Mga kabataan
11. Ang katotohanan ay magpapalaya sa iyo


isang binatilyo noong unang panahon na nagbabasa mula sa isang scroll

Feast Upon the Word, ni Liz Lemon Swindle. Sa kagandahang-loob ng Havenlight

11.

Ang katotohanan ay magpapalaya sa iyo

Juan 8:32

Ang iyong Ama sa Langit ay isang Diyos ng katotohanan. Alam Niya ang lahat. Lahat ng katotohanan ay nagmumula sa Kanya at humahantong sa Kanya. Ipinapakita mo na pinahahalagahan mo ang katotohanan kapag naghahangad kang matuto, namumuhay nang may integridad, at matapang na naninindigan sa alam mong tama—kahit kailangan mong manindigang mag-isa.

Mga Walang-Hanggang Katotohanan

Nais ng Ama sa Langit na laging natututo ang Kanyang mga anak na babae at lalaki. Mayroon kang kapwa temporal at espirituwal na mga dahilan para hangarin at gustuhing matuto. Ang edukasyon ay hindi lamang tungkol sa pagkita ng pera. Bahagi ng iyong walang-hanggang mithiin ang maging higit na katulad ng Ama sa Langit.

Ang pamumuhay nang may integridad ay nangangahulugan na mahal mo ang tama sa paningin ng Diyos—higit pa sa pagmamahal mo sa personal na kapanatagan, katanyagan, o kaginhawahan. Nangangahulugan ito ng paggawa ng tama dahil lang sa tama iyon.

May mahalagang bagay kang maibabahagi. Nasa ebanghelyo ni Jesucristo ang mga sagot sa mga tanong sa buhay. Ito ang daan tungo sa kapayapaan at kaligayahan. Maaaring hindi mo alam ang lahat ng bagay, ngunit sapat ang alam mo para mahalin ang iyong kapwa, ibahagi sa kanila ang mga tunay na alituntunin, at anyayahan silang matuto pa.

Mga Paanyaya

Matuto palagi. Humanap ng mga pagkakataong palawakin ang iyong isipan at mga kasanayan. Maaaring kabilang sa mga pagkakataong ito ang pormal na edukasyon sa paaralan o vocational training pati na rin ang hindi pormal na pagkatuto mula sa mga source na pinagkakatiwalaan mo. Isali ang Panginoon sa iyong mga pagsisikap, at gagabayan ka Niya.

Matuto ng mga espirituwal na katotohanan. Habang natututo ka tungkol sa mundo sa iyong paligid, alamin din ang tungkol sa Tagapagligtas, na lumikha ng mundo. Pag-aralan ang Kanyang buhay at mga turo. Gawing bahagi ng iyong habambuhay na pagkatuto ang seminary, institute, at personal na pag-aaral ng ebanghelyo. Maihahanda ka nitong magmisyon at ibahagi ang ebanghelyo habambuhay.

Mamuhay nang may integridad. Huwag magnakaw, magsinungaling, mandaya, o manlinlang sa anumang paraan—sa paaralan, sa trabaho, online, saanman. Maging tapat na alagad ni Jesucristo sa publiko at sa pribado.

mga taong nakaluhod sa harapan ng nabuhay na mag-uling si Jesucristo

Mga Ipinangakong Pagpapala

Nadaragdagan ng edukasyon ang kakayahan mong maglingkod sa Panginoon, kabilang na ang pagiging missionary. Tinutulutan ka nitong pagpalain ang iba, lalo na ang iyong pamilya. Habang lalo kang natututo, lalo kang makakatulong na itayo ang kaharian ng Diyos at impluwensiyahan ang mundo sa kabutihan.

Ang katapatan ay naghahatid ng kapayapaan at paggalang sa sarili. Kapag ang iyong mga salita at kilos ay nakaayon sa katotohanan, ipinapakita mo na mapagkakatiwalaan ka ng ibang tao at ng Panginoon.

Kapag nanindigan ka para sa mga turo ni Jesucristo, naninindigan Siya na kasama mo. Si Jesucristo ang iyong lakas! Maaaring hindi sumasang-ayon ang iba sa mga paniniwala mo, pero mapapansin ang iyong tapang at katapatan. Sinusundan man ng iba ang iyong halimbawa o hindi, lalago ang iyong patotoo, tiwala sa sarili, at pananampalataya kay Cristo.

Mga Tanong at mga Sagot

Mali bang magkaroon ng mga tanong tungkol sa Simbahan? Paano ko mahahanap ang mga sagot? Ang pagkakaroon ng mga tanong ay hindi tanda ng kahinaan o kawalan ng pananampalataya. Sa katunayan, ang pagtatanong ay makakapagpalakas ng pananampalataya. Nagsimula ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo nang magtanong nang may pananampalataya ang 14 na taong gulang na si Joseph Smith. Maghanap ng mga sagot sa mga banal na kasulatan, sa mga salita ng mga propeta ng Diyos, mula sa iyong mga lider at tapat na mga kapamilya, at mula sa Diyos mismo. Kung hindi darating kaagad ang mga sagot, magtiwala na matututo ka nang taludtod sa taludtod. Patuloy na mamuhay ayon sa nalalaman mo na, at patuloy na hanapin ang katotohanan.

Paano ako maninindigan sa tama nang hindi sumasama ang loob ng mga taong iba ang mga paniniwala? Magsimula sa pagtiyak na ang iyong mga salita at kilos ay nahihikayat ng pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga anak. Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi dapat gawin nang may diwa ng pagtatalo kundi nang may kalinawan, kaamuan, at kabaitan. Maaari kang maging mapagmahal sa iba kahit hindi ka sang-ayon sa kanilang mga pananaw. Maging mabuting halimbawa ng isang tagasunod ni Jesucristo sa pamamagitan ng paraan ng iyong pamumuhay.

Tingnan sa Mateo 5:14–16 (hayaang magliwanag ang iyong ilaw); Juan 14:6 (Si Jesus ang katotohanan); 1 Pedro 3:15 (maging handa palagi na ibahagi ang iyong pag-asa kay Cristo); Doktrina at mga Tipan 88:77–80 (mga bagay na nais ng Panginoon na matutuhan natin); 88:118 (maghangad ng katalinuhan mula sa pinakamabubuting aklat); 93:36 (ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan); 124:15 (ang kahulugan ng integridad ay mahalin ang tama); 130:18 (ang ating katalinuhan ay kasama nating babangon kapag tayo ay nabuhay na mag-uli).

Mga Tanong para sa Temple Recommend

  • Sinisikap mo bang maging tapat sa lahat ng iyong ginagawa?

  • Itinataguyod o tinatangkilik mo ba ang anumang mga turo, kaugalian, o doktrinang salungat sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?