Library
Biblia


“Biblia,” Mga Paksa at mga Tanong (2023)

pagbabasa ng Biblia

Buod

Biblia

Ang Biblia ay salita ng Diyos. Ito ay isang saksi sa Diyos at kay Jesucristo. Hinihikayat ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na pag-aralan ito at sundin ang mga turo nito. Gumagamit ang Simbahan ng maraming pagsasalin ng Biblia sa iba’t ibang wika. Sa Ingles, ang King James Version ang ginagamit bilang opisyal na Biblia ng Simbahan.

Gayunman, hindi ang Biblia ang huling paghahayag ng Diyos sa sangkatauhan, at hindi rin kumpleto ang koleksyong ito ng mga sagradong kasulatan. Binabanggit mismo sa Biblia ang iba pang mga mapagkakatiwalaang aklat ng banal na kasulatan, kabilang ang mga aklat ni Natan na propeta at ni Jehu at ni Enoc, ang propesiya ni Ahias, ang mga pangitain ni Iddo na tagakita, at maging ang mga nawawalang sulat ni Pablo. Ang iba pang mga aklat ng banal na kasulatan ng mga Banal sa mga Huling Araw—ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, at ang Mahalagang Perlas—ay naglilinaw sa ebanghelyo ayon sa itinuro sa Biblia at nagpapatibay sa katotohanan ng pagpapatotoo ng Biblia kay Jesucristo.

Pinagpipitaganan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Biblia. Pinag-aaralan nila ito at pinaniniwalaang ito ay salita ng Diyos. Gayunman, hindi sila naniniwala na ang Biblia, ayon sa nababasa sa kasalukuyan, ay walang mali.

Nagkomento si Joseph Smith na, “Naniniwala ako sa nakasaad sa Biblia kapag nagbuhat ito sa panulat ng mga orihinal na may-akda.”

Malaki ang pagpipitagan at pagmamahal ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Biblia. Pinag-aaralan nila ito at sinisikap na isabuhay ang mga turo nito. Pinahahalagahan nila ang patotoo nito tungkol sa buhay at misyon ng Panginoong Jesucristo. Pinag-aralan ni Propetang Joseph Smith ang Biblia sa buong buhay niya, at itinuro niya ang mga tuntunin nito. Nagpatotoo siya na ang isang tao na “[nakakikilala sa] kapangyarihan ng Pinakamakapangyarihan, na nakaukit sa kalangitan, ay [makakikilala] rin sa sulat-kamay ng Diyos sa banal na aklat: at siya na bumabasa nito nang pinakamadalas ay higit [itong magugustuhan], at siya na nakakikilala nito, ay [makikilala ang kamay ng Diyos saanman niya ito makita].”

Nang tipunin, buuin, isalin, at isulat ang Biblia, maraming pagkakamaling naisama sa teksto. Ang pagkakaroon ng gayong mga pagkakamali ay malinaw na makikita kung iisipin ng isang tao ang napakarami at madalas na magkakasalungat na pagsasalin ng Biblia na mayroon ngayon. Ang maiingat na estudyante ng Biblia ay madalas na nagugulumihanan dahil sa maliliwanag na kontradiksyon at natanggal. Maraming tao ring nag-uusisa tungkol sa mga reperensya ng mga propeta sa Biblia sa mga aklat o sipi sa banal na kasulatan na kasalukuyang wala sa Biblia.

Bukod pa sa Biblia, pinagpipitaganan at pinag-aaralan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, ang Mahalagang Perlas, at ang mga salita ng mga makabagong propeta at apostol. Ang lahat ng pinagmumulang ito ng walang hanggang katotohanan ay nagtutulungan upang patatagin, linawin, at patotohanan ang plano ng ating Ama sa Langit at dalhin ang mga tao kay Jesucristo.

Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na maaaring magkaroon ng bagong banal na kasulatan anumang oras, na ang ibig sabihin ay may iba pang mga aklat ng banal na kasulatan maliban sa Biblia (tulad ng Aklat ni Mormon) at na patuloy na inihahayag ng Diyos ang Kanyang salita sa pamamagitan ng mga buhay na propeta. Kadalasang inilalahad ang argumento na ang pagiging Kristiyano ay nangangahulugang pagsang-ayon sa alituntunin na sola scriptura, o sapat na ang Biblia. Ngunit ang pagpapahayag na ang Biblia ang huling salita ng Diyos—mas partikular, ang huling naisulat na salita ng Diyos—ay pagpapahayag ng isang bagay na higit pa sa ipinapahayag ng Biblia para sa sarili nito. Walang ipinapahayag ang Biblia na ang lahat ng paghahayag mula sa Diyos ay titipunin sa isang aklat na isasara magpakailanman at na wala nang matatanggap na karagdagang paghahayag ng banal na kasulatan.

Kaugnay na Content

Mga Tala

  1. Tingnan sa 2 Cronica 9:29; 13:22; 20:34; 1 Corinto 5:9; Judas 1:14.

  2. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2011), 239.

  3. Mga Turo: Joseph Smith77.