“Kapag Naging Kompas Mo ang mga Tipan,” Liahona, Peb. 2026.
Mula sa Lingguhang YA
Kapag Naging Kompas Mo ang mga Tipan
Paano kung ang iyong mga desisyon ay higit na nahubog ng iyong mga tipan sa Diyos kaysa sa iyong mga sitwasyon?
Noong lumalaki ako, nangarap ako paminsan-minsan tungkol sa klase ng lalaking pakakasalan ko. Pero nang makilala ko ang asawa kong si Johnny, tumigil akong mangarap—dahil mas mabuti pa si Johnny kaysa anupamang bagay na naisip ko.
Ang pinakakapansin-pansin sa lahat ay na hinayaan ni Johnny na gabayan ng kanyang mga tipan ang kanyang buhay. Anuman ang kinaharap niya, nanatili siyang tapat at masaya.
Ang mga tipan—mga sagradong kasunduang ginagawa natin sa Diyos—ang naging kompas niya. Pinatatag siya ng mga ito, binigyan siya ng layunin, at tinulungan siyang manatiling malapit kay Jesucristo.
Hindi perpekto ang sitwasyon ng pamilya ni Johnny. Nagdiborsyo ang kanyang mga magulang noong dalawang taong gulang siya, at hindi aktibo ang tatay niya sa Simbahan, bagama’t sinuportahan nito si Johnny sa sarili niyang paraan—sa pagpunta sa mga Primary program niya at sa paghihikayat sa kanya sa kung ano ang pinakamahalaga.
Sa high school, inuna ni Johnny ang seminary, kahit kinailangan niyang dumalong mag-isa. Tuwing tag-init kung kailan tumitira siya sa bahay ng tatay niya, siya ang nagmaneho para sa kanilang magkapatid papuntang simbahan. Binasa niya ang kanyang mga banal na kasulatan nang walang naghihikayat sa kanya. At nang dumating ang panahon para magmisyon, nagpasiya siyang maglingkod, kahit kinakabahan siya.
Kamakailan, ibinahagi ni Elder Sandino Roman ng Pitumpu: “Mapapansin natin na umuusbong ang pananampalataya kapag nagtitiwala tayo kay Jesucristo at namumukadkad iyon kapag tunay at tapat tayo sa Kanya. Kung nais ninyong magkaroon ng tunay na relasyon kay Cristo, ipakita sa Kanya sa pamamagitan ng pakikipagtipan at pagtupad sa mga ito nang buong katapatan. Ang pakikipagtipan kay Jesucristo ay nagbibigay ng pag-asa. Ang pagtupad sa mga ito ay nagpapalakas ng pananampalataya.”
Para kay Johnny, ang pagpapagabay ng kanyang buhay sa kanyang mga tipan ay hindi tungkol sa pagkakaroon ng perpektong pamilya o magandang sitwasyon. Tungkol ito sa pagpili kay Jesucristo, kahit mahirap. Nang gawin niya ito, lumalim ang relasyon niya kay Cristo at pinalakas nito ang kanyang pananampalataya at pag-asa para sa hinaharap.
Mga Pagpapala sa mga Pangyayaring Hindi Inaasahan
Noong 2020, kami ni Johnny ay kapwa tinawag na maglingkod sa Mexico Villahermosa Mission. Pagkatapos ay nagsimula ang COVID-19. Binigyan ng Unang Panguluhan ang mga missionary ng opsiyon na manatili sa orihinal nilang timeline at posibleng malipat ng lugar—o ipagpaliban ang kanilang misyon na may pagkakataong maglingkod sa orihinal nilang assignment.
Matapos ang maraming panalangin, pinili kong magpaliban at magpatuloy muna sa pag-aaral sa Brigham Young University–Hawaii.
Ang paghihintay ay naghatid ng mga pagpapalang hindi ko inasahan. Nang makarating ako sa wakas sa Mexico pagkaraan ng 18 buwan, kalilipat lang ni Johnny roon mula sa Las Vegas West Mission. Nagkasama kami sa iisang district nang mahigit apat na buwan at naging mabuti kaming magkaibigan.
Nang umuwi na si Johnny, patuloy kaming nag-ugnayan at nagsulatan kada ikalawang linggo. Isang araw ng Lunes, tinanong ko siya, “Ano ang ilan sa iyong mga mithiin at pangarap sa buhay?”
Sagot niya sa liham, “Isa sa mga mithiin ko ang mabuklod sa templo at magkaroon ng pamilyang lumalaki sa ebanghelyo.”
Nang mabasa ko iyon, nagkaroon ako ng sandali ng kalinawan—gusto kong makasal sa kanya! Malinaw ang kanyang mga priyoridad. Sa totoo lang, kung may nagtanong sa akin ng ganoon, ang sasabihin ko siguro ay “lakbayin ang mundo” o “tumakbo sa isang ultramarathon.” Bagama’t makabuluhan ang mga mithiing ito, tinulungan ako ni Johnny na makita kung ano ang pinakamahalaga.
Pagdaig nang May Katatagan sa Tipan
Kahit sa kaguluhan ng pandemya, paglipat ng mission, at pagkawala ng isang mahal sa buhay, nagpatuloy si Johnny. Hindi lamang naging listahan ng mga gagawin ang kanyang mga tipan—naging mga nagbibigkis na koneksiyon ang mga iyon sa kapangyarihan, kapayapaan, at lakas ng Tagapagligtas.
Noong panahon ng pandemya, nagtanong si Pangulong Russell M. Nelson: “Handa ka bang hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay? Handa ka bang maging pinakamahalagang impluwensiya sa buhay mo ang Diyos? Hahayaan mo ba ang Kanyang mga salita, Kanyang mga utos, at Kanyang mga tipan na impluwensiyahan ang ginagawa mo sa bawat araw?”
Talagang tinulutan ni Johnny ang mga tipan ng Ama sa Langit na impluwensiyahan ang kanyang mga desisyon. Nanalangin siya para sa kapanatagan kapag nadama niyang nag-iisa siya. Tinanggap niya ang sakramento nang may layunin, at ginamit ito bilang isang oportunidad para magpanibago. Pinag-aralan niya ang mga banal na kasulatan at pinaglingkuran ang iba dahil iyon ang mga paraan para matupad niya ang kanyang mga tipan at madama na malapit siya sa Tagapagligtas. Nagpunta siya sa templo nang madalas hangga’t kaya niya.
Nang pumanaw ang isa sa kanyang mga kapatid noong nasa misyon siya, kumapit si Johnny sa kanyang mga tipan sa templo sa pamamagitan ng pag-asa sa mga pangako ng Diyos. Ipinaalaala sa kanya ng mga pangakong iyon na ang mga pamilya ay walang hanggan at na hindi iyon ang katapusan ng buhay.
Pagkatapos ng misyon ko, nagsimula kaming magdeyt ni Johnny. Kalaunan, nabuklod kami sa Mesa Arizona Temple.
Nang lumuhod ako sa kanyang harapan sa altar, hindi ko naiwasang isipin kung paanong ang aming mga pagpapasiya—lalo na ang tuparin ang aming mga tipan—ay inihantong kami rito.
Maaari namang hindi na ipamuhay ni Johnny ang ebanghelyo. Marami siyang pagsubok at karanasan noon para tumalikod sa Simbahan. Pero hindi niya iyon ginawa. At ngayon, dahil diyan, matatag ang aming pamilya sa pundasyon ng pananampalataya kay Jesucristo, isang pundasyong inilatag ni Johnny bago ko pa siya nakilala.
Pagpapagabay ng Inyong Buhay sa Inyong mga Tipan
Dati-rati, inakala ko na ang mga tipan ay mga pangako lamang na ginagawa natin sa Diyos. Ngunit sa halimbawa ni Johnny, nakita ko na ang mga ito ang paraan para manatili tayong konektado sa Diyos at matamo ang Kanyang walang-hanggang kapangyarihan.
Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo, mas natututuhan natin ang mga layunin ng Panginoon at natatanggap ang kaganapan ng Espiritu Santo. Tumatanggap tayo ng patnubay para sa ating buhay. Mas lumalalim ang ating pagkadisipulo. … Sa huli, ang ating tadhana ay nagbabago dahil ang landas ng tipan ay humahantong sa kadakilaan at buhay na walang hanggan.”
Pinatutunayan ng kuwento ni Johnny na hindi mo kailangang manggaling sa isang “perpektong” pamilya o pinagmulan para tumahak sa landas ng tipan.
Tulad ng ibinahagi ni Larry R. Laycock sa isang artikulo sa Lingguhang YA: “Ang ilan sa atin ay nagmula sa mga pinagmulan at karanasan sa buhay na hindi kanais-nais, ngunit hindi binibigyang-kahulugan o tinutukoy ng ating [mga sitwasyon sa] buhay ang ating tadhana. Ang ating makapangyarihang Ama sa Langit ang magtataas sa atin sa Kanyang mga hukuman sa langit kung lalapit lang tayo sa Kanyang Anak na si Jesucristo sa pamamagitan ng pagiging masunurin at pagtupad sa ating mga tipan.”
Hindi mo kailangang maunawaan ang lahat ng ito. Ngunit kailangan mong piliin si Jesucristo—nang paulit-ulit. Nang paisa-isang araw.
Kung mahirap ngayon ang mga bagay-bagay, itanong sa sarili mo: “Ano kaya ang mangyayari kung pagagabayan ko ang buhay ko sa aking mga tipan?”
Ang pagpapagabay ng iyong buhay sa iyong mga tipan ay hindi nangangahulugan na kailangan mong maging perpekto—ang ibig sabihin lang niyan ay patuloy kang magsikap. Para iyang pagpiling manalangin kapag nahihirapan ka, pagsisimba kapag mas madaling manatili sa bahay, o pagbabasa ng mga banal na kasulatan, kahit ilang talata lang ito sa isang araw. Ito ay pagpapatawad sa isang tao kapag mahirap, pagbisita sa isang kaibigan, o paghindi sa isang bagay na hindi naaayon sa iyong mga pinahahalagahan. Ang maliliit at palagiang mga pagpiling ito ay kung paano natin ipinamumuhay ang ating mga tipan araw-araw at kung paano tayo nananatiling malapit kay Jesucristo.
Kapag hinayaan mong gabayan ng iyong mga tipan ang iyong buhay, nangangako ang Panginoon sa iyo ng lakas, kapayapaan, at patnubay. Hindi magiging perpekto ang buhay, ngunit patuloy kang aakayin ng iyong pakikipagtipan sa Ama sa Langit patungo sa isang bagay na mas mabuti.