Library
Pamilya


“Pamilya,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)

pamilyang nakaluhod at nagdarasal

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Pamilya

Ang paglikha ng Diyos para sa ating pinakadakilang kaligayahan

Bago tayo isinilang, nabuhay na tayo kapiling ang ating mga magulang sa langit. Ang pamilya ay sentro sa plano ng Ama sa Langit para sa ating walang-hanggang tadhana at kaligayahan. Sa pamilya natin matatagpuan ang ilan sa ating pinakadakilang kagalakan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. At ang pagiging parte ng isang pamilya ay makatutulong sa atin na matutuhan ang ilan sa pinakamahahalagang aral sa buhay—mga aral na tulad ng paglilingkod sa Diyos at sa iba.

Pinagpapala tayo sa paglalaan natin ng oras sa pagbuo ng matatatag na relasyon sa ating pamilya. Ang ating mga ari-arian at titulo sa trabaho ay hindi natin madadala sa kabilang-buhay, ngunit kung gagawin natin ang lahat ng makakaya natin para sundin ang Diyos at tuparin ang ating mga tipan sa Kanya, may potensyal tayong makasama ang ating pamilya sa kawalang-hanggan. Itinuro ni Elder L. Tom Perry, “Sa mundo ng kaguluhan at kawalang-katiyakan, mas mahalaga kaysa dati na gawing sentro ng ating buhay at unahin ang ating pamilya.” Kahit walang pamilyang perpekto, matututo at mas mapabubuti tayo kapag ginagawa natin ang lahat para mahalin ang ating pamilya at magkaagapay na umuunlad na maging higit na katulad ng Diyos.

Ano ang Pamilya?

Dito sa mundo, maraming uri ng pamilya. Ang isang pamilya ay maaaring binubuo ng mga magulang at ng kanilang anak o mga anak. Ngunit ang isang pamilya ay maaari ding isang mag-asawa, isang solong magulang na may mga anak, o isang grupo ng magkakapatid. Kabilang sa extended family ang lolo’t lola, apo, tiyahin, tiyuhin, pinsan, pamangkin, at marami pang iba. Kung minsan maituturing natin pamilya ang ating malalapit na kaibigan bagama’t hindi natin sila kadugo. Sa pinakamalawak na kahulugan, lahat tayo ay pamilya ng Diyos.

Buod ng paksa: Pamilya

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Walang Hanggang Tipan, Buhay na Walang Hanggan, Kasal, Pakikibahagi sa Gawain sa Templo at Family History, Endowment sa Templo at Pagbubuklod sa Templo

Bahagi 1

Mahalaga ang Pamilya sa Plano ng Kaligayahan ng Diyos

pamilya na magkakasama sa loob ng tahanan

Ang pamilya ay sentro sa plano ng Diyos para sa ating walang-hanggang tadhana. Nabuhay tayo kapiling ang ating mga magulang sa langit bago tayo pumarito sa lupa, at sinusunod ng ating pamilya dito sa lupa ang huwarang iyon na ibinigay ng Diyos.

Isa sa mga dahilan kung may kani-kanya tayong pamilya sa pagparito sa mundo ay upang may mga magulang na magtuturo sa kanilang mga anak ng ebanghelyo at tutulong sa kanila na magkaroon ng masaya at makabuluhang buhay. Tinutulungan nito na maisakatuparan ang plano ng ating Ama sa Langit na bigyan tayo ng mga oportunidad na matuto at umunlad at maging higit na katulad Niya.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin at pagnilayan ang Moises 5:12. Isipin ang mahahalagang katotohanan at aral na maaaring itinuro ng mga magulang na ito sa kanilang mga anak. Itinuro ni Sister Tamara W. Runia na “ang [mga] pamilya ay isang laboratoryo na ibinigay ng Diyos kung saan maaari tayong sumubok at matuto, kaya posible at malamang na makagawa tayo ng mga maling hakbang at desisyon. At hindi ba maganda kung sa dulo ng ating buhay ay makikita natin na ang mga ugnayang iyon, pati na ang mahihirap na sandali, ang mismong nakatulong sa atin na maging higit na tulad ng ating Tagapagligtas? … Ang mga ugnayan ng pamilya [ay] isang napakahusay na kasangkapan na magtuturo sa atin ng mga aral na dapat nating matutuhan dito sa lupa.” Sa palagay mo, bakit mahalaga ang mga pamilya sa plano ng Diyos? Paano nakatulong sa iyo ang mga karanasan mo sa iyong pamilya para umunlad at maging mas katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo? Paano makaaapekto sa pagtingin mo sa mga kakulangan ng iyong pamilya ang isiping tulad ng isang “laboratoryo” ang buhay pamilya?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Ito ang payong ibinigay ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Inorden ng Panginoon na tayo ay mag-asawa, na tayo ay magsama sa pagmamahal at kapayapaan at pagkakaisa, na magkaroon tayo ng mga anak at palakihin sila sa Kanyang mga banal na pamamaraan. … Sa huli, ito ang kahulugan ng ebanghelyo. Ang pamilya ay likha ng Maykapal. Ito ay saligan ng paglikha. Ang paraan upang mapalakas ang bansa ay patatagin ang mga tahanan ng mamamayan.” Talakayin kung bakit tayo dinala ng Diyos sa lupa na may kani-kanyang pamilya at kung paano ito nakatutulong sa pagsasakatuparan ng Kanyang plano. Paano makatutulong ang pagpapatatag ng ating tahanan sa pagpapalakas ng ating mga komunidad? Para ilarawan ang ideyang ito, maaari kayong maglaro ng isang laro na kailangan ninyong magtulungan. Halimbawa, maaari kayong bumuo ng isang buhol (bumuo ng isang bilog at hawakan sa mga kamay ang dalawang magkaibang tao) at magtulungan kayo sa pagtanggal ng pagkakabuhol ninyo nang hindi nagbibitaw ng mga kamay. O maaari kayong bumuo ng pila batay sa ilang katangian nang hindi nagsasalita (tulad ng ayon sa buwan ng inyong kapanganakan, kulay ng mata, o taas). Pagkatapos ay pag-usapan kung paano nakatutulong ang pagtutulungan bilang pamilya sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak.

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Binigyan ng Diyos ng Mahahalagang Responsibilidad ang mga Magulang

pamilyang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Binigyan ng responsibilidad ng Ama sa Langit ang mga magulang para sa Kanyang pinakamamahal na mga espiritung anak habang narito sila sa lupa. Inutusan Niya ang mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak “sa liwanag at katotohanan” (Doktrina at mga Tipan 93:40). Sinabi rin ng mga propeta, “Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, maglaan para sa kanilang pisikal at espirituwal na pangangailangan.” Kapag hindi maibigay ng mga pamilya ang lahat ng kailangan, maaaring makialam at tumulong ang Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 52:40; 83:1–6; 136:8).

Kapag magkatuwang na pinapalaki ng mga mapagmahal na magulang ang kanilang mga anak, may pinakamagandang oportunidad silang maglaan at pisikal, espirituwal, at emosyonal na alagaan ang mga batang iyon. Ang mga magulang at anak ay pinagpapala kapag itinuturo ng mga magulang ang ebanghelyo ni Jesucristo sa tahanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25–28). May mga pagkakataon na hindi kayang palakihin ng mga magulang ang kanilang mga anak nang magkasama; sa gayong mga sitwasyon, pagpapalain sila ng Panginoon kapag ginawa nila ang lahat ng makakaya nila para tuparin ang kanilang mga tipan at sundin ang Kanyang kalooban.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Basahin ang mga sumusunod na salaysay ng mga magulang na tinuruan ang kanilang mga anak: Mosias 1:2–8; Helaman 5:4–12. (Maaari mo ring basahin ang Deuteronomio 6:4–7; 11:19–21; Isaias 54:13; 2 Nephi 25:26 para sa karagdagang kaalaman tungkol sa pagiging magulang.) Anong mga alituntunin ng ebanghelyo ang itinuro ng mga magulang na ito? Bakit mahalagang matutuhan ng mga bata ngayon ang mga alituntuning iyon? Paano mo matutulungan ang iyong mga anak o iba pang mahal sa buhay na matutuhan at maipamuhay ang mga katotohanang iyon? Maaari mo ring isipin ang iba pang mga ulirang magulang na kilala mo. Ano ang natutuhan mo sa kanila sa kung paano tinuturuan ng mabubuting magulang ang mga anak ng Diyos?

  • Ipinayo ni Pangulong Russell M. Nelson: “Huwag tangkaing kontrolin ang inyong mga anak. Bagkus, pakinggan sila, tulungan silang matutuhan ang ebanghelyo, bigyan sila ng inspirasyon, at akayin sila [tungo] sa buhay na walang-hanggan. Kayo ang mga kinatawan ng Diyos sa pangangalaga sa mga anak na ipinagkatiwala Niya sa inyo. Panatilihin sa inyong mga puso ang Kanyang banal na impluwensya habang kayo ay nagtuturo at nanghihikayat.” Paano ninyo igagalang ang tiwala ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng masigasig na pagtuturo sa inyong mga anak ng ebanghelyo? Paano ninyo irerespeto ang kalayaang pumili ng inyong mga anak kapag inaakay ninyo sila tungo sa buhay na walang hanggan? Isipin kung paano mo hahayaan na gabayan ka ng Kanyang impluwensya sa iyong mga pagsisikap sa araw-araw.

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Basahin nang sabay-sabay ang Moises 3:21–24. Pagkatapos ay basahin ang kaisipang ito ni Elder Neil L. Andersen: “Sa simula pa lamang, pinasimulan na ng Diyos ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae—kina Adan at Eva. Itinakda Niya na ang mga layunin ng pag-aasawa ay hindi lang para magtuon sa pansariling kasiyahan ng mag-asawa, kundi ang mas mahalaga, ay magbigay ng angkop na kapaligiran para sa pagsilang, pagpapalaki, at pag-aaruga ng mga anak. Ang mga pamilya ang yaman ng langit.” Maaari kayong gumamit ng treasure box o tingnan ang kalakip na larawan habang pinag-uusapan ninyo ang talata sa banal na kasulatan at ang pahayag ni Elder Andersen. Pagkatapos ay maaari kayong sumulat ng isang bagay na makatutulong sa paglikha ng magandang kapaligiran para matuto at umunlad ang mga bata sa ebanghelyo.

  • Tingnan ang kalakip na larawan at pag-usapan kung bakit napakahalaga ng pundasyon ng isang tahanan. Itinuro ni Elder Tad R. Callister: “Bilang mga magulang, tayo ang dapat maging pangunahing mga guro at halimbawa ng ebanghelyo sa ating mga anak—hindi ang bishop, Sunday School, Young Women o Young Men, kundi ang mga magulang. Bilang kanilang pangunahing mga guro ng ebanghelyo, maituturo natin sa kanila ang kapangyarihan at katotohanan ng Pagbabayad-sala—ang kanilang pagkatao at banal na tadhana—at sa paggawa nito ay nabibigyan sila ng matibay na pundasyong mapagsasaligan. Matapos masabi at magawa ang lahat, ang tahanan pa rin ang pinakamagandang lugar sa pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo.” Maaari ninyong pag-usapan ang kahalagahan ng pagbalangkas ng mga pagkakataong magturo ng ebanghelyo, ngunit talakayin din kung paano madalas na natural na nangyayari ang pagtuturo sa ating mga anak habang ginagawa natin ang ating mga gawain sa araw-araw. Ibahagi ang mga karanasan ninyo sa mga impormal na sandali ng pagtuturo at ang natutuhan ninyo mula sa mga karanasang ito. Paano makatutulong ang regular at natural na pag-uusap na ito para matiyak na may matibay na pundasyon ng ebanghelyo ang mga bata at kabataan upang mapalakas ang kanilang patotoo? Itala ang inyong mga ideya, at kumilos ayon sa anumang impresyong natatanggap ninyo.

Alamin ang iba pa

Bahagi 3

Ang Diyos ay Naglalaan ng Paraan para Magkaisa ang mga Pamilya sa Walang Hanggan

isang pamilya na naglalakad sa labas ng templo

Isa sa pinakadakilang pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo ay kung mananatili tayong tapat sa mga tipang ginagawa natin, maaaring magpatuloy ang ating mga ugnayan sa pamilya pagkatapos ng buhay na ito—maging sa kawalang-hanggan. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Tinitiyak sa atin ng ipinanumbalik na ebanghelyo na ang Pagkabuhay na Mag-uli ay maaaring kabilangan ng pagkakataon na makapiling ang ating mga kapamilya—asawa, maybahay, mga anak, at mga magulang. Ito ay isang malakas na panghimok sa atin na gampanan ang ating mga tungkulin sa pamilya sa buhay na ito. Tinutulungan tayo nitong sama-samang mamuhay nang may pagmamahal habang inaasam ang masayang muling pagkikita at pakikisalamuha sa kabilang-buhay.”

Kung susundin natin ang mga utos ng Panginoon at mabubuklod ang ating mga pamilya sa Kanyang banal na templo, nangangako Siya na magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan kasama ang ating mga pamilya. Matatanggap natin ang pinakadakilang pagpapalang ito kahit wala pa tayong asawa sa kasalukuyan o walang mga anak o hindi nagkaroon ng pagkakataon ang ating mga kapamilya na tanggapin ang ebanghelyo noong nabubuhay pa sila. Walang mga pagpapala ng Diyos ang ipagkakait sa mga taong karapat-dapat sa mga ito.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Ipinangako ni Pangulong Nelson: “Sa dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos, ang mga pamilya ay maaaring mabuklod sa mga templo at maging handa sa pagbalik sa Kanyang banal na presensya magpakailanman. Iyan ang buhay na walang-hanggan! Tinutugunan nito ang pinakamasisidhing pag-asam ng kaluluwa ng tao—ang likas na pag-asam na makasama nang walang hanggan ang mga pinakamamahal na miyembro ng kanyang pamilya.” Isipin ang kagalakang matatamo mo na “makasama nang walang hanggan” ang iyong pamilya. Nasaan ka ba sa landas para makamit ang mithiing ito? Ano ang susunod na hakbang ng iyong pamilya sa landas na iyan? Kung mahirap ang sitwasyon ng iyong pamilya kung saan ang “makasama nang walang hanggan” ang isang tao ay maaaring hindi gaanong maganda sa ngayon, paano mo aanyayahan ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na tumulong sa pagpapagaling ng inyong mga ugnayan sa pamilya?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Maaari ninyong sama-samang panoorin ang video na “Families Can Be Together Forever” (3:10). Pag-usapan ang payo ni Pangulong Henry B. Eyring tungkol sa pagmamahal sa loob ng pamilya. Ano ang ipinaaalala sa atin ng huling mga salita ni Pangulong Eyring sa video? Pagkatapos ay basahin ang turong ito ni Pangulong Nelson: “Ang buhay na ito ang panahon ng paghahanda para sa kaligtasan at kadakilaan. Sa walang-hanggang plano ng Diyos, ang kaligtasan ay nasa tao; ang kadakilaan ay nasa pamilya.” Maaari kayong magsaya sa sama-samang paghahanda ng isang bagay na tulad ng paghahanda ng isang paboritong pagkain o mapagsasaluhan. Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan kung bakit napakahalaga ng espirituwal na paghahanda sa pagtanggap ng kadakilaan at magkasama magpakailanman bilang pamilya.

Alamin ang iba pa