12.
Si Jesucristo ay naghahatid ng kagalakan
Laging nagagalak ang Ama sa Langit. Nais Niya na ikaw, na Kanyang anak, ay magkaroon ng malaking kagalakan hangga’t maaari. Kaya nga inihanda Niya ang plano ng kaligayahan. Ipinadala Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo para maging iyong Tagapagligtas at ituro ang Kanyang ebanghelyo. Ang ibig sabihin ng salitang ebanghelyo ay “mabuting balita,” at ang mabuting balita ay dahil kay Jesucristo, maaari kang magkaroon ng kaligayahan sa buhay na ito at ganap na kagalakan para sa kawalang-hanggan.
Mga Walang-Hanggang Katotohanan
Nilayon kang magkaroon ng kaligayahan at kagalakan. Iyan ang layunin ng buhay. Iyan ang layunin ng plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Hindi ibig sabihin nito na hindi ka malulungkot o mahihirapan. Pero ibig sabihin nito ay matutulungan ka ng Tagapagligtas na malagpasan ang mahihirap na panahon at makahanap ng kagalakan.
Ang kagalakan ay hindi nagmumula sa iyong sitwasyon; nagmumula ito sa pagsunod kay Jesucristo. Maaari kang magkaroon ng masamang araw, masamang linggo, o masamang taon. Subalit ang kagalakan ay hindi kawalan ng kalungkutan sa iyong buhay; ito ay ang presensiya ni Cristo sa iyong buhay.
Ang kagalakan ng Tagapagligtas ay mas dakila at mas tumatagal kaysa sa anupaman. Tutuksuhin ka ni Satanas na maghangad ng kasayahan at kasiyahan sa makasariling mga paraan o mula sa kamunduhan. Anumang bagay na salungat kay Jesucristo at sa Kanyang mga kautusan ay hindi makapagdudulot sa iyo ng tunay at walang-hanggang kagalakan at kaligayahan. Tandaan na ang mga bagay ng mundong ito ay pansamantala. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nag-aalok ng kagalakan at kaligayahan na malalim, banal, at walang hanggan.
Mga Paanyaya
Piliin ang kagalakan. Bagama’t totoo na may kalungkutan at paghihirap sa mundong ito, pinuspos din ng Ama sa Langit ang mundo ng maraming magaganda at makabuluhang bagay. Hanapin ang mga iyon. Sikaping pansinin ang mga dahilan para magalak araw-araw—siguro ay isulat pa ang mga ito. Ito ay mga kaloob mula sa iyong mapagmahal na Ama sa Langit.
Maghatid ng kagalakan at kaligayahan sa iba. Natagpuan ni Jesucristo ang ganap na kagalakan sa pamamagitan ng paghahatid sa atin ng kagalakan. Matutularan mo ang Kanyang halimbawa sa pamamagitan ng paghahanap ng kagalakan at kaligayahan sa paglilingkod sa iba. Tulungan ang ibang tao na madamang minamahal siya. Magbigay ng tapat na papuri. Hikayatin ang isang taong nahihirapan. Kung nadarama mo na kailangan mo ng higit na kagalakan sa iyong buhay, sikaping maghatid ng kagalakan sa ibang tao.
Maging masaya sa pagsamba sa Panginoon. Kapag nagsisimba ka, magtuon sa kagalakang ibinibigay sa iyo ni Jesucristo, at purihin Siya para dito! Gawin ang iyong bahagi para makapag-ambag sa masayang diwa sa iyong mga miting sa Simbahan. Gawing bahagi ng iyong pagsamba sa tahanan at sa simbahan ang sagradong musika.
Mga Ipinangakong Pagpapala
Makadarama ka ng kagalakan kahit mahirap ang buhay. Maaari mong isipin kung paano ito posible, ngunit ito ay totoo. Ang iyong pananampalataya kay Jesucristo, ang Kanyang nakapagpapagaling na kapangyarihan, at ang Kanyang walang-hanggang mga pangako ay makapagbibigay sa iyo ng patuloy na kagalakan. Nadaraig ng Kanyang kagalakan ang kalungkutan at naghahatid iyon ng kapayapaan na hindi masayod ng pag-unawa.
Ang ganap na kagalakan ay naghihintay sa iyo sa kahariang selestiyal ng Diyos. Nadaig ni Jesucristo ang lahat ng bagay na makahahadlang sa iyo sa pagtanggap ng walang-hanggang kagalakan. Kapag nagtiwala ka sa Kanya at sumunod sa Kanya, ang kagalakang ito ay mapapasaiyo.
Mga Tanong at mga Sagot
Kung masaya ang ebanghelyo, bakit napakalungkot ko? Ang makadama ng kalungkutan ay hindi tanda na hindi mo ipinamumuhay ang ebanghelyo. Kabilang sa buhay ng lahat ang paghihirap, pagsubok, at kalungkutan. Hindi ito binabago ng pagsunod kay Jesucristo, pero iniuugnay ka nito sa isang Tagapagligtas na makapagbibigay sa iyo ng kapanatagan at makatutulong sa iyo na makahanap ng kagalakan at kaligayahan.
Bakit napakaraming oposisyon sa mundo? Ang ilan sa mga pagdurusa sa mundo ay dumarating dahil ginagamit ng mga tao ang kanilang kalayaang pumili para gumawa ng mga maling pagpili. Ito ay maaaring magdulot ng pagdurusa para sa kanilang sarili at sa ibang tao. Sa ibang sitwasyon, ang pagdurusa ay hindi kasalanan ng sinuman—bunga lang ito ng pamumuhay sa isang mundong hindi perpekto. Anuman ang dahilan, maaaring nakakalungkot na makita ang isang taong nagdurusa, lalo na ang isang taong mahal mo. Makatitiyak ka na ang Diyos ay malungkot din kapag nagdurusa ka. Tinutulutan Niya ang mga pagsubok sa buhay na ito para tulungan kang umunlad at maghanda para sa walang-hanggang kagalakan kasama Niya, pero hindi ka Niya iniiwang maghirap nang mag-isa. Isinugo Niya si Jesucristo para taglayin sa Kanyang sarili ang iyong pasakit para matulungan ka Niya. Si Jesucristo ang iyong lakas! At inaanyayahan ka Niya, bilang isa sa Kanyang mga tagasunod, na gawin ang makakaya mo para maibsan ang pagdurusa ng iba.
Tingnan sa Mga Awit 16:11 (may lubos na kagalakan sa piling ng Diyos); 95:1 (awitan ang Panginoon); Juan 16:33 (tibayan ang iyong loob; napagtagumpayan ni Jesucristo ang mundo); Galacia 5:22 (ang bunga ng Espiritu ay kagalakan); Mga Hebreo 12:2 (tiniis ni Jesus ang Kanyang pagdurusa dahil sa kagalakang dulot ng pagligtas sa mga anak ng Diyos); 2 Nephi 2:25 (Nais ng Diyos na magkaroon ka ng kagalakan); Alma 26:15–16 (ang paggawa sa gawain ng Diyos ay nagdudulot ng kagalakan); Doktrina at mga Tipan 18:15–16 (kaydakila ng iyong magiging kagalakan kapag tumulong ka sa iba na lumapit kay Cristo).
Tanong para sa Temple Recommend
-
May patotoo ka ba sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa Kanyang papel na ginagampanan bilang iyong Tagapagligtas at Manunubos?