7.
Natatanggap mo ang mga pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan
Sabik ang iyong Ama sa Langit na turuan at pagpalain ka. Ang isang paraan na ginagawa Niya ito ay sa pamamagitan ng mga ordenansang katulad ng binyag, kumpirmasyon, at sakramento. Sa pamamagitan ng mga ordenansang tulad nito, tayo ay nakikipagtipan, o nangangako, sa Diyos. Ang pagtupad sa mga tipan ay nagpapaibayo ng kapangyarihan ng Diyos sa iyong buhay at tumutulong sa iyo na maghanda para sa buhay na walang hanggan. Kaya mahalaga sa atin ang mga ordenansa at tipan—dahil pinalalakas nito ang ating ugnayan sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas at tinutulungan tayong maging higit na katulad Nila.
Mga Walang-Hanggang Katotohanan
Itinuturo ka ng mga ordenansa kay Jesucristo. Ang ordenansa ay isang sagradong seremonya na may simbolikong kahulugan na nagtuturo tungkol kay Jesucristo. Halimbawa, ang sakramento ay hindi lamang tinapay at tubig. Ipinapaalala nito sa atin ang Tagapagligtas.
Ang mga tipan ay tanda ng pagmamahal, tiwala, at inaasahan ng Diyos. Dadalhin ng mga ito ang iyong ugnayan sa Diyos sa mas malalim na antas. Ang paggawa ng tipan ay nagpapakita na mahal mo ang Diyos at tapat ka sa Kanya. Mapagkakatiwalaan mo Siya, at mapagkakatiwalaan ka Niya. Dahil sa mas malalim na katapatang iyan, mas matatanggap mo ang Kanyang kapangyarihan at tulong kapag tinutupad mo ang iyong mga tipan.
Nakikipagtipan ka sa Diyos kapag ikaw ay bininyagan at kinumpirma at kapag tumatanggap ka ng sakramento. Kapag bininyagan ka, nangangako kang tataglayin sa iyong sarili ang pangalan ni Jesucristo, paglilingkuran Siya, at susundin ang Kanyang mga kautusan habambuhay. Sa oras ng sakramento, nangangako ka rin na lagi Siyang aalalahanin. Ang mga ito ang mga pangako mo. Kapag handa kang tuparin ang mga ito, nangangako ang Diyos na ibibigay sa iyo ang Espiritu Santo bilang kasama sa tuwina.
Mga Paanyaya
Tratuhin ang sakramento na parang sagradong kaloob. Ipakita ang iyong katapatan kay Jesucristo sa pamamagitan ng paghahanda para sa isang sagradong karanasan sa oras ng sakramento. Pagnilayan kung ano ang magagawa mo para maging espirituwal na highlight ng iyong linggo ang ordenansang ito.
Hanapin ang Tagapagligtas sa mga ordenansa. Kapag nanonood o nakikibahagi ka sa isang ordenansa, itanong sa iyong sarili, “Ano ang natututuhan ko mula rito tungkol kay Jesucristo?” o “Paano ako mas inilalapit nito sa Kanya?” Bigyang-pansin ang itinuturo sa iyo ng Espiritu.
Hayaang gabayan ng iyong mga tipan ang mga kilos mo. Kapag kailangan mong pumili, alalahanin ang iyong pakikipagtipan sa Diyos. Maging tapat sa Kanya. Itanong sa iyong sarili: Nakaayon ba ito sa aking mga tipan? Halimbawa, aking bang minamahal at pinaglilingkuran ang iba, inaalo ang mga taong nangangailangan ng pag-alo, at tumatayo bilang saksi ni Cristo—saanman at sa tuwina?
Mga Ipinangakong Pagpapala
Maaari kang magkaroon ng kapangyarihang daigin ang tukso, kasalanan, at mga pagsubok sa buhay. Natatanggap mo ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad sa mga tipan. Sa kapangyarihang iyan, mahaharap mo ang anumang bagay nang may kumpiyansa. Si Jesucristo ang iyong lakas!
Maaari kang maging malinis at mapatawad. Bahagi ng pangako ng Diyos sa iyo sa pagtupad sa iyong tipan sa binyag ang kapatawaran ng iyong mga kasalanan. Ibig sabihin, kapag ikaw ay nagsisi at tinupad ang iyong mga pangako sa Diyos, patatawarin ka Niya at tutulungan kang magpakabuti.
Maaaring mapasaiyo palagi ang Espiritu Santo. Ang isa pang pangakong may kaugnayan sa binyag at sakramento ay ang pagsama sa tuwina ng Kanyang Espiritu at ang paglilingkod ng mga anghel. Hindi mo kailangang harapin nang mag-isa ang iyong mga hamon. Hindi kailanman tinalilikuran ng Diyos ang Kanyang mga pinagtipanang anak—maaasahan mo iyan.
Maaaring mapasaiyo ang suporta ng pinagtipanang mga tao ng Diyos. Kabilang ka sa isang komunidad ng pinagtipanang mga tao sa Simbahan ng Tagapagligtas. Sinusuportahan at hinihikayat ninyo ang isa’t isa. Kayo ay magkasamang nagdadalamhati at magkasamang nagagalak. Dinadala ninyo ang mga pasanin ng isa’t isa. Narito ang iyong pamilya, bishop, mga lider, at iba pang mga miyembro ng Simbahan para tulungan ka, at matutulungan mo sila.
Mga Tanong at mga Sagot
Maaari ba akong maging mabuting tagasunod ni Jesucristo kung walang mga ordenansa at tipan? Maraming mabubuting tao na tapat na sumusunod kay Jesucristo, kahit hindi pa sila kailanman nabinyagan o nakapunta sa templo. Gayunman, nais ng Ama sa Langit na matanggap ng lahat ng Kanyang anak ang Kanyang mga ordenansa at makipagtipan sa Kanya upang mas makatanggap sila ng Kanyang tulong, awa, at lakas. Iyan ang isa sa mga pangunahing dahilan kaya ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan! Bawat anak ng Diyos ay magkakaroon ng pagkakataon—sa buhay na ito o sa kabilang-buhay—na tanggapin ang mga ordenansa at tipan na kailangan para sa buhay na walang hanggan.
Hindi ako palaging nagiging tapat sa aking mga tipan. May pag-asa pa ba ako? Oo! Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang ebanghelyo ng pag-asa at pagsisimulang muli! Kaya nga tumatanggap tayo ng sakramento bawat linggo. Alam ng Ama sa Langit na magkakamali tayo at kakailangan natin ng sariwang simula. Inialay ng Tagapagligtas ang Kanyang buhay para bigyan ka ng daan pabalik. Kapag nanampalataya ka kay Jesucristo at nagsisi, makakamtan mong muli ang kapangyarihan ng Diyos.
Tingnan sa 1 Corinto 11:23–26 (ipinapakita ng pagtanggap ng sakramento na tayo ay naniniwala kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala); Mosias 18:10, 13 (ang tipan ng binyag); Doktrina at mga Tipan 13 (kabilang sa Aaronic Priesthood ang mga susi ng pagsisisi, binyag, at paglilingkod ng mga anghel); 20:37 (mga kinakailangan para sa binyag); 20:77, 79 (ang mga panalangin sa sakramento).
Tanong para sa Temple Recommend
-
Sinisikap mo bang panatilihing banal ang araw ng Sabbath, kapwa sa tahanan at sa simbahan; dumadalo sa iyong mga miting; naghahanda para sa at marapat na tumatanggap ng sakramento; at namumuhay nang naaayon sa mga batas at kautusan ng ebanghelyo?