusuot ng garment ay hindi naging sakripisyo para sa akin—ito ay isang pribilehiyo. Narito ang ilan sa maraming paraan na nakapagdudulot ng liwanag sa buhay ko ang pagsusuot ng garment.

1. Espirituwal na Kapangyarihan

Isa sa mga ipinangakong pagpapala sa endowment sa templo ay ang espirituwal na kapangyarihang maihahatid sa ating buhay ng pagtupad sa ating mga tipan—kapangyarihang sapat ang lakas para madaig ang mga tukso ng kaaway.

Nadama ko ang katotohanang iyan sa buhay ko. Naisip ko na ibig sabihin nito ay hindi na ako maaapektuhan pa ng mga tukso, pero higit pa riyan ang pangakong ito.

Ipinapaalala sa akin ng garment na hindi ako nag-iisa at na lagi kong kasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

Nagpatotoo si Pangulong Russell M. Nelson (1924–2025): “Sa templo, tumatanggap tayo ng proteksyon mula sa mga pananakit ng mundo. Nararanasan natin nang sagana ang dalisay na pagmamahal ni Jesucristo at ng ating Ama sa Langit! Nakadarama tayo ng kapayapaan at espirituwal na katiyakan, na taliwas sa kaguluhan sa mundo.”

Kapag nahaharap ako sa mahihirap na hamon o panunukso, ang aking mga tipan ay nagsisilbing paalala na nais ng aking espiritu na manatiling nakaayon sa mga pamamaraan ng Panginoon. Hindi ako perpekto rito, pero ang kagandahan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay araw-araw akong mapupuspos ng espirituwal na kapangyarihan kapag nagsisisi ako.

2. Sakdal na Pag-ibig

Mula nang magsuot ako ng temple garment sa unang pagkakataon, nadama ko ang proteksyon ng Diyos sa paraang hindi ko talaga mailalarawan. Nadama ko rin na mas nadarama ko ang presensya ng Diyos at ang Kanyang pagmamahal habang nasa loob ako ng Kanyang bahay. Natanto ko na ang kailangan ko lang gawin para madama ang Kanyang presensya sa buhay ko ay manampalataya at magtiwala sa Kanya bawat araw. At dahil alam kong mahal Niya ako nang lubos, itinuturing ko ang aking pasiyang magsuot ng garment sa araw-araw na pagpapakita ng pananampalataya at tiwala sa Kanya.

Sa paalala sa akin ng aking mga tipan sa Ama sa Langit ay nagiging mabait at mapagmahal ako sa iba sa mundo na kadalasang hindi gumaganti ng kabaitan o kapayapaan.

Tulad ng ipinayo ni Pangulong Nelson: “Habang lalong sumasama ang mundo, kailangan tayong lalo pang maging dalisay. Ang ating mga kaisipan, salita, at kilos ay kailangang palaging may kabanalan, at puspos ng dalisay na pag-ibig ni Jesucristo sa lahat ng tao. Ang malaking oportunidad na nasa ating harapan ay ang maging ang mga tao na kailangan ng Diyos.”

Ang pagsusuot ng temple garment sa bawat araw ay nagpapaalala sa akin kung sino ako at kung sino ang nais ng Diyos na maging ako.

3. Kaugnayan kay Cristo

Ang pagtanggap ng endowment at paggawa ng mga tipan ay nangangailangan ng ilang sakripisyo sa ating panig, maaaring kabilang na rito ang ilang pagbabago sa ating mga damit. Pero para sa akin, ang pagsasakripisyo ng paborito kong blusa ay hindi maikukumpara sa isinakripisyo ng Tagapagligtas para sa akin o sa pagkadama sa pagmamahal ng Diyos.

Si Jesucristo ang lahat-lahat sa akin. Alam ko na ang Kanyang pinakadakilang hangarin para sa akin at sa lahat ng mga anak ng Diyos ay ang makabalik tayo sa Kanya. Talagang nagpapasalamat ako sa Kanya at lagi kong nais na palalimin pa ang aking kaugnayan sa Kanya.

Inilarawan ni Sister J. Anette Dennis, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, kung paano mababago ng pagsusuot ng temple garment ang ating kaugnayan kay Cristo: “Sa pagtupad ko sa aking mga tipan at obligasyon sa Diyos, kabilang na ang pagsusuot ng garment ng banal na priesthood, ang buhay ko mismo ay maaaring maging personal na simbolo ng aking pagmamahal at malalim na pasasalamat para sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo, at ng hangarin kong makasama Siya sa tuwina.”

Alam ko na hindi ako perpekto, pero palagi kong sinisikap na maging lalong katulad ni Jesucristo. Ang pananatiling tapat sa pangako kong isuot ang temple garment bawat araw ay nagpapaalala sa akin na may access ako sa banal na kapangyarihan, na ako ay konektado sa Kanya, at na ako ay Kanyang disipulo.