Lingguhang YA
Anong Uri ng Kasal ang Nanaisin Ninyo? 3 Paraan na Naiiba ang Kasal sa Templo
Pebrero 2026 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

Anong Uri ng Kasal ang Nanaisin Ninyo? 3 Paraan na Naiiba ang Kasal sa Templo

Ang kasal sa templo ay hindi lamang lugar para sa mga ikinakasal.

Ang Salt Lake Temple

Ilang taon na ang nakararaan, habang nasa graduate school, inanyayahan ko ang ilang kaklase ko sa baby blessing ng anak ko. Kalaunan, sa aming tahanan, napansin ng isa sa mga kaklase ko ang larawan ng Salt Lake Temple at nagtanong kung ano iyon.

Sagot ko, “Doon kami ikinasal ng asawa ko.”

Pagkatapos ay napabulalas niya, “Wow, magkano ang kailangan para marentahan ang chapel na iyan para sa kasal?”

Bilang isang hindi miyembro ng ating relihiyon, nakita ng kaibigan ko ang templo bilang lugar lamang kung saan kami ikinasal ng asawa ko. Bagama’t maiintindihan kung sa pananaw niya titingnan, nag-aalala ako na kung minsan tayo, bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay ipinapalagay na ang kasal sa templo ay “lugar” lamang kung saan idinaraos ang kasal.

Ang kasal sa templo ay hindi lamang isang lugar; ito ay huwaran para sa kasal, “itinatatag at pinananatili” alinsunod sa “plano ng Diyos.”

Kaya, bakit naiiba o natatangi ang kasal sa templo?

1. Mga Natatanging Paghahanda

Ang mga kasal sa templo ay nagsisimula sa mga natatanging paghahanda. Ang mga paghahandang ito ay nagsisimula bago pa man magkakilala ang mag-asawa, at nagpapatuloy sa buong relasyon nila. Bawat asawa ay mas napapalapit kay Cristo sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad sa mga tipan ng endowment sa templo.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson (1924–2025):

“Ang indibiduwal na pagkamarapat upang makapasok sa [bahay] ng Panginoon ay nangangailangan ng maraming indibiduwal na espirituwal na paghahanda. …

“Pinatototohanan ko na ang ganoong paghahanda ay nagdadala ng maraming pagpapala sa buhay na ito at hindi mawawaring pagpapala sa buhay na darating, kabilang ang pagpapatuloy ng mag-anak sa walang hanggan.”

Ang pagsisikap na maging karapat-dapat sa templo ay tumutulong sa atin na matamo ang antas ng espirituwalidad para bumuo ng walang-hanggang pagsasama, iniingatan tayo laban sa mga nagbabantang panganib sa buhay ng mga mag-asawa ngayon.

2. Mga Natatanging Huwaran

Ang kasal sa templo ay naiiba dahil kinapapalooban ito ng mga natatanging huwaran ng pang-araw-araw na pamumuhay. Ang mga huwarang ito ay nagmumula sa ugnayan ng kasal sa tipan na nag-aanyaya sa mag-asawa na magmahal, maglingkod, at makipag-ugnayan sa mga paraang naiiba sa ilang kasal ngayon.

Ang mga kasal sa templo ay nakasalig sa regular na mga huwaran ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagsisimba, pagsamba sa templo, at paglilingkod sa mga calling. Ang mga huwarang ito, na ibinigay sa atin ng Panginoon, ay tumutulong sa pagbuo ng pagsasama ng mag-asawa nang may pagmamahal at katatagan.

“Ang bago at walang hanggang tipan ng kasal” (Doktrina at mga Tipan 131:2) ay kinapapalooban ng mga mag-asawang magkasamang nagsisikap na may pantay na pananagutan, minamahal at pinangangalagaan ang isa’t isa at ang kanilang mga anak, iginagalang nang buong katapatan ang kanilang mga pangako sa kasal, at tapat na tinutupad ang mga responsibilidad sa pamilya.

3. Mga Natatanging Pangako

Kapag nabuklod tayo sa templo, nangangako tayong bubuo ng mas dakila at mas banal na buhay may-asawa. Bilang kapalit, nangangako ang Panginoon na ang ating pagsasama bilang mag-asawa at pamilya ay maaaring magtagal hanggang sa kabilang-buhay. Ibinahagi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan na “sa pamamagitan ng mga tipan ng pagbubuklod sa templo, matatanggap natin ang katiyakan ng mapagmahal na mga ugnayan ng pamilya na magpapatuloy sa kabilang-buhay at magtatagal hanggang sa kawalang-hanggan.”

Ang mga tipang ito ay natatangi sa templo.

Ibinahagi ito ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, nang muli niyang ilaan ang St. George Utah Temple, kung saan sila ibinuklod ni Sister Holland: “Kailangan nating sikaping lumabas ng templo na tulad ng kung ano tayo sa loob ng templo. … Kailangan nating alalahanin ang mga pangako at inaasam at ang mga pangarap. Kung madadala natin ang mga ito sa labas ng templo, babaguhin natin ang mundo.”

Talagang mababago ng mga pangako at pagpapala ng templo ang mundo—simula sa sarili nating pagsasama bilang mag-asawa at mga relasyon sa pamilya.

Mag-umpisa na ang Katapusan ang nasa Isip

Sa kanyang unang mensahe bilang propeta, nagsalita si Pangulong Nelson mula sa annex ng Salt Lake Temple at itinuro: “Nais namin na mag-umpisa na ang katapusan ang nasa isip. … Ang katapusan kung saan ang bawat isa sa atin ay pilit na pinagsisikapang mapagkalooban ng kapangyarihan sa bahay ng Panginoon, mabuklod bilang mga pamilya, tapat sa mga tipang ginawa sa templo upang maging karapat-dapat sa pinakadakilang kaloob ng Diyos—ang buhay na walang-hanggan.”.

Napakagandang katotohanan na mapagninilayan! Ang plano ng Ama sa Langit ay nagbibigay sa lahat ng Kanyang mga anak ng pagkakataon para sa kasal na walang hanggan, pagbubuklod ng pamilya, at buhay na walang hanggan sa piling Niya. Bagama’t walang sinuman sa atin ang nakaaalam kung kailan natin personal na matatanggap ang mga pagpapalang ito, tapat tayong “maghihintay sa Panginoon” (2 Nephi 18:17) at magtitiwala sa Kanyang mga pangako.

Hinihikayat ko kayong maghandang tanggapin ngayon pa lang ang mga pangako at pagpapala ng kasal sa templo. Ang mga pagpapalang iyon ay maaaring mapasainyo.

Kaya, mga kaibigan ko, anong klaseng kasal ang nanaisin ninyo?