Library
Biblia


“Biblia,” Mga Paksa at Tanong (2023)

dalagitang nagbabasa ng Biblia

Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo

Biblia

Pagtuturo ng pananampalataya kay Jesucristo sa milyun-milyon

Ang mga kuwento sa Biblia ay libu-libong taon nang nakalipas. Inilalarawan ng mga ito ang mga tao, kultura, at sitwasyon na kadalasan ay ibang-iba sa atin ngayon. At sa kabila nito, kapag pinag-aaralan natin ang Biblia, nahihiwatigan natin na pamilyar sa atin ang marami dito. Nababasa natin ang tungkol sa mga pamilyang nakararanas ng kagalakan at alitan, mga taong kumakapit sa kanilang pananampalataya sa harap ng kabiguan, at mga bansang nakararanas ng mga digmaan at kalamidad. Higit sa lahat, nababasa natin ang tungkol sa mga taong naghahangad na magkaroon ng kaugnayan sa Diyos—at natagpuan ito sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya at pag-asa kay Jesucristo.

Ano ang Biblia?

Ang Biblia ay salita ng Diyos. Naglalaman ito ng sulatin ng mga propeta at iba pang inspiradong may-akda mula sa panahon nina Adan at Eva hanggang sa mga araw ng mga Apostol ni Jesucristo kasunod ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Kabilang sa mga sulating ito ang mga kautusan ng Diyos, Kanyang mga tipan, Kanyang mga paghahayag, at Kanyang pakikipag-ugnayan sa Kanyang mga anak. Ang Biblia ay may dalawang bahagi: ang Lumang Tipan at ang Bagong Tipan. Sa Lumang Tipan, nagpapatotoo ang mga propeta tungkol sa pagparito ng Tagapagligtas. Ang Bagong Tipan ay talaan ng buhay at ministeryo ni Jesucristo.

Mga kaugnay na gabay sa pag-aaral ng ebanghelyo: Mga Banal na Kasulatan, Aklat ni Mormon, Mga Propeta, Paghahayag, Joseph Smith

Bahagi 1

Ang Biblia ay Salita ng Diyos at Saksi ni Jesucristo

matagumpay na pagpasok ni Cristo [sa Jerusalem]

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, pinahahalagahan at iginagalang natin ang Biblia na salita ng Diyos. Sa Biblia, natututuhan natin ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo, na kinabibilangan ng Kanyang mga kautusan at turo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:12).

Kay Jesucristo naka-sentro ang Biblia. Siya ay kilala sa maraming pangalan sa loob ng mga pahina nito, tulad ng Jehova, Panginoong Diyos, Manunubos, ang Banal ng Israel, Emmanuel, at Kordero ng Diyos. Ang Kanyang misyon sa lupa ay ibinadya ng mga propeta sa Lumang Tipan, at nasasaad sa Bagong Tipan ang mga nasaksihang salaysay tungkol sa misyon na iyon (tingnan sa Isaias 9:6; Juan 20:31). Nagpapatotoo ang Bibliya sa pagmamahal ng Diyos sa atin, na ipinakita sa pamamagitan ni Jesucristo, na gumawa ng paraan para makatanggap tayo ng kapatawaran sa ating mga kasalanan at makabalik sa piling ng Diyos. Makahahanap tayo ng kapanatagan at patnubay sa pag-aaral ng Biblia habang sinisikap nating maging mga disipulo ni Cristo.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Sinabi ni Propetang Joseph Smith tungkol sa Biblia na “siya na bumabasa nito nang pinakamadalas ay higit [itong magugustuhan], at siya na nakakikilala nito, ay [makikilala ang kamay ng Diyos saanman niya ito makita].” Paano pinatatag ng Biblia ang iyong pananampalataya kay Jesucristo? Ano ang natututuhan mo tungkol sa Diyos habang binabasa mo ito? Isiping itala kung paano mo nakikita ang Kanyang kamay sa buhay ng mga taong nabuhay noong sinaunang panahon at kung paano mo nakita ang Kanyang kamay sa iyong buhay ngayon.

  • Kapag naghahangad ka ng karunungan o patnubay, maaari kang tumanggap ng gabay sa salita ng Diyos. Maaari mong basahin ang Mga Kawikaan 3:5–6; Jeremias 29:12–13; Juan 14:23; Colosas 3:16; at Santiago 1:5 para sa mga halimbawa kung paano tayo binibigyan ng patnubay ng Panginoon sa pamamagitan ng Biblia. Pagkatapos ay isulat ang ilang talata sa Biblia na nagpala sa iyo ng pag-asa at gabay.

Mga aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Makikilala natin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng Biblia, na nagpapatotoo kay Jesucristo. Isiping sabay-sabay na basahin ang Exodo 3:6–14; Mateo 3:13–17; at Lucas 2:25–38 para sa mga halimbawa kung paano nagpapatotoo ang Biblia tungkol sa Tagapagligtas. Maaari ka ring manood ng isang Bible video tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas sa lupa. Talakayin ang natutuhan mo mula sa mga salaysay na ito tungkol sa banal na misyon ni Cristo. Paano pinatototohanan ng Lumang Tipan at ng Bagong Tipan na si Jesus ang ating Tagapagligtas at Manunubos?

  • Ang ilan sa pinakamagagandang kaganapan at paghahayag sa mga huling araw ay nangyari nang pag-aralan ng mga propeta ang Biblia. Basahin at talakayin ang ilan sa mga sandaling iyon sa kasaysayan ng Simbahan na nakatala sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–20; Doktrina at mga Tipan 76:11–20; at Doktrina at mga Tipan 138:1–11. Bilang grupo, maaari ninyong awitin ang ilang himno tungkol sa Pagpapanumbalik, tulad ng “Unang Panalangin ni Joseph Smith” o “Espiritu ng Diyos.”

Alamin ang iba pa

Bahagi 2

Iningatan ng Diyos ang Banal na Biblia upang Pagpalain ang Kanyang mga Anak

pamilyang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Ang katotohanan na may Biblia tayo na pinag-aaralan at pinagkukunan ng kaalaman ngayon ay tunay na isang himala. Salamat sa Panginoon at sa magigiting na tao sa kasaysayan, matututo tayo mula sa pambihirang talaang ito, “na nagpabago sa puso ng mga tao sa maraming siglo, at umakay sa kanila na manalangin, piliin ang mga tamang landas, at hangaring makita ang kanilang Tagapagligtas.” Ang banal na aklat na ito ay tumutulong sa ating madama ang Espiritu ng Diyos.

Ang Biblia ay orihinal na isinulat sa Hebreo, Griyego, at Arameiko. Ngunit sa paglipas ng mga siglo at maraming rebisyon ng aklat, nawala ang ilang malilinaw at mahahalagang katotohanan (tingnan sa 1 Nephi 13:26–29; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:8). Dahil dito, inutusan ng Diyos si Propetang Joseph Smith na ipanumbalik ang ilan sa mga katotohanang iyon sa tinatawag ngayong Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia. Ipinapakita ng inspiradong salin ng Propeta kung gaano kahalaga sa Panginoon na tama ang pagkaunawa ng Kanyang mga anak sa Biblia at sa mga turo nito.

Mga bagay na pag-iisipan

  • Sa buong panahong ito, patuloy na naririto ang salita ng Diyos upang pagpalain ang Kanyang mga anak, at ang Kanyang salita ay walang katapusan. Maaari mong basahin ang Isaias 40:8; Juan 1:1; at 1 Pedro 1:25 upang malaman ang tungkol sa walang hanggang katangian ng Kanyang salita. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito sa iyo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo? Paano ka nito binibigyan ng inspirasyon upang patatagin ang iyong pangako na pag-aaralan ang Biblia?

  • Nadama ni Joseph Smith na bahagi ng kanyang tungkulin bilang isang propeta ang paggawa ng mga inspiradong rebisyon sa Biblia. Bagama’t natapos na niya ang karamihan sa kanyang pagsasalin ng Biblia noong 1833, inayos niya ang kanyang gawa para mailathala ito hanggang sa mamatay siya noong 1844. Isiping basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith para sa Mateo 4:1–11; Mateo 18:11; at Marcos 16:3–6. Paano binabago ng mga rebisyong ito ang pagkakaunawa mo sa bawat talata? Bakit mahalaga sa iyo na ipinanumbalik ang mga katotohanang ito?

Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba

  • Dahil sa Biblia, “sampu-sampung milyong katao na ang sumampalataya sa Diyos at kay Jesucristo.” Ano ang nagdala sa Biblia sa napakaraming tao? Sa mensahe ni Pangulong M. Russell Ballard na “Ang Himala ng Banal na Biblia,” malalaman mo ang tungkol sa mga sakripisyo ng mga taong nagbuwis ng kanilang buhay upang dalhin sa atin ang sagradong aklat na ito ng banal na kasulatan. O maaari mong piliing panoorin ang isang video tungkol sa Biblia na mayroon sa mga sumusunod na wika:

Pagkatapos ng video, maaari mong ibahagi ang iyong damdamin tungkol sa mga taong tumulong na magkaroon tayo ngayon ng Biblia. Paano nakaaapekto ang kanilang mga kuwento sa paraan ng iyong pag-iisip at pag-aaral ng Biblia?

Alamin ang iba pa

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2011), 77.

  2. M. Russell Ballard, “Ang Himala ng Banal na Biblia,” Liahona, Mayo 2007, 80.

  3. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagsasalin ni Joseph Smith (PJS),” Gospel Library.

  4. M. Russell Ballard, “Ang Himala ng Banal na Biblia,” Liahona, Mayo 2007, 81.