4.
Tutulungan ka ni Jesucristo
Mga Awit 147:3
Si Jesucristo ang iyong lakas. Ginawa na Niya ang lahat ng kailangan para magalak ka sa buhay na ito at magpakailanman. Sa pagpili sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo, pinipili mo ang walang-hanggang kaligayahan at kagalakan.
Kahit sikapin mong gawin ang lahat ng iyong makakaya para makagawa ng mabubuting pagpili, kung minsan ay magkakamali ka. Gagawin mo ang mga bagay na iisipin mo sana ay hindi mo nagawa. Ginagawa iyan ng lahat. Kapag nangyari ito, madaling panghinaan ng loob o mag-isip kung magiging sapat ba ang kabutihan mo. Pero narito ang magandang balita—napakaganda at kaasam-asam na balita! Dahil mahal ka ng Diyos, isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo na umako sa iyong mga kasalanan upang ikaw ay makapagsisi, mapatawad, at patuloy na umunlad.
Mga Walang-Hanggang Katotohanan
Palalakasin ka ni Jesucristo. Tutulungan ka Niya na baguhin ang iyong mga hangarin, iniisip, at ginagawa. Kapag kayo ay nag-aalala, natatakot, o nahihirapan sa anumang paraan, papanatagin Niya kayo. Tutulungan Niya kayo sa lahat ng aspekto ng inyong buhay. Siya ay mapagkakatiwalaan mo.
Ang pagsisisi ay hindi kaparusahan sa kasalanan; ito ang paraan na pinalalaya tayo ng Tagapagligtas mula sa kasalanan. Ang ibig sabihin ng magsisi ay magbago—tumalikod sa kasalanan at lumapit sa Diyos. Ang ibig sabihin nito ay magpakabuti at tumanggap ng kapatawaran. Ang ganitong uri ng pagbabago ay hindi minsanang pangyayari; ito ay patuloy na proseso.
Mga Paanyaya
Gawing pokus ng iyong buhay si Jesucristo. Hingin ang Kanyang tulong sa lahat ng iyong ginagawa.
Magsisi. Lumapit sa Panginoon nang may hangaring magpakabuti. Kapag may nagawa kang mali, tapat na aminin ito sa harap ng Diyos at, kung kinakailangan, sa iyong bishop at sa sinumang maaaring nasaktan mo. Gawin ang lahat ng iyong makakaya para itama ang mga bagay-bagay.
Magalak sa kaloob na magpakabuti at maging mas mabuti. Kahit hindi ito madali at mas matagal gawin kaysa gusto mo, huwag tumigil kailanman sa pagsisikap. Patuloy na magsikap at magtiwala sa Panginoon. Tutulungan ka ng Tagapagligtas sa bawat hakbang.
Mga Ipinangakong Pagpapala
Patatawarin at pagagalingin ka ng Ama sa Langit kapag ikaw ay nagsisisi. Papalitan Niya ng kapayapaan at kagalakan ang iyong pagkakasala. Hindi na Niya maaalala pa ang iyong mga kasalanan. Si Jesucristo ang iyong lakas, at sa Kanyang lakas, madaragdagan ang hangarin mong sundin ang Kanyang mga kautusan.
Babaguhin Niya ang iyong puso at buhay. Unti-unti, ikaw ay lalago at magiging lalong katulad Niya.
Mga Tanong at mga Sagot
Paano ko malalaman kung napatawad na ako ng Diyos? Nangangako ang Diyos na patatawarin Niya ang mga nagsisisi. Kapag nadarama mo ang kapanatagan mula sa Espiritu, malalaman mo na gumagana ang mapagtubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas sa iyong buhay.
Kailan ko kailangan ang tulong ng bishop para makapagsisi? Nasa bishop mo ang mga susi ng priesthood at ang mga espirituwal na kaloob na tutulong sa iyong magsisi. Maaari kang humingi ng tulong at payo sa kanya anumang oras. Kung nakagawa ka ng mabibigat na pagkakamali, tulad ng paglabag sa batas ng kalinisang-puri, kausapin ang bishop mo. Hindi ka niya huhusgahan. Siya ay isang kinatawan ni Jesucristo at tutulungan kang malaman kung paano lubos na magsisi at tanggapin ang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan ng Tagapagligtas.
Sinisikap kong magsisi, pero paulit-ulit kong nagagawa ang pagkakamali. Ano ang dapat kong gawin? Huwag sumuko. Bumaling kay Cristo, at manampalataya sa Kanya. Ang Kanyang biyaya ay sapat. Subukang muli. Hindi ka nag-iisa kailanman sa mga pagsisikap mong umunlad. Palagi mong kasama si Jesucristo.
Tingnan sa Enos 1:6 (maaaring mapawi ang pagkakasala); Mosias 4:3 (sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ipinapaalam sa iyo ng Diyos na pinatatawad ka na); 26:30 (nagpapatawad ang Tagapagligtas nang kasindalas ng ating pagsisisi); Eter 12:27 (ang biyaya ng Tagapagligtas ay magagawang malakas ang mahihinang bagay); Moroni 6:8 (ang mga nagsisisi ay pinatatawad); 10:32 (maging sakdal kay Cristo); Doktrina at mga Tipan 1:32 (pinatatawad ng Panginoon ang mga nagsisisi); 58:42–43 (kasama sa pagsisisi ang pagtatapat at pagtalikod sa kasalanan).
Mga Tanong para sa Temple Recommend
-
May patotoo ka ba sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa Kanyang papel na ginagampanan bilang iyong Tagapagligtas at Manunubos?
-
May mabibigat na kasalanan ba sa iyong buhay na kailangang iresolba sa mga awtoridad ng priesthood bilang bahagi ng iyong pagsisisi?