Lingguhang YA
3 Paraan para Mapalakas ng Pagdalo sa Institute ang Pagsasama Ninyong Mag-asawa
Pebrero 2026 Liahona


Lalo na para sa mga Bagong Kasal

3 Paraan para Mapalakas ng Pagdalo sa Institute ang Pagsasama Ninyong Mag-asawa

Ang pagdalo sa mga klase sa institute kasama ang aking asawa ay nakatulong para mapaganda ang aming espirituwal na koneksyon, komunikasyon, at katapatan sa isa’t isa.

dalawang young adult na nakaupo sa institute at nakangiti

“Bakit dapat akong dumalo sa institute kung may asawa na ako?”

Magandang tanong iyan. Noong young single adult ako sa kolehiyo, natulungan ako ng institute na mapalakas ang aking patotoo, makipagkaibigan, makahanap ng mga taong maidedeyt, at makakain nang libre! Noong tag-init na nagsimula kaming magdeyt ng asawa kong si Johnny, magkasama kaming kumuha ng mga klase sa institute.

Pero hindi pa namin natatanto noon kung paano makatutulong ang mga klaseng iyon sa paglalatag ng pundasyon para sa aming pagsasama.

Ngayong mag-asawa na kami, nagbago na ang aming mga dahilan sa pagdalo sa institute, pero mahalaga pa rin ito. Tulad ng ipinaalala sa atin ng asawa ni Pangulong Russell M. Nelson na si Sister Wendy Nelson, “Ang [pagbuo] ng matatag at masayang pagsasama ng mag-asawa ay hindi madali! … Pero magdudulot ito sa iyo ng kagalakan!

Ang pagkakaroon ng kasal na nakasentro kay Cristo ay nangangailangan ng sigasig, pero ang kagalakang nagmumula sa pagkatuto at pag-unlad nang magkasama sa ebanghelyo ay hindi masusukat.

Ang magkasamang pagdalo sa institute ay napakalaking tulong sa pagpapatatag ng aming pagsasama. Narito ang tatlong paraan na mapapalakas nito ang inyong pagsasama:

1. Napapabuti ang Inyong Komunikasyon

Mahalaga ang komunikasyon sa pag-aasawa, at ang institute ay nakatulong sa amin na maging mas mahusay sa komunikasyon. Nagbabahagi kami ng mga ideya, nagtatanong, at nagtatalakayan tungkol sa mga lesson. Binubuksan nito ang pinto para sa makabuluhang mga pag-uusap tungkol sa aming mga patotoo, mithiin, at hinaharap—at kasabay nito ay lumalalim din ang aming emosyonal na kaugnayan. Ang mas matibay na koneksyon ay makatutulong din sa iba pang mga aspekto ng pagsasama ng mag-asawa, tulad ng paglutas sa mga sigalot, pagiging mas maunawain, at pagbuti ng pagsasama sa kabuuan.

Tulad ng ipinaliwanag ni Elder Marvin J. Ashton (1915–1994) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kung aalamin natin ang tunay na pagmamahal at pag-unawa sa isa’t isa, dapat nating matanto na ang komunikasyon ay higit pa sa pagpapalitan ng mga salita. Ito ay matalinong pagpapalitan ng mga emosyon, damdamin, at alalahanin.”

2. Pinangangalagaan ang Inyong Espirituwal na Intimasiya

Ang espirituwal na intimasiya ay nangyayari kapag gumagawa tayo ng mga bagay na tulad ng pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pakikibahagi ng sakramento, o pagdalo sa templo kasama ang ating asawa—sa madaling salita, nangyayari ito sa tuwing may ginagawa tayo para maanyayahan ang Espiritu sa ating buhay. At ang institute ay isa pang lugar kung saan magagawa natin iyan!

Ang magkasamang pag-aaral ng ebanghelyo ay naghihikayat sa atin na pagnilayan ang ating mga karanasan at kung paano ipamuhay ang mga alituntuning natututuhan natin. Tinutulungan tayo nito na magtakda ng mga espirituwal na mithiin na magkatuwang na pagsisikapang abutin, tulad ng pagganap sa ating mga calling at pagdalo sa templo nang mas madalas.

Itinuturo sa atin sa Mosias 18:21 na “ang [ating] mga puso ay [magsama] sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa.” Matutulungan tayo ng institute na pagkaisahin ang ating puso’t isipan kay Cristo.

Gamitin ang natututuhan mo sa institute para talakayin ang mga espirituwal na bagay nang mas hayagan, humanap ng mga paraan para mas mapalapit sa Diyos, at anyayahan ang Espiritu Santo sa inyong pagsasama.

3. Pinapalakas ang Inyong Pangako na Tuparin ang mga Tipan

Kami ni Johnny ay tinutulungan ng Institute na maalala ang aming mga tipan sa templo. Ang mga lesson ay nakatuon sa mga walang-hanggang alituntunin at ipinapaalala sa amin ang mga pangakong ginawa namin sa isa’t isa at sa Diyos. Ang pagninilay sa aming mga tipan ay tumutulong sa amin na gumawa ng mga desisyon na gumagalang sa mga pangakong iyon. Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson (1924–2025), “Ang pinakaligtas na lugar para maging espirituwal ay ang pamumuhay sa loob ng inyong mga tipan sa templo!”

Madaling magambala sa nangyayari sa buhay araw-araw, pero matutulungan tayo ng institute na manatiling nakatuon kay Jesucristo at sa ating mga tipan sa templo.

Isipin kung paano makatutulong sa iyo ang pagdalo sa institute para igalang o tuparin ang iyong mga tipan. Maaari kang maglaan ng oras para pag-usapan kung paano naaangkop ang mga lesson sa pagsasama ninyong mag-asawa at sa mga pangakong ginawa ninyo sa isa’t isa at sa Diyos. Pagnilayan kung paano tuparin ang mga tipang iyon sa pang-araw-araw na buhay, at gamitin ang institute para muling mangakong tutuparin ang mga pangakong iyon.

Isang Mabisang Kasangkapan sa Inyong Pagsasama

Matutulungan kayo ng institute na umunlad sa espirituwal, emosyonal, at sa inyong katapatan sa isa’t isa. Sabi ni Pangulong Nelson: “Ang pagdalo sa institute ay tutulong sa inyo na mas madama ang dakilang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa inyo. … Ang pagdalo sa institute ay tutulong sa inyo na ipamuhay ang ebanghelyo at maging mas masaya—ngayon mismo.”

Ang paglalaan ng oras para sa institute ay nagpatatag sa aming pagsasama. Alam ko na magagawa rin nito ito sa inyo. Kayo man ay bagong kasal o matagal nang mag-asawa, maaari itong maging mabisang kasangkapan sa pagbuo ng relasyong nakasentro kay Cristo.

Mga Tala

  1. Wendy Watson Nelson, “Pag-ibig at Pag-aasawa” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 8, 2017), Gospel Library.

  2. Marvin J. Ashton, “Family Communications,” Ensign, Mayo 1976, 52.

  3. Russell M. Nelson, “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon,” Liahona, Nob. 2021, 96.

  4. Russell M. Nelson, “Personal Invitation to Attend Institute” (video), Gospel Library.