I Shall Not Want, ni Yongsung Kim. Sa kagandahang-loob ng Havenlight
5.
Lumakad sa liwanag ng Diyos
Galacia 5:25
Gumagawa ka ng mas mabubuting pagpili kapag malinaw mong nakikita ang mga bagay-bagay. Kaya nga napakahalaga ng liwanag; pinadadali ng liwanag na makita ang tamang landas. Binigyan ka ng Ama sa Langit ng access sa isang makalangit na pinagmumulan ng liwanag—ang kaloob na Espiritu Santo—para tulungan kang makita nang malinaw kung ano ang mabuti at masama, tama at mali.
Mga Walang-Hanggang Katotohanan
Maaari mong makasama sa tuwina ang Espiritu Santo. Nang makumpirma kang miyembro ng Simbahan, inanyayahan kang “tanggapin ang Espiritu Santo.” Ang pagkakataong mapasaiyo palagi ang Espiritu ay isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos sa iyo.
Ang paggawa ng mabubuting pagpili ay nagpapabuti sa iyong kakayahang madama ang Espiritu. Maraming mabubuti at makabuluhang bagay sa mundong ito. Tulad ng iyong katawan na naaapektuhan ng iyong kinakain at iniinom, ang iyong isipan at espiritu ay lubos na naaapektuhan ng iyong binabasa, pinanonood, at pinakikinggan.
Mga Paanyaya
Maglaan ng oras para sa Panginoon araw-araw. Alamin ang tungkol sa Kanya. Lagi Siyang alalahanin. Manalangin sa iyong Ama sa Langit. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta. Pagkatapos ay sikaping ipamuhay ang natutuhan mo.
Hangarin ang mga bagay na nagpapasigla, nagbibigay-inspirasyon, at nag-aanyaya sa Espiritu. Habang nagpapasiya ka kung ano ang panonoorin, babasahin, pakikinggan, o sasalihan, isipin kung ano ang ipinadarama nito sa iyo. Nag-aanyaya ba ito ng magagandang kaisipan? Lumayo sa anumang bagay na kumukutya sa mga sagradong bagay o imoral. Huwag makilahok sa anumang bagay na nagpapapurol sa iyong paghatol o pagiging sensitibo sa Espiritu, tulad ng karahasan, alak, at nakapipinsalang droga. Magkaroon ng lakas ng loob na patayin ang isang video o laro, lumabas ng sinehan o sayawan, baguhin ang pinakikinggan mong musika, o talikuran ang anumang bagay na hindi naaayon sa Espiritu.
Gamitin ang social media para magpasigla. Ang social media ay maaaring maging mabisang kasangkapan sa komunikasyon. Kung gagamitin mo ito, magpokus sa liwanag, pananampalataya, at katotohanan. Huwag ikumpara ang inyong buhay sa tila nararanasan ng ibang tao. Tandaan na ang inyong kahalagahan ay nagmumula sa pagiging anak ng mga magulang sa langit, hindi mula sa social media.
Maghangad ng makabuluhang mga karanasan at tunay at nagtatagal na mga relasyon. Mag-ingat para hindi pumalit ang paggamit mo ng teknolohiya at media sa personal na pag-uukol ng oras sa pamilya at mga kaibigan. Maaaring ubusin ng social media at ng iba pang teknolohiya ang oras mo nang wala gaanong mapakikinabangan. Tumigil sandali sa pagkonekta sa virtual na mundo at makipag-ugnayan sa mga tao sa tunay na buhay.
Mga Ipinangakong Pagpapala
Maaaring mapasaiyo palagi ang Espiritu. Ang pangakong ito ay bahagi ng tipang ginagawa mo tuwing nakikibahagi ka sa sakramento. Patototohanan sa iyo ng Espiritu Santo ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Ikaw ay Kanyang papanatagin, gagabayan, bibigyan ng babala, at pababanalin. Tutulungan ka Niya na makilala ang katotohanan at makita ang kabutihan sa mundo.
Mga Tanong at mga Sagot
Paano ko malalaman kung nadarama ko ang Espiritu Santo? Ang matutong mamalayan ang Espiritu ay nangangailangan ng panahon, pagsasanay, at tiyaga. Nangungusap Siya sa iba’t ibang tao sa iba’t ibang paraan. Huwag balewalain ang mga simpleng bagay—ang payapang pakiramdam mo kapag naririnig mo ang patotoo ng isang tao o ang balisang pakiramdam mo matapos makagawa ng maling pagpili. Saliksikin sa mga banal na kasulatan ang iba’t ibang paraan na nakikipag-ugnayan ang Espiritu, ipagdasal ito, at patuloy na maghanap ng mga pagkakataong madama ang Espiritu.
Ano ang pornograpiya? Bakit ko iyon dapat iwasan? Ang pornograpiya ay representasyon, sa mga larawan o salita, na dinisenyo para pukawin ang mga damdaming seksuwal. Maraming anyo ang pornograpiya, kabilang na ang mga video, larawan, aklat, laro, at musika. Maaari din itong maging mga mensahe o larawang ipinadadala ng mga kaibigan. Tinatrato ng pornograpiya nang walang paggalang ang mga bagay na sagrado—ang ating pisikal na katawan at damdaming seksuwal. Maaari kang makakita ng pornograpiya nang hindi mo sinasadya. Makakita ka man ng pornograpiya nang sadya o hindi, layuan ito kaagad. Maaari mo ring kausapin ang isang magulang o iba pang mapagkakatiwalaang adult. Ang sadyang panonood ng pornograpiya ay makasalanan at nakapipinsala sa kakayahan mong madama ang Espiritu. Pinahihina nito ang pagpipigil mo sa sarili at binabaluktot ang paraan ng pagtingin mo sa iyong sarili at sa iba. Si Jesucristo ay may kapangyarihan na tulungan kang labanan ang pornograpiya at magsisi. Lumapit sa Kanya at talikuran ang kadiliman. Matutulungan ka ng bishop mo na magkaroon ng lakas at kapatawaran sa pamamagitan ng Tagapagligtas. Si Jesucristo ang iyong lakas!
Tingnan sa Mga Awit 119:105 (ang salita ng Diyos ay katulad ng liwanag sa ating landas); Amos 5:14 (maghangad ng kabutihan); Galacia 5:22–23 (ang mga bunga ng Espiritu); Moroni 7:18–19 (ang liwanag ni Cristo); Doktrina at mga Tipan 6:23 (nangungusap ng kapayapaan ang Panginoon); 20:77, 79 (ang mga panalangin sa sakramento).
Tanong para sa Temple Recommend
-
Sinabi ng Panginoon na ang lahat ng bagay ay dapat “gawin sa kalinisan” sa Kanyang harapan (Doktrina at mga Tipan 42:41). Sinisikap mo bang gawing malinis ang iyong kaisipan at asal?