“Pagdaig sa Aking Pangamba na Sumamba sa Templo,” Liahona, Peb. 2026.
Mula sa Lingguhang YA
Pagdaig sa Aking Pangamba na Sumamba sa Templo
Ang pangamba ay hindi kailangang humadlang sa iyo na matanggap ang mga pagpapala ng templo.
Paglalarawan ni Elia Sampo
Kamakailan, ipinagtapat ko sa aking stake president na, bagama’t lagi akong may aktibong temple recommend, nahahadlangan pa rin ako ng nakababagabag na pangamba na pumasok sa mga pintuan ng sagradong lugar na iyon.
Bilang miyembro ng Haiti Public Affairs Council, tumulong pa ako sa mga kaganapan bago ang paglalaan ng Port-au-Prince Haiti Temple. Kaya nang tanungin ng aking stake president kung bakit ayaw kong dumalo sa templo, tiniyak ko sa kanya na hindi iyon kakulangan ng pananampalataya kundi pangambang hindi ko madaig bilang isang perpeksiyonista. Ipinaliwanag ko rin na bagama’t lumaki ako sa isang tahanang nakasentro sa ebanghelyo at nagsisikap pa ring maging tunay na disipulo, humadlang sa akin ang pangambang ito na gawin ang susunod na hakbang.
Dahil dito ay malayo ako sa templo, sa kabila ng tapat kong hangaring pumasok. Pinakinggan at hinikayat ako ng aking stake president na manalangin at hilingin sa Diyos na pawiin ang pangambang humahadlang sa aking espirituwal na paglago. Nang magdasal ako at magmuni-muni tungkol sa mga pagbabagong gagawin ko para sa bagong taon, natanto ko na panahon na para tumigil sa pagkakait sa sarili ko ng mga ipinangakong pagpapala ng Diyos dahil sa aking pangamba at mga pag-aalinlangan. Naging determinado akong dumalo sa templo at magsagawa ng mga ordenansa.
Nagtakda ako ng mithiin na makibahagi sa mga kumpirmasyon at sinabi ko sa aking stake president ang mga plano ko.
Buong kabaitan siyang tumugon sa mga salita na napakamakabuluhan pa rin sa akin: “Nawa’y tanglawan ng Liwanag ni Cristo ang iyong mga hakbang habang tinatahak mo ang landas ng tipan at dinaraig ang iyong pangamba.” Ang mga salitang ito, na puno ng kabaitan at pananampalataya, ay nagbigay sa akin ng lakas at tiwala na ituring ang pagpasok na ito sa templo hindi bilang isang hamon kundi isang mahalagang hakbang sa aking espirituwal na paglalakbay.
Pagkilos nang May Pananampalataya
Kumakabog ang puso ko nang maghanda akong samahan ang aking ina sa templo. Isang araw iyon na nakaukit sa aking alaala bilang isa sa pinakamahahalagang espirituwal na sandali sa buhay ko. Kinakabahan pa rin ako, pero mas matindi ang pag-asam ko sa kung ano ang madarama ko.
Ilang minuto na lamang bago ako pumasok sa templo, isang di-inaasahang tawag sa telepono ang nagpasaya sa umaga ko. Nakatanggap ako ng kumpirmasyon na naaprubahan na rin sa wakas ang pahintulot na makapaglakbay ako na matagal ko nang ipinagdarasal. Kung hindi ito naaprubahan, hindi ako makakapunta sa isang mahalagang medical appointment sa labas ng bansa.
Ang balitang ito ay banal na pagpapatibay na narinig ng Panginoon ang aking mga dalangin. Napuspos ng labis na kaligayahan ang puso ko. Tumalon ako sa galak, natatanto na lagi tayong sinasagot ng Diyos, kahit tila tahimik Siya.
Dahil napatatag nito, pumasok ako sa wakas sa mga pintuan ng templo, kung saan binati ako ng temple president at ng kanyang asawa. Alam nila ang kahalagahan ng sandaling ito para sa akin at alam nila ang mga pangambang nakahadlang sa akin noon. Ang masaya nilang pagtanggap at panghihikayat ay pumawi sa natitirang pangamba na nadarama ko. Talagang nakadama ako ng di-maipaliwanag na kapayapaan.
Nang makibahagi ako sa mga kumpirmasyon, bawat salita ay tumimo sa aking kaluluwa, na naghatid ng kalinawan at kagalakan at nagpaalala sa akin na ako ay nasa isang banal na lugar. Matapos makumpleto ang ordenansa, sinamahan ako ng temple president papunta sa exit. Ang pagsama na ito, na napakasimple pero napakamaalalahanin , ay nagpatibay sa masayang damdamin sa bahay ng Panginoon.
Pagmumuni-muni tungkol sa Banal na Patnubay
Naunawaan ko na gustong tiyakin ng Panginoon na hindi ko pinagdudahan ang Kanyang kalooban para sa akin, at pagkatapos ay naisip ko ang sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Huwag nating kalimutan [kailanman] ang ginagawa ng Panginoon para sa atin ngayon. Pinadadali Niya ang pagpunta sa Kanyang mga templo. Pinabibilis Niya ang pagtatayo natin ng mga templo. Dinaragdagan Niya ang ating [kakayahan] na tumulong sa pagtitipon ng Israel. [Pinadadali rin Niya] para sa bawat isa sa atin na maging [espirituwal na dalisay]. Ipinapangako ko na ang mas madalas na pagpunta sa templo ay magpapala sa inyong buhay na hindi matatamo sa ibang paraan.”
Natanto ko na ang templo ay tunay na isang kanlungan at isang santuwaryo kung saan makatatanggap tayo ng malilinaw na sagot at mga walang-hanggang pagpapala. Binago ng karanasang iyon ang aking buhay. Tinulungan ako ng Ama sa Langit na madaig ang takot na matagal na nakahadlang sa akin, at ipinaalala rin Niya sa akin ang maawaing patnubay na ibinibigay Niya sa mga nagtitiwala sa Kanya.
Puspos ng pasasalamat ang puso ko, at alam ko na ngayon na ang templo ay isang lugar na babalik-balikan ko, sa paghahangad ng liwanag, patnubay, at kapayapaan.
Ang awtor ay naninirahan sa Port-au-Prince, Haiti.