Gumawa ng mga inspiradong pagpili
Sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, matatagpuan mo ang mga turo ni Jesucristo at ng Kanyang mga propeta. Gamit ang mga katotohanang ito bilang gabay mo, makagagawa ka ng mga inspiradong pagpili na magpapala sa iyo ngayon at sa buong kawalang-hanggan.
Ikaw ay isang minamahal na espiritung anak ng Diyos. Ginagawang posible ng Kanyang dakilang plano ng kaligayahan na lumago ka sa espirituwal at umunlad ang iyong banal na potensiyal. Isinugo Niya si Jesucristo para maging Tagapagligtas mo.
Nagtitiwala sa iyo ang iyong Ama sa Langit. Binigyan ka Niya ng malalaking pagpapala, kabilang na ang kabuuan ng ebanghelyo at mga sagradong ordenansa at tipan na nagbibigkis sa iyo sa Kanya at naghahatid ng Kanyang kapangyarihan sa iyong buhay. Kaakibat ng mga tipang ito ang dagdag na kagalakan at responsibilidad. Alam Niya na makagagawa ka ng kaibhan sa mundo, at kakailanganin, sa maraming sitwasyon, na maiba ka sa mundo. Hingin ang patnubay ng iyong Ama sa Langit sa paggawa mo ng mga pagpili. Bibiyayaan ka Niya ng inspirasyon sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Si Jesucristo ang daan tungo sa walang-hanggang kagalakan. Kapag ginamit mo ang iyong kalayaan na piliing sumunod kay Jesucristo, ikaw ay nasa landas na patungo sa walang-hanggang kaligayahan. Gawin mong pamantayan si Jesucristo, ang iyong matibay na pundasyon. Patatagin ang iyong buhay sa Kanyang mga turo, at suriin ang iyong mga desisyon ayon sa mga ito. Ang mga tipang ginagawa mo sa binyag, sa oras ng sakramento, at sa templo ang mga magpapatatag sa iyong matibay na pundasyon kay Cristo. Mahaharap ka pa rin sa mga paghihirap at tukso, pero tutulungan ka ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas na malampasan ang lahat ng ito.
Ang layunin ng Para sa Lakas ng mga Kabataan ay hindi para sagutin ka ng “oo” o “hindi” tungkol sa bawat posibleng pagpili na maaari mong kaharapin. Sa halip, inaanyayahan ka ng Panginoon na mamuhay sa isang mas mataas at mas banal na paraan—isang buhay na nakatuon sa mga walang-hanggang katotohanan at sa mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon. Ito ang Kanyang paraan. Tuturuan ka ng gabay na ito tungkol sa Kanyang paraan. Ipinaliliwanag nito ang mga katotohanang inihayag Niya. Gawin mong gabay ang mga katotohanang ito sa paggawa ng mga pagpili—malalaking pagpili, tulad ng paggawa ng mga tipan sa templo at pagmimisyon, gayundin sa araw-araw na mga pagpili, tulad ng kung paano tratuhin ang mga tao o paano gugulin ang iyong oras o panahon.
Bagama’t matutulungan ka ng iba, ang iyong espirituwal na paglago ay personal. Ito ay responsibilidad mo. Gawin ang lahat ng iyong makakaya para magpakabuti sa bawat araw, sundin ang mga utos ng Diyos at tuparin ang iyong mga tipan, at tulungan ang iba na mas mapalapit sa Tagapagligtas.
Tingnan sa Mosias 4:29–30 (hindi mabilang ang mga paraan para magkasala, kaya kailangan nating bantayan ang ating sarili); Helaman 5:12 (patatagin ang iyong pundasyon kay Cristo); Doktrina at mga Tipan 45:57 (gawin mong gabay ang Banal na Espiritu); 25:13 (ibigkis ang iyong sarili sa mga tipan).
Paano inorganisa ang gabay na ito
Bawat paksa ay may tatlong bahagi:
-
Mga walang-hanggang katotohanan, o doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo
-
Mga paanyaya na kumilos ayon sa mga katotohanang iyon
-
Mga ipinangakong pagpapala na ibinibigay ng Panginoon sa mga taong namumuhay ayon sa Kanyang mga turo