Lingguhang YA
Paano Ako Matutulungan ng Lumang Tipan na Maunawaan ang Endowment sa Templo?
Pebrero 2026 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

Paano Ako Matutulungan ng Lumang Tipan na Maunawaan ang Endowment sa Templo?

Ang mga sinaunang disipulo ay gumawa ng maraming pangako na pareho sa ginagawa natin ngayon.

kinakausap ng isang anghel sina Eva at Adan

Similitude [Kahalintulad], ni Walter Rane

Dati-rati nalilito ako sa endowment sa templo. Hindi gaanong dahil sa seremonya (bagama’t kasama na iyon) kundi sa katotohanang para sa akin, ang ginagawa natin sa templo ay parang ibang-iba sa ginawa ng ating mga ninuno sa Lumang Tipan.

Pero alam ko na ang itinuturo sa atin sa templo ngayon ay hindi maaaring masyadong naiiba sa mga bagay na pinaniniwalaan ng mga sinaunang disipulo, kahit na ang kanilang mga seremonya sa templo ay maaaring naiiba. Sa pagsasaliksik sa Lumang Tipan, nalaman kong totoo ito. Nagbago ang pormat o paglalahad, pero ang mga tipan ay nananatiling walang-hanggan.

Tingnan natin ang ilan sa mga batas na ipinapangako nating susundin sa templo ngayon at kung paano ito ikukumpara sa mga sinaunang tipan.

Ang Batas ng Pagsunod

Ipinakita ni Adan ang batas ng pagsunod nang itanong ng isang anghel kung bakit nag-aalay sila ni Eva ng mga hain: “Hindi ko alam, maliban sa iniutos sa akin ng Panginoon” (Moises 5:6).

Ang pagsunod ay mahalaga sa buong plano ng kaligtasan. Kapag sinusunod natin ang mga tagubilin ng Diyos at nagtitiwala sa Tagapagligtas, maaari tayong maging katulad Nila.

Ang Batas ng Sakripisyo

Inilalarawan ng Pangkalahatang Hanbuk ang batas na ito bilang “pagsasakripisyo upang suportahan ang gawain ng Panginoon at magsisi nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu.”

Hindi mahirap maghanap ng mga paghahain o sakripisyo sa Lumang Tipan, kapwa literal at sa matalinghagang paraan. Ang hindi natin napapansin kung minsan ay kailangan din noon ang bagbag na puso at nagsisising espiritu.

Sa isa sa kanyang mga Awit, isinulat ni David na “ang mga hain sa Diyos ay bagbag na diwa, isang bagbag at nagsisising puso” (Mga Awit 51:17).

“Ipinapakita ng mga salita ni David na kahit noong panahon ng Lumang Tipan, naunawaan ng mga tao ng Panginoon na ang kanilang puso ay kailangang ibigay sa Diyos, ang mga handog na susunugin lamang ay hindi sapat,” itinuro ni Elder Bruce D. Porter noong siya ay miyembro pa ng Pitumpu.

Ang utos na mag-alay ng mga hain na hayop o pananim ay nagwakas sa pagkamatay ni Jesucristo. Ngayon, nagsisisi tayo araw-araw at tumatanggap ng sakramento upang ipaalala sa atin ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Pero ang personal na pagpapakumbaba at pagsisisi ay kailangan pa ring maging bahagi nito.

Ang Batas ng Ebanghelyo ni Jesucristo

Nangangahulugan ito ng pagsampalataya kay Jesucristo; paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa; pagsisisi at pagiging tapat hanggang wakas; at pagsisikap na mahalin ang Diyos at ang inyong kapwa.

Kung minsan iniisip ng mga tao ang tagubilin ng Tagapagligtas sa Bagong Tipan na “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:39) bilang pagbabago ng isipan mula sa Lumang Tipan. Pero binabanggit noon ng Tagapagligtas ang mismong sinabi Niya! Mga 15 siglo bago iyon, sinabi Niya kay Moises: “Huwag kang maghihiganti o magtatanim ng galit laban sa mga anak ng iyong bayan; kundi iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng sa iyong sarili” (Levitico 19:18).

Totoo nga na bagama’t ang “mata sa mata, ngipin sa ngipin” (Levitico 24:20) ay bahagi ng legal na sistema ng mga Israelita, ang batas ni Moises ay marami ring tuntunin tungkol sa pagtrato sa mga kapitbahay, bisita, dayuhan, taga-ibang-bayan, at mga refugee nang may pag-ibig sa kapwa at pagkahabag (tingnan sa Exodo 23:9; Levitico 19:33–34; Deuteronomio 10:19).

Nauunawaan ng mga disipulo sa mga huling araw na ang batas na "mata sa mata, ngipin sa ngipin” ay natupad na. Maaari ikalito natin ang pagpapalagay na ang ”ibigin mo ang iyong kapwa" ay isang bagong ideya. Ito ay isang walang-hanggang utos.

Walang-hanggan din ang unang bahagi ng batas na ito: ibigin ang Diyos nang higit sa lahat. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Ang pagsusumigasig nating sundin ang pangalawang utos na ito ay hindi dapat maging dahilan para malimutan ang una, ang mahalin ang Diyos nang ating buong puso, kaluluwa, at isipan. Ipinapakita natin ang pagmamahal na iyan sa pamamagitan ng ‘[pagsunod sa Kanyang] mga utos’ [Juan 14:15]. Iniuutos ng Diyos na sundin natin ang Kanyang mga utos dahil tanging sa pamamagitan ng pagsunod na iyon, pati sa pagsisisi, tayo makababalik upang mamuhay sa Kanyang piling at maging [sakdal] na katulad Niya.”

Ang Batas ng Kalinisang-puri

Pagkatapos ng batas ng pagsunod, ang batas ng kalinisang-puri ang maaaring pinakamadaling ilarawan: Walang seksuwal na relasyon hangga’t hindi legal na kasal ang isang lalaki at isang babae.

Ang “Huwag kang mangangalunya” (Exodo 20:14) ay isang bantog na kautusan sa Lumang Tipan, at ang iba pang uri ng seksuwal na imoralidad ay ipinagbabawal din ng batas ni Moises (tingnan sa Levitico 18). Pero bago pa man ang panahon ni Moises, alam ni Jose ng Egipto kung paano tanggihan ang mga panunukso ng asawa ni Potifar (tingnan sa Genesis 39:7–12).

Sa pananaw ng lipunan tungkol sa sex na maluwag na pinapahintulutan, at sa pornograpiya at iba pang seksuwal na mga materyal na madaling makuha, marahil ay mas maraming tukso—at oportunidad—na labagin ang batas ng kalinisang-puri ngayon kaysa noon. Pero ang kalinisang-puri ay nananatiling pamantayan ng Panginoon, at sa pamamagitan ng pagtupad sa tipang ito, binibiyayaan tayo ng higit na kakayahang mahalin ang iba tulad ng ginagawa Niya sa pamamagitan ng “pagpigil sa ating mga silakbo ng damdamin” (Alma 38:12).

Ang Batas ng Paglalaan

Inilalaan natin ang lahat ng ating oras at talento sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Kabilang din sa paglalaan ang pag-aalay ng ating buong kaluluwa sa Diyos upang gawin Niya tayong banal.

Sinabi ni Moises, “Itinalaga ninyo ang inyong sarili ngayon sa paglilingkod sa Panginoon, bawat isa sa halaga ng kanyang anak na lalaki o kapatid na lalaki, kaya’t kayo ay nagdala sa inyo ng pagpapala sa araw na ito” (Exodo 32:29). Makikita sa kuwento ng mga anak ni Israel ang ilang tao na naglalaan ng kanilang sarili sa Panginoon—tulad ng balo na nagpakain kay Elijah (tingnan sa 1 Mga Hari 17:7–16)

Noong unang bahagi ng kasaysayan, ganap na naipamuhay ng mga tao ni Enoc ang batas ng paglalaan. Sila ay “may isang puso at isang isipan, at namuhay sa kabutihan; at walang maralita sa kanila” (Moises 7:18). Ang “walang maralita sa kanila” ay isang katayuan na kakaunting lipunan lamang ang nakaabot (nagawa ito nang ilang panahon ng mga inapo ni Lehi; tingnan sa 4 Nephi 1:3), pero ngayon ay maaari nating sikaping ipamuhay ang tipang ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga pusong handang tumulong, naglilingkod saanman tayo kailangan, nagsisisi araw-araw, at nag-aalay ng ating buong kaluluwa sa Diyos.

Sa Ating Dispensasyon

Inaanyayahan tayo ng Panginoon na gawin ang lahat ng limang tipan na ito sa isang seremonya ng templo. Pero hindi tayo dapat matakot sa laki ng pangakong gagawin. Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nagtakda ang Diyos ng maraming tipan para pagpalain tayo, hindi para hatulan tayo. Ang pagpokus na mabuti sa mga tipang nagawa natin at paghahanda para sa susunod ang pinakamainam na paraan para makapaghandang tanggapin ang lahat ng mayroon ang Ama sa Langit.”

Ang ilapit sa Kanya ang Kanyang mga anak sa pamamagitan ng mga tipan ay isang bagay na ginawa ng Diyos sa bawat dispensasyon. Mapalad tayong mabuhay sa panahon kung kailan ang mga tipang ito ay madali nating matatamo sa bahay ng Panginoon. Sa susunod na magpunta ka sa templo, pag-isipan kung paano gumawa ng gayon ding mga tipan ang ating mga ninuno sa Lumang Tipan.