Mula sa Lingguhang YA
Hindi pa Ako Nakagawa ng mga Tipan sa Templo, pero Hindi Ito Naging Hadlang sa Pamumuhay Ko sa mga Ito
Ang awtor ay naninirahan sa Kisumu, Kenya.
Malayo ako sa templo pero malapit kay Cristo.
Noong una akong dumalo sa templo, bumiyahe ako mula Kenya papuntang Johannesburg South Africa Temple para mabuklod sa mga magulang ko. Pero napakabata ko pa noon kaya wala akong malinaw na mga alaala tungkol sa karanasan ko sa templo.
Pangkaraniwan lang ito sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Kenya. Nasaksihan ko ang pagdami ng mga miyembro ng Simbahan sa aming lugar, mula sa isang branch ay naging tatlo ito, pero sa kabila ng kahanga-hangang pag-unlad na ito, maraming miyembro ang hindi makapunta sa templo para gumawa ng mga tipan. Walang paraan para makapaglakbay palabas ng bansa.
Pero maaari pa rin kaming manatiling malapit sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pamumuhay na para bang nakagawa na kami ng mga tipan sa templo.
Pagbabahagi ng Kanyang Ebanghelyo
Tulad ng kailangan mong alagaan at diligan ang isang punungkahoy para matanggap ang bunga nito, kailangan mong alagaan ang patotoo para manatiling malapit sa Tagapagligtas. Bagama’t hindi ako makadalo sa templo at makagagawa ng mga tipan sa templo, nagpasiya akong patatagin ang aking patotoo sa ebanghelyo sa iba pang mga paraan.
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Kapag tinutupad ninyo ang inyong mga tipan sa templo at isinasaisip ang mga ito, inaanyayahan ninyo ang Espiritu Santo na maging katuwang ninyo upang palakasin at dalisayin kayo.”
Ang pamumuhay na parang nagawa ko na ang mga tipang iyon ay nakatulong sa akin na maghanda para sa araw na makapapasok na ako sa templo. At ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay isa sa pinakamaiinam na paraan para manatiling konektado sa Tagapagligtas at maghanda para sa endowment ko.
Dahil kakaunti ang mga miyembro ng Simbahan sa Kenya, marami akong pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo. Tuwing tinatanong ako tungkol sa aking mga pinaniniwalaan, tulad ng ano ang dahilan kung bakit hindi ako umiinom ng tsaa o alak, lagi kong nadarama na ginagabayan ako ng Espiritu Santo na sumagot sa pinakamainam na paraan.
Kaya kahit hindi ako makapagsagawa ng gawain sa templo para sa sarili ko o para sa mga pumanaw na, ginawa ko ang lahat para mas mapalapit ako at ang iba sa pamumuhay ng tipan.
Pagdama sa Kanyang Pagmamahal sa Templo
Ang Nairobi Kenya Temple ay inilaan noong 2025. Bagama’t anim na oras pa rin ang biyahe papunta sa templo, sa wakas ay mapupuntahan na ito.
Habang nasa templo para sa open house, nakatanggap ako ng malakas na personal na inspirasyon. Lagi kong naiisip na banal ang templo, pero naunawaan ko lamang ang kahalagahan nito simula nang araw na iyon.
Habang nakaupo ako nang tahimik sa silid-selestiyal, kinausap ko ang aking Ama sa Langit sa panalangin at nakadama ako ng pagpapatibay na nakikinig Siya.
Pinag-isipan ko ang buhay ko—kung ano ang mahusay kong nagagawa at kung ano ang mas mahusay ko pang magagawa. Gusto kong malaman kung paano ako magiging mas mabuting tao at maghahandang gumawa ng mga tipan. Nadama ko ang Espiritu at nadama ko ang katotohanan ng aking banal na identidad. At alam ko na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, maaari akong “[mayakap ng] mga bisig ni Jesus” (Mormon 5:11).
Bago pa inilaan ang templo, at bago magsagawa ng anumang ordenansa, alam ko sa sarili ko na ang templo ay talagang bahay ng Panginoon. Ang pagpunta sa templo sa anumang kapasidad—paglalakad sa bakuran, pagdalo sa open house, pagsasagawa ng mga ordenansa sa pamamagitan ng proxy, paggawa ng sarili mong mga tipan, o kahit paggawa lamang ng gawain sa family history—ay makapag-aanyaya sa Espiritu sa iyong buhay at matutulungan kang maghandang gawin at tuparin ang mga sagradong tipan sa templo. At habang naghahanda kang gawin at tuparin ang mga tipang iyon, mas mapapalapit ka sa Tagapagligtas.
Pagtulong na Pabilisin ang Kanyang Gawain
Bagama’t hindi pa ako nakababalik sa templo, naghahanda ako para tanggapin ang sarili kong endowment bago ako umalis papunta sa misyon. Inaasam ko ang araw na makadadalo ako sa templo at makagagawa ng sarili kong mga tipan sa Ama sa Langit.
Napansin ko na ang pambihirang pagbabago sa aking komunidad dahil sa templo. Tatlo o apat na pamilya sa aming branch ang naghahandang pumunta sa templo, at ang aming mga temple preparation class ay mas aktibo kaysa dati. Tulad ng sabi ni Pangulong Russell M. Nelson (1924–2025): “Nakikita ba ninyo ang nangyayari mismo sa ating harapan? Dalangin ko na makita natin ang karingalan ng sandaling ito! Talagang minamadali na ng Panginoon ang Kanyang gawain.”
Ang mamuhay nang ayon sa tipan ay makabuluhan, saanman kayo naroon sa landas ng tipan. Mapapadali ninyo ang gawain ng Panginoon kapwa sa loob at labas ng templo.
Kung hindi pa kayo nakagawa ng mga tipan sa templo, maaari kayong maghanda na gawin ito ngayon, kahit tila malayo pa itong mangyari. Kapag nag-aambag kayo sa pagpapabilis ng gawain ng Tagapagligtas, madarama at maibabahagi ninyo ang Kanyang pagmamahal sa mas dakila at mas banal na paraan.