Lingguhang YA
Paano Ako Makasusulong sa Landas ng Tipan Kung Wala Pa Akong Asawa?
Pebrero 2026 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

Paano Ako Makasusulong sa Landas ng Tipan Kung Wala Pa Akong Asawa?

Nang madama ko na hindi ako makasulong sa landas ng tipan, mas lumapit ako kay Cristo.

babaeng nakangiti at nakatawa sa harap ng templo

Mahilig akong gumawa ng checklist. Gusto kong gumuguhit ng mga kahon at nilalagyan ng check ang mga ito.

Nakatutulong ang checklist kapag kailangan kong mag-empake para sa bakasyon, maglinis ng bahay, o masubaybayan ang mga gagawing homework. Pero ang paggawa ng checklist tungkol sa aking espirituwal na pag-unlad ay masyadong nakababalisa sa akin.

Dahil may isang kahon na hindi ko pa malagyan ng check: ang “Magpakasal sa templo.”

Dahil single ako, madaling maramdaman na parang napirmi na ako sa pagitan ng endowment at ng mga tipan sa pagbubuklod. Ang katagang “landas ng tipan” ay nagmumungkahi na kailangan nating tahakin ang landas—at pagkatapos ay patuloy na sumulong.

Ang paghikayat ni Pangulong Russell M. Nelson (1924–2025) na “[panatilihin] ang positibong espirituwal na momentum” ay nagmumungkahi rin sa isipan ng pagsulong.

Pero dahil ang pagbubuklod sa templo ay desisyon ng dalawang tao, kung minsan pakiramdam ko ay bumangga ako sa isang nakakandadong gate. Nag-aalala ako na mauubusan ako ng espirituwal na momentum habang hinihintay kong bumukas ang gate. Maaari ba akong patuloy na sumulong sa landas ng tipan kahit hindi ko magagawa sa kasalukuyan ang susunod kong tipan?

Ang sagot sa aking mga pangamba ay dumating sa pamamagitan ng mas mabuting pagkaunawa sa landas ng tipan.

Patuloy na Sumulong Paitaas

Nang maisip ko ang landas bilang checklist o tuwid na linya ng mga hakbang na tatahakin—binyag, kumpirmasyon, initiatory, endowment, pagbubuklod—para bang wala akong magagawa sa pagitan ng mga hakbang.

Pero nagbago ang pananaw ko nang ilarawan ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol sa ibang paraan ang landas: “Ang pinakamainam na paraan para mailarawan ang prosesong ito ay isipin ang isang mahabang daan paakyat sa tuktok ng bundok. Kung titingnan mo ang daang ito mula sa mataas na altitude, lahat ng nakikita mo ay kapatagan na paikot. Gayunman, kung titingnan mo ang daan mula sa gilid, makikita mo ang pataas na paikot.”

Sa madaling salita, ang pamumuhay ng ebanghelyo ay hindi nangangahulugan na magpapaikut-ikot—o basta magpapatuloy ka lang. Ang ibig sabihin nito ay magpatuloy nang pataas, papunta sa langit. Bawat pasulong na hakbang, malaki man o maliit, ay mas naglalapit sa iyo sa Tagapagligtas.

Kalaunan, inilarawan ni Elder Renlund ang espirituwal na pag-unlad bilang paulit-ulit at tuluy-tuloy na proseso—paulit-ulit na pamumuhay ng ebanghelyo ni Cristo, pagpapahusay ng ating sarili at paglapit pang lalo sa Tagapagligtas sa bawat siklo.

Pansinin kung anong salita ang hindi niya ginamit: checklist. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi isang bagay na minsan mo lang gagawin at mamarkahan ng check. Ang pagiging disipulo ay isang bagay na ipinamumuhay mo araw-araw.

At saan ka man naroon sa landas ng tipan, makalalapit ka tuwina kay Cristo. Walang mga harang sa daan sa Kanyang pagmamahal.

Mas malapit kay Cristo

Habang naghihintay at umaasa na maikasal sa templo, lumalakas-ang-loob ko sa kuwento tungkol sa lola ni Elder Renlund. Nanirahan siya sa Finland bago pa man naitayo roon ang isang templo, kaya hindi siya kailanman nakatanggap ng endowment o nabuklod sa kanyang pamilya noong nabubuhay pa siya. Gayunpaman, siya ay “namuhay na parang nagawa na niya ang mga tipang ito,” na nagbigay sa kanya ng lakas na tiisin ang mga personal na trahedya sa kanyang buhay.

Bagama’t hindi ko pa magagawa ang tipan ng pagbubuklod, maaari akong mamuhay na parang nagawa ko na ito. Maaari kong sikaping magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo. Maaari akong magpunta sa templo nang madalas at magpanibago ng mga tipang ginawa ko sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento linggu-linggo. Magagawa kong maging disipulo bilang bahagi ng aking pagkatao, at hindi lang bahagi ng listahan ng mga ginagawa ko.

Bukod pa rito, ang tipan ng pagbubuklod ay natatangi dahil nakakabahagi ka sa mga pagbubuklod bilang proxy bago ka mabuklod mismo. Gustung-gusto kong nakikita at naririnig ko mismo ang ordenansa nang sa gayon alam ko mismo kung ano ang napapaloob sa tipan, at gustung-gusto kong nadarama ang kagalakan ng mga walang-hanggang pamilya habang nakaluhod ako sa altar para sa aking mga ninuno. Ang ilan sa mga pinakaespirituwal na sandali ko sa templo ay naganap sa mga sesyon ng pagbubuklod.

Lahat ng ito ay tumutulong sa akin na mapangalagaan ang malapit na ugnayan ko sa aking Tagapagligtas, na isang mahalagang pagpapala matanggap ko man ang tipan ng pagbubuklod sa buhay na ito o hindi. Ang pagbaling sa Kanya ay positibong espirituwal na momentum, at basta’t patuloy akong sumusulong sa paglapit sa Kanya kahit paano, hindi Niya ako kailanman pagkakaitan ng Kanyang pagmamahal.