9.
Ikaw ay pinagpapala ng mga susi at awtoridad ng priesthood
Mateo 16:18–19
Nang ituro ni Jesus kay Pedro ang tungkol sa awtoridad ng priesthood, nagsalita Siya tungkol sa mga susi. Ang mga susi ay ginagamit upang i-unlock at buksan ang mga bagay-bagay. Mabubuksan ng mga susi ng priesthood ang kapangyarihan, mga kaloob, at pagpapala ng Diyos sa iyong buhay.
Mga Walang-Hanggang Katotohanan
Lahat ng susi at awtoridad ng priesthood ay dumarating sa pamamagitan ni Jesucristo. Matutunton ng bawat priesthood holder ang kanyang awtoridad pabalik sa Kanya. Ang Tagapagligtas ang nagpapasiya kung sino ang tumatanggap ng awtoridad na ito at kung sino ang tumatanggap ng mga susi ng priesthood. Nagtitiwala tayo sa Kanyang perpektong kaalaman.
Ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang priesthood sa ating panahon. Pinamamahalaan Niya kung paano gagamitin ang priesthood. Sina Adan, Moises, Pedro, at marami pang ibang propeta sa buong kasaysayan ay tumanggap ng mga susi ng priesthood. Sa ating panahon, natanggap ni Joseph Smith ang mga susi ng priesthood mula kina Juan Bautista, Pedro, Moises, Elias, Elijah, at iba pa. Taglay ngayon ng lahat ng miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang lahat ng mga susing ito ng priesthood na nasa lupa ngayon. Hawak din ng mga lokal na priesthood leader at mga pangulo ng korum ang mga susi ng priesthood para sa kanilang mga tungkulin. Pinamamahalaan ng mga susi ng priesthood ang gawain ng Diyos. Pinahihintulutan at binibigyan ng lakas ng mga ito ang kalalakihan at kababaihan na tumulong sa gawaing iyon.
Pinagpapala ng awtoridad ng priesthood ang lahat ng anak ng Diyos. Dahil ipinanumbalik ang priesthood, maaari kang tumanggap ng mga ordenansa at makipagtipan sa Diyos. Maaari kang kumilos sa pangalan ng Diyos kapag tumanggap ka ng assignment o tungkulin mula sa isang taong may awtoridad.
Mga Paanyaya
Tanggapin ang mga tungkulin sa Simbahan at maglingkod nang tapat. Kapag tumatanggap ka ng tungkulin sa Simbahan, ikaw ay itinatalaga nang may awtoridad mula sa Diyos na maglingkod sa tungkuling iyon. Maaari ka ring tumanggap ng patnubay mula sa Diyos para sa iyong paglilingkod. Habang naglilingkod ka, kumakatawan ka kay Jesucristo. Ibigay mo sa Kanya ang lahat ng makakaya mo.
Sang-ayunan ang mga tinawag ng Diyos na maglingkod. Ang ibig sabihin ng sang-ayunan ay higit pa sa pagtataas ng iyong kamay kapag binasa ang isang pangalan sa isang miting ng Simbahan. Ang ibig sabihin nito ay sumuporta at tumulong. Maghanap ng mga paraan para maipakita na sinasang-ayunan mo ang mga taong tinawag ni Jesucristo na maglingkod sa Kanyang Simbahan.
Gampanan ang mga assignment mula sa iyong mga lider sa Simbahan—kabilang na ang iyong quorum o class presidency. Sila ay may awtoridad mula sa Diyos, na iginawad nila sa iyo para sa assignment na iyon. Maaari kang atasan na mag-minister sa isang tao, i-welcome ang mga tao pagdating nila sa sacrament meeting, o tumulong sa isang aktibidad. Anuman ang tungkulin, ituring itong oportunidad na maging disipulo ni Jesucristo at paglingkuran ang mga anak ng Diyos.
Mga Ipinangakong Pagpapala
Maaari kang magtiwala na ang mga ordenansang natatanggap mo ay awtorisado ni Jesucristo. Isa ito sa mga bagay na nagpapaiba sa Simbahan ni Jesucristo. Sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood, ang kapangyarihan ng Diyos ay nakikita.
Ikaw ay magiging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon. Habang naglilingkod ka sa Panginoon nang may awtoridad Niya at sa ilalim ng direksiyon ng Kanyang mga lingkod na taglay ang mga susi ng priesthood, tutulungan ka Niya na malaman kung paano paglingkuran ang iba sa Kanyang gawain. Si Jesucristo ang iyong lakas. Ang iyong paglilingkod ay tutulong sa iyo na mas mapalapit sa Kanya at maghahatid sa iyo ng kagalakan.
Mga Tanong at mga Sagot
Sino sa aking ward ang mayhawak ng mga susi ng priesthood? Ang bishop at ang mga president ng mga korum ng mga elder, teacher, at deacon ang mayhawak ng mga susi ng priesthood. Ibig sabihin nito ay itinalaga sila ng Panginoon na pamahalaan kung paano ginagamit ang priesthood para paglingkuran at pagpalain ang lahat ng tao sa ward.
Paano ako pinagpapala ng mga susi ng priesthood? Ang mga ordenansang tulad ng binyag at sakramento ay pinahihintulutan ng mga susi ng priesthood. Kapag nakatanggap ka ng tungkulin sa Simbahan, ikaw ay itinatalaga sa ilalim ng pamamahala ng isang taong mayhawak ng mga susi. Pinagkakalooban ka nito ng awtoridad na maglingkod sa tungkuling iyon. Ang mga lider at mga guro ng Simbahan na naglilingkod sa iyo ay tumanggap din ng awtoridad ng priesthood sa pamamagitan ng mga susi.
Paano naglilingkod ang kalalakihan at kababaihan nang may awtoridad ng priesthood? Ang karapat-dapat na kalalakihan ay pinagkakalooban at inoorden sa mga office sa priesthood na katulad ng deacon, teacher, priest, at elder. Kapwa ang kababaihan at kalalakihan na itinalagang maglingkod sa isang tungkulin ay tumatanggap ng awtoridad ng priesthood mula sa Diyos para magampanan ang tungkuling iyon. Totoo rin ito sa kababaihan at kalalakihan na tumatanggap ng assignment mula sa isang lider ng Simbahan.
Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 35:24–27 (ang Simbahan ay pinamumunuan ng mga susi na ipinagkaloob ng Panginoon); 107:18–20 (ang mga susi ng Melchizedek Priesthood at Aaronic Priesthood); 110:11–16 (ipinanumbalik nina Moises, Elias, at Elijah ang mga susi).
Mga Tanong para sa Temple Recommend
-
Sinasang-ayunan mo ba ang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag at bilang nag-iisang tao sa mundo na nagtataglay at may karapatang gamitin ang lahat ng susi ng priesthood?
-
Sinasang-ayunan mo ba ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag?
-
Sinasang-ayunan mo ba ang iba pang mga General Authority at mga lokal na lider ng Simbahan?