Lingguhang YA
Muling Nakadama ng Pagiging Kabilang sa Templo
Pebrero 2026 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

Muling Nakadama ng Pagiging Kabilang sa Templo

Ilang taon na akong hindi pumupunta sa templo, pero nanalangin ako sa Tagapagligtas na tulungan akong maging karapat-dapat na muling makapasok dito.

Provo City Center Temple

Larawan ng Provo City Center Temple na kuha ni Megan Barnum

Nakatayo ako sa pasukan nang hilingin ng second counselor sa bishopric na magsalita ako sa sacrament meeting tungkol sa kahalagahan ng mga templo. Nakababa ang tingin at namumula sa hiya, hiniling ko sa kanya na ibang paksa na lang ang ibigay sa akin. Ilang taon na akong hindi dumadalo sa templo dahil sa mga pagpili ko sa buhay na naglayo sa akin sa aking Ama sa Langit, at pakiramdam ko ay hindi ako karapat-dapat na magsalita tungkol sa templo.

Pagkatapos ng karanasang iyon, lagi kong naiisip ang templo, at tumitindi ang hangarin kong pumunta roon pero nag-alangan din ako dahil parang hindi ako karapat-dapat. Natakot ako na hindi nanaisin ng Ama sa Langit na pumunta ako sa Kanyang sagradong bahay.

Paggawa ng mga Hakbang para Magbago

Nang sumapit na ang pangkalahatang kumperensiya, kabado akong nakinig sa mga nagsalita, umaasang makadarama ako ng ilang indikasyon na mahal pa rin ako ng Diyos sa kabila ng aking mga pagkakamali. Iyon ang sandaling sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo noon sa Unang Panguluhan: “Hindi mahalaga kung tila sirang-sira na ang buhay natin. Hindi mahalaga kung gaano man kabigat ang ating mga kasalanan, gaano kapait ang ating nadarama, gaano tayo kalungkot, o gaano kasawi ang ating puso. … Walang buhay na lubhang nawasak na hindi mabubuong muli.”

Malinaw kong naramdaman na nangungusap sa akin ang Diyos. Ilang buwan ko nang pinag-isipan kung paano bumalik kay Cristo, at ang mensaheng iyon sa kumperensiya ang paanyaya Niya sa akin na magbago upang muling makapasok sa Kanyang bahay.

Kinausap ko ang bishop ko para talakayin ang muling pagpasok ko sa templo. Tinulungan niya akong maunawaan ang papel na ginagampanan ni Jesucristo sa aking buhay at kung paano makatutulong sa akin ang pagtanggap sa Kanyang Pagbabayad-sala para maipaubaya ko sa Kanya ang mga pasanin at kasalanan ko. Nagsimula akong manalangin para makaunawa, mapalakas, at mapagpasensiyahan ang aking sarili. Sa higit pang pagtitiwala sa Diyos at pagiging mas mabuti sa bawat araw, unti-unti akong nakaugnay na muli sa liwanag ng Tagapagligtas.

Ang pakikipagtulungan sa aking bishop at pag-aaral pa tungkol sa aking Tagapagligtas ay nagpalalim ng aking patotoo tungkol sa aking identidad bilang anak ng Ama sa Langit. Naunawaan ko na hindi kailanman hihilingin sa akin ng mapagmahal na Manunubos na lumayo ako sa Kanya pero sisikapin ni Satanas na ipadama sa akin na hindi ako kabilang sa templo. Dahil sa kaalamang ito, nadama ko kalaunan na handa na akong muling pumasok sa bahay ng Diyos.

Pagbalik sa Templo

Hawak ang aking bago at nakatuping recommend, humakbang ako papunta sa templo sa unang pagkakataon pagkaraan ng maraming taon, at bigla akong nag-alala kung kabilang ako sa bahay ng Diyos. Habang papalapit ako sa mga pintuan, lalo akong nag-alangan. Magmumukha ba akong mangmang dahil hindi ko alam kung saan pupunta o ano ang gagawin? Napakatanda ko na ba para pumunta at gumawa ng mga pagbibinyag sa templo?

Ngumiti ang lalaking nasa front desk nang pumasok ako, at malugod akong pinatuloy sa loob ng templo. Pinasigla ng umagang iyon ang aking espiritu nang muling tiyakin sa akin ng mga temple worker na kabilang ako sa bahay ng Diyos.

Pag-alis ko sa templo, kumaway sa akin ang isa sa mga temple worker habang naglalakad ako sa pasilyo palabas ng bautismuhan. Sa pabulong at masayang tinig, sinabi niya, “Salamat sa pagpunta mo sa templo ngayon—kailangan ka namin dito!” Nangako ako sa kanya na babalik ako sa susunod na linggo dahil inaasam ko na madamang muli ang saya sa templo.

Dahil sa ating mga banal na identidad bilang mga anak ng mga magulang sa langit, maaaring madama ng bawat isa sa atin ang pagiging kabilang sa templo. Walang anumang bagay na permanenteng makahahadlang sa atin sa mapagmahal na tulong ng Diyos kung nanaisin nating makapiling Siya. Nais Niya na naroon tayo, at kapag gumagawa tayo ng maliliit na hakbang upang higit na maging katulad ng ating Tagapagligtas sa bawat araw, maiaayon natin ang ating buhay sa Kanya at lagi tayong mananatiling karapat-dapat sa templo. Alam ko na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, makakapasok tayo sa banal na bahay ng Diyos at matatanggap natin ang mga pagpapalang naghihintay sa atin sa loob ng templo.

At tulad ng naranasan ko, walang katumbas ang mga pagpapalang iyon.

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.