8.
Natatanggap mo ang higit na malaking mga pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan sa templo
Ang ilan sa mga pagpapala ng Ama sa Langit ay napakasagrado, kaya iniutos Niya sa atin na maglaan ng mga espesyal at banal na lugar kung saan natin matatanggap ang mga ito: ang mga templo. Sa templo, ang bahay ng Panginoon, matatanggap mo ang Kanyang pinakamatataas na ordenansa—ang endowment at pagbubuklod—at matatanggap ang Kanyang mas dakilang mga pangako.
Mga Walang-Hanggang Katotohanan
Ang endowment ay isang kaloob na kaalaman at kapangyarihan. Sa mga ordenansa ng endowment sa templo, mas lubos mong tinataglay ang pangalan ng Tagapagligtas. Kayo ay nakikipagtipan na susundin ang Diyos, magsasakripisyo para magawa ang Kanyang kalooban, ipamumuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, susundin ang batas ng kalinisang-puri, at ilalaan—o ihahandog—ang iyong buhay at lahat ng ibinigay sa iyo ng Diyos sa Kanyang Simbahan. Ang mga ito ang mga pangako mo. Nangangako ang Diyos na babasbasan ka ng mas dakilang kaalaman at proteksiyon, at mas matatanggap mo ang Kanyang kapangyarihan. Nangangako rin Siya na bibigyan ka ng buhay na walang hanggan kasama Siya. Bilang bahagi ng endowment, tatanggap ka ng sagradong pribilehiyong magsuot ng garment ng banal na priesthood. Ang garment ay simbolo ni Jesucristo at isang paalala ng iyong mga tipan sa templo.
Ang pagbubuklod sa templo ay pinag-iisa ang mga mag-asawa at pamilya para sa kawalang-hanggan. Sa ordenansa ng pagbubuklod sa templo, kayong mag-asawa ay makikipagtipan sa Diyos at sa isa’t isa. Mangangako kayong lubos na magiging tapat sa Diyos at sa isa’t isa, na magmamahalan at maglilingkod sa isa’t isa, at magtutulungan sa pagtupad sa mga batas ng Diyos. Ito ang inyong pangako. Nangangako ang Diyos na ang iyong relasyon sa iyong asawa at sa iyong mga anak ay maaaring magtagal magpakailanman. Nangangako rin Siya na matatanggap mo ang pinakamataas na kaluwalhatian na kasama Niya sa kahariang selestiyal kapag sinusunod mo ang iyong mga tipan. Ang pagpapalang ito ay tinatawag na kadakilaan.
Mga Paanyaya
Laging magkaroon ng temple recommend. Kausapin ang isang miyembro ng inyong bishopric para tumanggap nito. Itatanong Niya sa iyo kung paano mo ipinamumuhay ang mga pamantayan ng Panginoon sa pagpasok sa Kanyang banal na bahay. Rebyuhin nang madalas ang mga tanong na ito. (Makikita mo ang mga ito sa apendiks sa gabay na ito.) Kahit malayo ang tirahan mo sa templo, ang iyong recommend ay simbolo ng iyong pagmamahal sa Panginoon at sa iyong pangakong ipamuhay ang Kanyang mga pamantayan.
Magpunta sa templo nang madalas hangga’t kaya mo. Gamit ang iyong temple recommend, makakapasok ka sa bahay ng Panginoon at mabibinyagan at makukumpirma ka para sa iyong mga ninuno, upang matanggap nila ang mga pagpapalang ibinigay sa iyo. Samantalahin ang bawat pagkakataong makapunta sa templo. Hanapin ang Panginoon sa Kanyang bahay. Hanapin Siya sa mga ordenansa, mga simbolo, at sa Espiritung nadarama mo. Mahahanap mo Siya.
Maghandang gumawa ng mga tipan sa bahay ng Panginoon. Ang isa sa mga pinakamagandang paraan para magawa ito ay ang pagtupad sa iyong tipan sa binyag. Itakda bilang isa sa mga mithiin mo na gagabay sa iyong buhay ang pagtanggap ng mga ordenansa sa templo at buong buhay na tupdin ang iyong mga tipan. Simulan na ngayong ipamuhay ang mga batas na ipapangako mong susundin sa templo: pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, sakripisyo, ebanghelyo ni Jesucristo, kalinisang-puri, at paglalaan. Matutulungan ka ng iyong pamilya, bishop, o ng iba pang mga lider ng Simbahan.
Mga Ipinangakong Pagpapala
Maaari kang maging higit na katulad ni Jesucristo. Tutulungan Ka Niyang maging mas dakilang tagasunod ng katuwiran. Ang mga ordenansa at tipan sa templo ay magtuturo sa iyo kung paano makapasok sa kinaroroonan ng Diyos at makatanggap ng buhay na walang hanggan sa piling Niya.
Ikaw ay masasandatahan ng kapangyarihan ng Diyos. Ang mga tipan sa templo ay may kasamang pangako na mapapasaiyo ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos. Pangangalagaan ka ng Kanyang mga anghel.
Ang panahon sa templo ay mas mag-uugnay sa iyo kay Jesucristo at sa Espiritu Santo. Madarama mo ang kapayapaan at kapahingahan ng Diyos. Maririnig mo ang Kanyang tinig nang mas malinaw. Bubuksan sa iyo ang kalangitan, at mas mauunawaan mo ang Kanyang pamamaraan. Magkakaroon ka ng higit na lakas na harapin ang iyong mga hamon dahil ang iyong puso ay nakaugnay sa Kanya.
Mga Tanong at mga Sagot
Kailan ako puwedeng tumanggap ng endowment? Ang desisyong tanggapin ang iyong endowment ay personal; mapanalanging gawin ang desisyong ito. Sumangguni sa iyong pamilya at mga lider sa Simbahan. Para matanggap ang endowment, kailangang nasa 18 taong gulang ka man lamang at wala na sa high school o secondary school. Ikaw ay mae-endow bago magmisyon o mabuklod, pero hindi mo kailangang hintayin ang alinman sa mga pangyayaring ito bago ka ma-endow. Kailangan mo lang ng hangarin at paghahandang gumawa at tumupad ng mga karagdagang tipan sa iyong Ama sa Langit. Matutulungan ka ng iyong bishop o branch president na malaman kung handa ka na. Huwag ituring ang endowment bilang isang gawain sa isang walang-hanggang checklist. Ituring itong isang maganda at maluwalhating bahagi ng iyong walang-hanggang paglalakbay upang lumapit kay Cristo at tanggapin ang pinakadakilang mga espirituwal na pagpapala ng Diyos.
Bakit kailangan kong magkaroon ng temple recommend bago ako makapasok sa templo? Ang templo ay ang bahay ng Panginoon, at itinakda Niya ang mga pamantayan sa pagpasok dito. Ang mga ordenansa at tipan sa templo ay napakasagrado kaya kailangan ng mga ito ng espesyal na espirituwal na paghahanda. Ang interbiyu para sa temple recommend ay nilayong matiyak na ikaw ay espirituwal na handa para sa mas matataas na pribilehiyo ng mga tipan sa templo. Inaanyayahan ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang anak na maghandang gumawa ng mga pangako sa Kanya sa Kanyang banal na bahay.
Kailangan ko bang maging perpekto para gumawa ng mga tipan sa templo? Walang perpekto. Hinihiling sa iyo ng Diyos na maging tapat at handang sundin ang Kanyang mga kautusan. Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos ang nagbibigay sa iyo ng kapangyarihang maging perpekto sa pamamagitan ni Jesucristo. Siya ang iyong lakas!
Tingnan sa Isaias 2:2–3 (Itinuturo sa atin ng Diyos ang Kanyang mga pamamaraan sa templo); Mateo 11:28–30 (pasanin sa ating sarili ang pamatok ng Tagapagligtas); 1 Nephi 14:14 (ang kapangyarihan ng Diyos ay napasa mga pinagtipanang tao Niya); Doktrina at mga Tipan 97:15–16 (ang presensiya ng Diyos at ang Kanyang kaluwalhatian ay nasa bahay Niya); 109:22 (sa templo, matatanggap natin ang kapangyarihan ng Diyos); 131:1–4; 132:4–6, 15–20 (para matanggap ang buhay na walang hanggang, dapat mabuklod ang isang lalaki at isang babae sa kawalang-hanggan sa pamamagitan ng bago at walang katapusang tipan ng kasal); Abraham 1:2 (nais ni Abraham na maging mas dakilang tagasunod ng katuwiran at makatanggap ng mas dakilang kaalaman).
Tanong para sa Temple Recommend
-
Itinuturing mo bang karapat-dapat ang iyong sarili na makapasok sa bahay ng Panginoon at makilahok sa mga ordenansa sa templo?