1.
Ang Plano ng Diyos ay para sa iyo
Bago ka dumating sa mundo, nabuhay ka sa piling ng iyong mga magulang sa langit. Ikaw ay kanilang pinakamamahal na anak. Sa langit, nalaman mo ang tungkol sa plano ng Diyos para sa Kanyang pamilya. Masaya mong tinanggap ang planong ito dahil tutulungan ka nitong umunlad at lumago upang maging higit na katulad ng Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap ng pisikal na katawan, pagiging bahagi ng isang pamilya sa lupa, at pagdanas ng buhay sa mundo. Ang ilan sa mga karanasang ito ay magiging mahirap. Alam ito ng ating Ama, kaya bilang bahagi ng Kanyang plano, nagsugo Siya ng isang Tagapagligtas, si Jesucristo, upang tulungan ka. Tinatawag natin ito na plano ng kaligtasan o plano ng kaligayahan.
Mga Walang-Hanggang Katotohanan
Ang Ama sa Langit ang may-akda ng plano. Siya ang Ama ng iyong espiritu, at ikaw ay mahal Niya. Nais Niyang ibigay sa iyo ang Kanyang pinakadakilang pagpapala—ang buhay na walang hanggan kasama Niya. Sa madaling salita, nais Niyang maging higit kang katulad Niya at mamuhay nang masaya at maluwalhati katulad ng sa Kanya. Siya ay makapangyarihan at alam Niya ang lahat ng mga bagay. Mapagkakatiwalaan mo Siya, kahit kapag mahirap ang buhay.
Ginagawang posible ni Jesucristo ang plano. Bago nilikha ang mundo, pinili Siya ng Ama sa Langit na maging ating Tagapagligtas. Si Jesucristo ang tanging makapagbabalik sa iyo sa iyong Ama sa Langit. Kaya nga pinipili nating sumunod sa Kanya. Nakasalalay sa pagpiling iyan ang lahat ng bagay!
Ang kasal at pamilya ay mahalaga sa plano ng Diyos. Ikaw ay bahagi ng pamilya ng Diyos, at lahat ng Kanyang espiritung anak ay naparito sa lupa sa pamamagitan ng isang ina at isang ama. Nais ng Diyos na magkasamang umunlad ang Kanyang mga anak na babae at lalaki tungo sa walang-hanggang kasakdalan. Ang kalalakihan at kababaihan ay kapwa pantay na nag-aambag sa isang mapagmahal at nagkakaisang pagsasama ng mag-asawa. Ang buhay-pamilya rito sa lupa—kahit na sa lahat ng kakulangan nito—ay makapagbibigay ng malaking kagalakan. Ito ay nilayong tulungan kang maghanda para sa buhay na walang hanggan na kasama ang Diyos.
Mga Paanyaya
Magkaroon ng walang-hanggang pananaw. Tuwing nahaharap ka sa mga tukso, pagsubok, kabiguan, o mahihirap na pagpili, ipaalala sa iyong sarili ang plano ng Diyos. Tingnan kung paano makatutulong sa iyo ang mga walang-hanggang katotohanang alam mo tungkol sa Kanyang plano para makita mo ang mga hamon mo sa ibang pananaw.
Hanapin ang impluwensiya ng Diyos sa iyong buhay. Pansinin kung paano ka pinagpapala ng Diyos. Maaaring isa itong kabutihan mula sa isang tao, isang sandali ng kapayapaan, o isang sagot sa panalangin.
Piliing sundin ang plano ng Diyos. Alamin kung ano ang nais ipagawa sa iyo ng iyong Ama sa Langit. Hangarin ang Kanyang patnubay habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan, mga salita ng mga buhay na propeta, ang pagpapahayag sa mag-anak, at iyong patriarchal blessing. Tutulungan ka nitong maghandang maglingkod sa Panginoon, bilang missionary at sa buong buhay mo. Gawing mataas na priyoridad ang paglilingkod sa Panginoon, walang hanggang kasal, at pagpapalaki ng mga anak. Gawin ang iyong bahagi para magkaroon ng masayang pamilya ngayon sa pamamagitan ng pagsunod sa mga turo ni Jesucristo.
Mga Ipinangakong Pagpapala
Mahaharap mo ang mga pagsubok sa buhay nang may tapang at pag-asa kay Cristo. Dahil alam mo ang tungkol sa walang hanggang plano ng Diyos, mayroon kang mahalagang kasangkapan na makatutulong sa iyo sa mahihirap na panahon. Alam mo na ang buhay ay higit pa sa nangyayari sa pagitan ng pagsilang at kamatayan. Alam mo kung sino ka talaga, ano ang iyong layunin, at kung ano ang maaari mong kahinatnan sa tulong ng Tagapagligtas. Si Jesucristo ang iyong lakas!
Makatatanggap ka ng buhay na walang hanggan kapag sinunod mo si Jesucristo. Bibigyan ka Niya ng kapangyarihang maging higit na katulad Niya, bumalik sa iyong mga magulang sa langit, at mamuhay nang may kagalakan kasama ang iyong mga mahal sa buhay sa kawalang-hanggan. Magtiwala kay Jesucristo.
Mga Tanong at mga Sagot
Bakit napakahirap ng buhay kung minsan? Paano ako makahahanap ng lakas? Ang iyong mga karanasan sa buhay na ito—maging ang pinakamahihirap na bagay—ay maaaring para sa iyong ikabubuti. Matutulungan ka ng mga ito na umunlad at lumago kapag bumaling ka sa Tagapagligtas. Walang anumang bagay na pinagdaraanan mo na hindi nauunawaan ni Jesucristo dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Alam Niya talaga kung paano ka tutulungan. Ituon ang iyong buhay sa Kanya, at iaangat ka Niya nang higit sa lahat ng pag-aalinlangan at takot.
Kung minsan, ang ideya ng kaligayahan sa pamilya at pag-aasawa ay tila napakalayo. Paano ako magkakaroon ng kumpiyansa? Anuman ang iyong sitwasyon, huwag sukuan ang plano ng Ama sa Langit. Hindi ka Niya kailanman susukuan. Kung tapat ka sa Tagapagligtas at sa iyong mga tipan, makahahanap ka ng mga sagot sa mga turo ni Jesucristo. Nauunawaan Niya ang lahat ng nararanasan mo. Sa pamamagitan Niya, magtatamo ka ng lakas na sundin ang mga utos ng Diyos at tanggapin ang mga pagpapalang ipinapangako Niya. Magtiwala sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo.
Tingnan sa 2 Nephi 9:13 (kaydakila ng plano ng ating Diyos!); Mosias 2:41 (ang mga sumusunod sa mga kautusan ay maaaring manahang kasama ng Diyos sa isang kalagayan ng walang katapusang kaligayahan); Alma 12:28–34 (Ipinaalam ng Diyos sa Kanyang mga anak ang plano ng pagtubos); Abraham 3:22–26 (Kabilang sa plano ng Diyos ang pagpapadala sa atin sa daigidig, kung saan maaari nating piliin para sa ating sarili na sundin ang Kanyang mga kautusan).
Tanong para sa Temple Recommend
-
May pananampalataya at patotoo ka ba sa Diyos Amang Walang Hanggan; sa Kanyang Anak na si Jesucristo; at sa Espiritu Santo?