Mga kabataan
3. Maaari kang tumulong sa gawain ng Diyos


Binabantayan at inaalagaan ni Jesucristo ang Kanyang mga tupa.

3.

Maaari kang tumulong sa gawain ng Diyos

Moises 1:39

Mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang mga anak. Nais Niya silang tulungang makahanap ng kaligayahan at kagalakan, bumalik sa Kanya, at magtamo ng buhay na walang hanggan. Tinatawag ito na Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan, at inaanyayahan ka Niya na tumulong!

Mga Walang-Hanggang Katotohanan

Ang gawain at kaluwalhatian ng Diyos ay ang isakatuparan ang iyong kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan. Ang imortalidad o kawalang-kamatayan ay ang mabuhay magpakailanman na mayroong nabuhay na mag-uling katawan. Ang buhay na walang hanggan, o kadakilaan, ay ang maging katulad ng Diyos at mamuhay sa piling Niya nang walang hanggan bilang mga pamilya. Posible ang lahat ng ito dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Siya ay mapagkakatiwalaan mo.

Makatutulong ka sa gawain ng Diyos sa pamamagitan ng paglapit kay Cristo at pagtulong sa iba na gawin din iyon. Sa tuwing gagawa ka ng anumang bagay para tulungan ang isang tao na sundin si Jesucristo, tumutulong ka sa gawain ng Diyos.

Mga Paanyaya

Ipamuhay ang ebanghelyo. Isalig ang iyong pananampalataya kay Jesucristo. Magsisi araw-araw. Tanggapin ang mga ordenansa ng priesthood ng Diyos at tuparin ang iyong mga tipan. Gawin iyan sa buong buhay mo.

Tulungan ang mga nangangailangan. Humanap ng mga paraan para makapaglingkod at tumulong sa iba, kabilang na sa iyong pamilya, mga kaibigan, at komunidad. Ang isang magandang paraan para matulungan ang mga taong nangangailangan ay sundin ang batas ng ayuno at magbigay ng mga handog-ayuno.

Anyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Ipakita sa iyong mga salita at kilos ang iyong pananampalataya kay Jesucristo. Maging handang sabihin sa sinumang nagtatanong sa iyo ang tungkol sa pag-asa at kaligayahang nadarama mo bilang Kanyang disipulo. Para sa mga kabataang lalaki, ang paglilingkod sa full-time mission ay isang responsibilidad ng priesthood. Para sa mga kabataang babae, ito ay isang magandang oportunidad; ipagdasal na malaman kung nais ng Panginoon na maglingkod ka. Maghandang ibahagi ang ebanghelyo sa buong buhay mo.

Pagbuklurin ang mga pamilya sa kawalang-hanggan sa pamamagitan ng paggawa ng family history at gawain sa templo. Kilalanin ang iyong mga ninuno. Alamin kung sino ang nangangailangan ng mga ordenansa sa templo. Magpunta sa templo nang madalas hangga’t maaari para mabinyagan at makumpirma para sa kanila. Kung kailangan mo ng tulong, pumunta sa FamilySearch.org.

si Jesuristo na nagmiministeryo sa Amerika

Mga Ipinangakong Pagpapala

Mapasasaiyo ang tulong ng Diyos. Hindi inaasahan ng Ama sa Langit na gagawin mo ang gawaing ito nang mag-isa. Kasama mo Siya. Kapag mapagpakumbaba mong ibinibigay ang iyong panahon at puso, gagawa Siya ng kamangha-manghang mga bagay sa pamamagitan mo. Si Jesucristo ang iyong lakas!

Mapupuspos ka ng kagalakan. Ang gawain ng Diyos ay isang masayang gawain! Kapag nakikibahagi ka rito, madarama mo ang kagalakang nadarama Niya. Isipin ang kagalakang maibabahagi mo sa Ama sa Langit at sa Kanyang mga anak na tinulungan mong madala sa Kanya!

Mga Tanong at mga Sagot

Talaga bang magagamit ako ng Diyos sa Kanyang gawain? Oo! Maraming paraan para tumulong sa gawain. Maaaring tila mas talentado o mahusay ang ibang tao, pero nakikita ng iyong Ama sa Langit ang iyong potensiyal. Binigyan ka Niya ng mga kaloob na magagamit mo para maglingkod at tipunin ang Kanyang mga anak. Ayos lang kung ang mga kaloob na ito ay naiiba sa kung ano ang mayroon ang ibang tao. Sa katunayan, iyan ang dahilan kung bakit napakahalaga ng iyong mga kaloob. Ikaw ay kailangan!

Tingnan sa Mateo 10:39 (kapag nawala ang iyong buhay dahil sa paglilingkod sa Tagapagligtas, matatagpuan mo ito); 1 Corinto 12:14–27 (lahat ng miyembro ay kailangan sa katawan ni Cristo); Filipos 1:6 (magkaroon ng kumpiyansa na nasasaiyo ang Diyos); Jacob 5:72 (ang Panginoon ng ubasan ay gumagawang kasama mo); Doktrina at mga Tipan 18:15–16 (magiging malaki ang kagalakan mo kasama ang mga madadala mo kay Cristo); 64:33–34 (isang dakilang gawain ang nagmumula sa maliliit at payak na mga bagay); Moises 1:6 (“Ako ay may gawain para sa iyo”); 6:31–34 (Ginagawang karapat-dapat ng Diyos ang mga tinatawag Niya, kahit na pakiramdam nila ay hindi sila sapat).

Tanong para sa Temple Recommend

  • May patotoo ka ba sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo?