Pakikibahagi sa Gawain sa Templo at Family History,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Pakikibahagi sa Gawain sa Templo at Family History
Mahalagang bahagi ng plano ng Diyos
Isipin ang isang magandang puno na malalim na nakaugat sa lupa at ang mayabong na mga sanga na nakabukadkad sa maraming direksyon. Ang mga ugat at sanga nito ay nagtutulungan upang tulungang lumaki at manatiling matatag ang puno sa paglipas ng bawat taon.
Tulad ng isang puno, ang ating mga pamilya ay pinagkakaisa ng mga ugat at sanga—o ng mga ninuno at inapo. Pareho silang mahalaga sa pagtulong sa ating pamilya na umunlad. Kapag inaalam natin ang tungkol sa ating mga ninuno, makatatanggap tayo ng lakas at suporta. At kapag gagawin natin ang gawain sa templo para sa ating mga ninuno, makatatanggap sila ng mahahalagang ordenansa at tipan na nakaliligtas. Magkasama, tinutulungan natin ang isa’t isa na umunlad at maging masagana—hindi lamang sa ating sariling pamilya kundi bilang mga miyembro ng walang-hanggang pamilya ng Diyos.
Ano ang Gawain sa Templo at Family History?
Ang gawain sa templo at family history ay isang “mahalagang bahagi ng gawain para sa kaligtasan at kadakilaan.” May pribilehiyo at responsibilidad ang mga miyembro ng Simbahan na makibahagi sa mahalagang gawain ng paghahanap ng pangalan ng kanilang mga ninuno at pagkatapos ay isagawa ang nakapagliligtas na mga ordenansa para sa kanila sa mga templo. Nasa mga patay na ang piliing tanggapin ang mga ordenansang ito sa daigdig ng mga espiritu. Sa pamamagitan ng gawain sa templo, nagkakaisa at nabubuklod ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Inaanyayahan ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak na tanggapin ang mga pagpapalang ito at bumalik upang mamuhay na kasama Niya.
Buod ng paksa: Family History
Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Pamilya, Mga Templo, Mga Ordenansa para sa mga Patay, Mga Tipan at Ordenansa
Bahagi 1
Ang Gawain sa Family History ay Nag-uugnay sa Atin sa Ating mga Ninuno at Mahal sa Buhay
Kapag nalaman, natipon, at naingatan natin ang impormasyon tungkol sa ating mga ninuno, mas madarama natin ang ating kaugnayan sa mga nauna sa atin. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag bumabaling ang ating mga puso sa ating mga ninuno, may nababago sa ating kalooban. Nadarama nating bahagi tayo ng isang bagay na nakahihigit sa ating sarili.” Mapapalakas din ng gawain sa family history ang ating kasalukuyang relasyon sa pamilya. Ang pagkukuwento sa mga miyembro ng pamilya tungkol sa ating mga ninuno ay makatutulong na mas mapalapit tayo sa isa’t isa at mas maunawaan kung sino tayo at kung saan tayo nanggaling.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya na “Mga Ugat at mga Sanga,” hinikayat ni Elder Quentin L. Cook ang mga pamilya na magtipun-tipon upang malaman ang buhay ng kanilang mga kapamilya. Maaaring maging parte ng mga pagtitipong ito ang pagbabahagi ng mga kasaysayan ng pamilya, kuwento, larawan, o iniingatang mga pag-aari ng mga magulang o lolo’t lola. Pagkatapos, ang mga miyembro ng pamilya na maalam sa teknolohiya, kasama na rito ang mga kabataan, ay maaaring i-upload ang impormasyon at mga larawan sa kanilang Family Tree. Isiping mag-organisa ng ganitong uri ng pagtitipon kasama ang iyong pamilya. Anong mga kasanayan ang taglay ng bawat isa na makatutulong sa iyo para malaman ang tungkol sa inyong pinagtagni-tagning family history? Pagnilayan kung paano makatutulong ang tulung-tulong ninyong paggawa ng family history na pag-ugnayin ang magkakaibang henerasyon at mapalalakas ang inyong ugnayan sa mga mahal ninyo sa buhay. Pagkatapos, simulan ang paggawa ng mga simpleng hakbang sa pagpaplano ng isang pagtitipon ng iyong sariling pamilya. Maaari mo ring anyayahan ang mga kapamilya na tulungan ka sa prosesong ito.
-
Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga halimbawa ng family history. Basahin ang Eter 1 na isang halimbawa mula sa Aklat ni Mormon. Paanong tila paggawa ng family history ang pagpapaikli ni propeta Moroni sa mga sulatin ni Eter? Anong mga katotohanan ang natutuhan natin sa kabanatang ito dahil isinulat at iningatan ito? (tingnan sa Eter 1:35–37, 40–43). Pagnilayan kung paano ka pinagpala ng “mga family history” na nakatala sa banal na kasulatan. Paano makikinabang ang mga susunod na henerasyon sa iyong mga kuwento at sa mga kuwento ng iyong mga ninuno?
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Kapag iniisip ninyo ang family history, marahil ang unang naiisip ninyo ay pananaliksik at talaan ng mga kasaysayan. Ngunit kabilang din sa family history ang malaman ang tungkol sa mga kapamilya na nabubuhay at ang pagtuklas ng mga koneksyon ninyo sa inyong mga ninuno. Sama-sama ninyong rebyuhin ang mensahe ni Elder Gerrit W. Gong na “Bawat Isa sa Atin ay May Kuwento,” at pagkatapos ay gumawa ng isang proyekto na kinapapalooban ng higit na pag-aaral tungkol sa inyong sarili, sa inyong mga kapamilya, o sa inyong mga ninuno. Maaari kayong gumuhit o magpinta ng puno na may mga ugat at sanga na may pangalan ng inyong mga ninuno o gumawa ng isang libro na naglalaman ng kanilang mga kuwento. Pagkatapos ay talakayin kung paano kayo nakokonekta sa inyong pamilya, pati na sa mga nauna sa inyo, sa paggawa ng family history.
-
Itinuro ni Elder Quentin L. Cook, “Kapag nalaman natin ang mga pagsubok at paghihirap na naranasan ng ating mga ninuno, lalago ang ating pagmamahal at pagpapahalaga sa kanila.” Maaari ninyong alamin ang tungkol sa isa sa inyong mga ninuno at ang mga pagsubok na naranasan niya at pagkatapos ay ibahagi ang kuwentong iyon sa grupo. Maaari ding magpakita kayo ng larawan o magdala ng isang bagay na kumakatawan sa inyong ninuno. Talakayin kung paano nakaapekto sa inyo ang mga kuwentong ito at nakatulong sa inyo na pahalagahan kung saan kayo nanggaling.
Alamin ang iba pa
-
Lucas 10:23–38; 1 Nephi 5:14–17; 19:2–5
-
Dennis B. Neuenschwander, “Bridges and Eternal Keepsakes,” Ensign, Mayo 1999, 83–85
Bahagi 2
May Responsibilidad Tayong Makibahagi sa Gawain sa Templo at Family History para Tulungang Makatanggap ng Buhay na Walang Hanggan ang mga Anak ng Diyos
Nais ng Diyos na matamo ng lahat ng Kanyang mga anak ang buhay na walang hanggan at binigyan sila ng nakapagliligtas na mga ordenansa at tipan para tulungan silang makabalik sa Kanya. Ang mga ordenansa at tipan na ito ay makakamtan sa templo, o sa bahay ng Panginoon.
Marami sa mga namatay na ang hindi nagkaroon ng oportunidad na malaman ang tungkol kay Jesucristo o matanggap ang nakapagliligtas na mga ordenansa ng Kanyang ebanghelyo noong nabubuhay pa sila. Naghihintay sila sa daigdig ng mga espiritu na isagawa ng mga nasa lupa ang mga gawain sa templo para sa kanila. Maaaring kasama ang ating mga kapamilyang namatay na sa mga naghihintay na maisagawa ito. Sa pagtuklas sa mga pangalan ng mga ninuno nating ito, maisasagawa natin ang mga ordenansa para sa kanila sa mga templo. Sa daigdig ng mga espiritu, nasa mga namatay na ang piliing tanggapin ang ebanghelyo ni Jesucristo, pati na ang mga ordenansang ito at tumanggap ng kaligtasan at kadakilaan at makapiling ang kanilang pamilya sa kawalang-hanggan.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Isipin kung paano makatutulong sa iyo ang pagsasagawa ng mga ordenansa para sa mga patay para madama mo na mas konektado ka sa langit. Pagkatapos ay basahin ang dalawang kuwento sa mensahe ni Elder Gerrit W. Gong na “Maligaya Magpakailanman” tungkol sa mga miyembro ng Simbahan na nagkaroon ng kakaibang espirituwal na karanasan sa pamamagitan ng pakikibahagi sa gawain sa templo at family history. Pagnilayan kung paano magdudulot ng kapayapaan, pag-asa, o pagpapagaling sa buhay mo ang pakikibahagi mo sa gawain sa templo at family history at makatutulong sa iyo na madagdagan pa ang nalalaman tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
-
Sa kanyang mensaheng “Pagtitipon sa Pamilya ng Diyos,” nagpatotoo si Pangulong Henry B. Eyring na ang puso ng mga anak ng Diyos ay bumabaling sa kanilang mga ama (tingnan sa Malakias 4:5–6; 3 Nephi 25:5–6; Joseph Smith—Kasaysayan 1:39). Sinabi niya: “Marami sa inyong mga ninuno ang hindi nakatanggap ng mga ordenansa [ng priesthood]. Ngunit sa awa ng Diyos, natanggap ninyo ang mga iyon. At alam ng Diyos na mapapalapit ang damdamin ninyo sa inyong mga ninuno nang may pagmamahal at na magkakaroon kayo ng teknolohiyang kailangan para matukoy sila. Alam din Niya na mabubuhay kayo sa isang panahon na mas malaki ang pagkakataon na makapasok kayo sa mga banal na templo, kung saan maisasagawa ang mga ordenansa, kaysa sa anumang panahon sa kasaysayan. At alam Niya na maaari Siyang magtiwala na isasagawa ninyo ang gawaing ito para sa inyong mga ninuno.”
Paano pinatitindi ng tiwala ng Diyos ang hangarin ninyong tulungang matanggap ng inyong mga ninuno ang mga pagpapala ng templo mula sa Kanya? Paano pinatitibay ng Kanyang pang-unawa sa hinaharap ang inyong patotoo na may plano Siya para sa Kanyang walang-hanggang pamilya? Pagnilayan kung paano mas sasadyain mong makatulong sa gawain ng Diyos, at pagkatapos ay kumilos ayon sa anumang impresyong natatanggap mo.
Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Sa isang libing noong Agosto 15, 1840, itinuro ni Joseph Smith na ang kalalakihan at kababaihan ay maaaring mabinyagan para sa mga patay. Naging kapana-panabik ang balitang ito sa mga Banal kaya sila ay “halos agad na nagsimulang magpabinyag para sa pumanaw na mga mahal sa buhay sa mga ilog at batis malapit sa Nauvoo.” Isiping basahin ang “Mga Liham tungkol sa Binyag para sa mga Patay” nang magkakasama para malaman pa kung kailan ibinigay ang doktrina ng binyag para sa mga patay. Pagkatapos ay talakayin kung bakit kailangan ng mga buhay at ng mga patay ang isa’t isa. Ano ang ibig sabihin ng “tayo kung wala sila ay hindi magagawang ganap; ni sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap”? (Doktrina at mga Tipan 128:18). Paano inihahanda ng gawain sa templo at family history ang mga buhay at ang mga patay para sa buhay na walang hanggan? Maaari din ninyong panoorin ang video na “What Are Baptisms for the Dead?” at pag-usapan kung paanong ang pakikibahagi sa gawain sa templo at family history ay makapagdudulot sa inyo ng kagalakang katulad ng nadama ng mga Banal noong unang panahon.
-
Itinuro ni Elder Dale G. Renlund: “Bilang mga miyembro ng Simbahan, tayo ay may banal na responsibilidad na hanapin ang ating mga ninuno at magtipon ng mga kasaysayan ng pamilya. … Kahanga-hanga na, sa pamamagitan ng family history at gawain sa templo, makatutulong tayo sa pagtubos sa mga patay.” Rebyuhin ang mensaheng ito nang sama-sama, at pagkatapos ay magtakda ng mithiin na may kaugnayan sa gawain sa templo at family history bilang isang grupo. Halimbawa, makapagdadala ang bawat isa sa inyo ng family name sa templo at magsagawa ng ordenansa para sa ninunong iyon. O maaari kayong makibahagi sa indexing sa FamilySearch para tulungan ang ibang maghanap ng pangalan ng kanilang mga ninuno. Paano pinalalalim ang hangarin ninyong magsagawa ng gawain sa templo at family history ng kaalaman na isang responsibilidad na itinalaga ng Diyos ang pagtubos sa mga patay? Paano ninyo nadama na pinapatnubayan kayo ng Espiritu sa inyong mga pagsisikap? Talakayin ang inyong mga karanasan sa isa’t isa, at ibahagi ang mga pagpapalang natanggap ninyo sa pagtupad sa mahalagang responsibilidad na ito.
Alamin ang iba pa
-
Doktrina at mga Tipan 110:13–16; 128:15–19; 137:7–10; 138:29–35, 53–54
-
Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Buksan ang Kalangitan sa Pamamagitan ng Gawain sa Templo at Family History,” Liahona, Okt. 2017, 15–19
-
David A. Bednar, “Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Liahona, Nob. 2011, 24–27
-
“Templo at Family History”, collection, Gospel Library
-
“Temples,” ChurchofJesusChrist.org