Mga kabataan
6. Mahalin ang Diyos, mahalin ang iyong kapwa


ang mabuting Samaritano

6.

Mahalin ang Diyos, mahalin ang iyong kapwa

Mateo 22:37–40

Para matulungan kang gumawa ng mabubuting pagpili, nagbibigay ng mga kautusan ang Diyos. Ginagawa Niya ito dahil mahal ka Niya. At ang pinakamainam na dahilan para sundin ang mga utos ng Diyos ay dahil sa mahal mo Siya. Pagmamahal ang nasa sentro ng mga utos ng Diyos.

Mga Walang-Hanggang Katotohanan

Mahal ka ng Diyos. Siya ang iyong Ama. Ang Kanyang sakdal na pagmamahal ay maaaring magbigay-inspirasyon sa iyo na mahalin Siya. Kapag ang pagmamahal mo sa Ama sa Langit ang pinakamahalagang impluwensiya sa iyong buhay, maraming desisyon ang nagiging mas madali.

Ang dalawang pinakadakila sa lahat ng kautusan ay mahalin ang Diyos at mahalin ang iyong kapwa. At sino ang iyong kapwa? Lahat! Ang lahat ng iba pang itinuturo sa mga banal na kasulatan at ng mga propeta ay may kaugnayan sa dalawang kautusang ito.

Lahat ng tao ay iyong mga kapatid—kabilang na, siyempre pa, ang mga taong naiiba sa iyo o hindi mo kasundo. Nais ng Ama sa Langit na magmahalan ang Kanyang mga anak. Kapag pinaglilingkuran mo ang Kanyang mga anak, pinaglilingkuran mo Siya.

Mga Paanyaya

Magpakita ng pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos. Halimbawa, sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, kabilang na ang matapat na paghahanda para sa at pagtanggap ng sakramento, ipinapakita ninyo sa Diyos na handa kayong maglaan sa Kanya ng isang araw sa isang linggo. Habang nag-aayuno at nagbabayad kayo ng mga ikapu at handog, ipinapakita ninyo sa Diyos na mas mahalaga sa inyo ang Kanyang gawain kaysa sa mga materyal na bagay. Kapag ginagamit ninyo ang mga pangalan ng Diyos at ni Cristo nang may pagpipitagan, hindi kailanman sa walang kabuluhan o kaswal na paraan, ipinapakita ninyo na nagpapasalamat kayo sa lahat ng Kanilang nagawa para sa inyo.

Tratuhin ang lahat bilang anak ng Diyos. Bilang disipulo ni Jesucristo, maaari kang maging halimbawa sa pagtrato sa mga tao sa lahat ng lahi at relihiyon at sa iba pang mga grupo nang may pagmamahal at paggalang—lalo na sa mga biktima kung minsan ng masasakit na salita at gawa. Tulungan ang mga taong maaaring nalulungkot, nag-iisa, o walang magawa. Ipadama sa kanila ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa pamamagitan mo. Ibahagi sa kanila ang mga pagpapalang ibinigay Niya sa iyo, at anyayahan silang sundin si Jesucristo.

Tiyaking nakikita sa iyong pananalita ang pagmamahal sa Diyos at sa ibang tao—personal ka mang nakikipag-usap o sa virtual na paraan. Magsabi ng mga bagay na nagpapasigla—na hindi nagpapawatak-watak, nakakasakit, o nakakasama ng loob, kahit pabiro. Maaaring maging makapangyarihan ang iyong mga salita. Hayaang maging makapangyarihan ang mga iyon para sa kabutihan.

Magpakita ng pagmamahal sa iyong pamilya. Ang pagmamahal sa lahat ng anak ng Diyos ay nagsisimula sa tahanan. Gawin ang iyong bahagi para ang tahanan mo ay maging lugar kung saan madarama ng lahat ang pagmamahal ng Tagapagligtas.

si Jesucristo (sa tangke ng Betesda) ay nag-aangat ng kumot kung saan nakahiga ang isang lalaking pilay

Mga Ipinangakong Pagpapala

Ang iyong kaugnayan sa Diyos ay lalalim kapag ipinakita mo ang iyong pagmamahal sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos at pagtupad sa iyong mga tipan sa Kanya.

Ang iyong kaugnayan sa iba ay lalalim kapag ipinahayag mo ang iyong pagmamahal sa pamamagitan ng paglilingkod na katulad ng paglilingkod ni Cristo. Magagalak ka kapag ginagawa mong mas mapagmahal na lugar ang mundo.

Mga Tanong at mga Sagot

Paano ko madarama ang pagmamahal ng Diyos? Ang pagmamahal ng Ama sa Langit ay laging nariyan. Kausapin Siya nang madalas sa panalangin. Sabihin sa Kanya ang nadarama mo, at bigyang-pansin ang mga impresyong nagmumula sa Kanya. Basahin ang Kanyang mga salita sa mga banal na kasulatan. Isipin ang lahat ng nagawa Niya para sa iyo. Gumugol ng oras sa mga lugar at aktibidad kung saan naroon ang Kanyang Espiritu.

Inaasahan ba ng Panginoon na mahalin ko ang lahat, kahit ang mga taong masama ang trato sa akin? Inaasahan ng Panginoon na mahalin mo ang iyong mga kaaway at ipagdasal ang mga nagmamaltrato sa iyo. Gayunman, hindi ibig sabihin niyan ay dapat kang manatili sa isang sitwasyon na nagdudulot sa iyo ng emosyonal, pisikal, o espirituwal na kapahamakan. Magtakda ng mabubuting hangganan para manatili kang ligtas. Kung ikaw ay binu-bully o inaabuso—o kung alam mo na nangyayari ito sa ibang tao, kausapin ang isang mapagkakatiwalaang adult.

Kailan at paano ako dapat makipagkilala sa mga iba ang kasarian? Ang pinakamagandang paraan para makilala ang iba ay sa pamamagitan ng tunay na pakikipagkaibigan. Habang bata ka pa, bumuo ng mabubuting pakikipagkaibigan sa maraming tao. Sa ilang kultura, nakikilala ng mga kabataan ang mga iba ang kasarian sa pamamagitan ng makabuluhang mga aktibidad sa grupo. Para sa iyong emosyonal at espirituwal na pag-unlad at kaligtasan, ipagpaliban ang mga aktibidad na one-on-one hanggang sa nasa hustong gulang ka na—magandang pamantayan ang edad na 16 anyos. Sumangguni sa iyong pamilya at mga lider. Ipagpaliban ang mga eksklusibong relasyon at gawin ito kapag mas matanda ka na. Gumugol ng oras sa mga taong tumutulong sa iyo na tuparin ang iyong mga pangako kay Jesucristo.

Ano ang magagawa ko kung walang pagmamahalan sa aking tahanan? Alam ng iyong Tagapagligtas ang iyong sitwasyon, at mahal Ka Niya. Maging mapagpasensiya, patuloy na sundin ang mga utos ng Diyos, at maging mabuting halimbawa sa iyong pamilya. Ang mga simpleng gawaing nagpapakita ng pagmamahal ay makagagawa ng malaking kaibhan. Maaari ka ring bumuo ng mga ugnayan sa iyong ward. Maghanda ngayon na bumuo ng sarili mong pamilya na nakatatag sa mga turo ni Jesucristo. Tandaan: si Jesucristo ang iyong lakas!

Tingnan sa Isaias 58:3–11 (mga layunin ng pag-aayuno); 58:13–14 (mga pagpapala ng pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath); Malakias 3:8–10 (mga pagpapala ng pagbabayad ng ikapu); Lucas 6:27–28 (mahalin ang iyong mga kaaway); 10:25–37 (sino ang aking kapwa?); Juan 3:16–17 (mahal tayo ng Diyos, kaya Niya isinugo ang Kanyang Anak); 14:15 (sinusunod natin ang mga kautusan dahil mahal natin ang Diyos); 1 Juan 4:19 (mahal natin ang Diyos dahil mahal Niya tayo); Mosias 2:17 (kapag pinaglilingkuran natin ang iba, pinaglilingkuran natin ang Diyos).

Mga Tanong para sa Temple Recommend

  • Sinusunod mo ba ang mga turo ng Simbahan ni Jesucristo sa mga ikinikilos mo sa pribado at publiko kasama ang mga miyembro ng iyong pamilya at ibang tao?

  • Nagbabayad ka ba ng buong ikapu?