Digital Lamang: Mga Sagot mula sa Isang Apostol
Ano ang Ibig Sabihin ng Pagtuturo sa Pamamagitan ng Espiritu?
Maaari tayong magturo para gustuhin ng mga tao na gawin ang mga bagay na magpapadama sa kanila ng Espiritu Santo habambuhay.
Mula sa isang mensaheng ibinigay sa isang seminar para sa mga bagong mission president noong Hunyo 20, 1996
Ilang taon na ang nakararaan pinagpala kami ng aking minamahal na si Kathleen na makasama sa isang appointment kung saan dalawang bata pang missionary ang nagtuturo sa isang lalaki sa bahay ng kanyang kapitbahay. Itinanong nila kung ano ang nadarama ng lalaki nang turuan nila siya. Halos hindi na nila kinailangang magtanong dahil alam nila na nadama ng lahat ng nasa silid ang kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Hiniling ng ward mission leader sa lalaki na magtakda ng petsa ng binyag. Tumanggi nang kaunti ang lalaki, kaya sinubukan ng ilan sa amin na tumulong. Pinag-usapan namin kung ano ang ibig sabihin ng makasama ang Espiritu Santo. Itinanong niya kung ano iyon, at sinabi namin na ito ay ang palagi Siyang madama.
Siguro dahil isa siyang inhinyero, gusto niyang malaman kung ano ang ibig sabihin ng “palagi.” Sabi niya, “Ganito ba ang pakiramdam ninyo sa lahat ng oras?” At basbasan ang puso ng aking minamahal dahil sumagot siya ng “Hindi. Ang buhay ay buhay, at may mga pagkakataon na ganito ang nadarama mo, pero hindi palagi.” Nagustuhan niya iyon dahil alam niyang ito ay tapat.
Naging malinaw na ang dahilan kung bakit tumanggi siya nang kaunti sa pagtatakda ng petsa ng binyag ay dahil sinabi sa kanya ng Espiritu Santo kung ano talaga ang ibig sabihin niyon, at hindi siya sigurado kung kaya niyang gawin ang mabigat na pangakong iyon. Hiniling namin sa kanya na ipakita sa Panginoon na may pananampalataya siya.
Bininyagan siya ng kanyang kapitbahay at ako ang naggawad ng kaloob na Espiritu Santo sa kanya.
Ang Aking Mithiin sa Pagtuturo sa Pamamagitan ng Espiritu
Kapag nagtuturo ako, hindi ko iniisip kung ano ang magagawa ko para madama ang Espiritu, ni kung ano ang magagawa ng iba para madama ang Espiritu. Ang mithiin ko ay madama ito ng mga tao at gustuhin nila ito nang husto na babalik sila nang paulit-ulit at matuturuan sila ng Espiritu habang sila ay nabubuhay.
Hindi lang ako nagtuturo sa inyo o kaya’y binibigyan kayo ng damdamin na maaaring mapasainyo ang Banal na Espiritu sa sandaling ito, ni hindi ito isang damdamin lamang. Ito ay isang karanasan sa Espiritu Santo. Pagkatapos ay nais kong gawin ninyo ang mga bagay na magpapahintulot sa inyo na maranasan iyon habambuhay.
Alam ko na kung gagawin ng kaibigan kong inhinyero ang ginagawa niya, magkakaroon siya ng liwanag na unti-unting idaragdag sa kanya. Hindi ito isang sandali, ni hindi lamang siya naitatatag sa Simbahan; ito ay walang hanggan.
Isang Proseso, Hindi Isang Kaganapan
Ito ay isang proseso, hindi isang kaganapan, hindi isang biglaang damdamin. Kapag nagpapatotoo ang Espiritu Santo sa isang tao tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo, humahantong iyan sa pagsunod. At ang pagsunod ay humahantong sa pagbabalik-loob, ang malaking pagbabago—lahat ng ito ay gawain ng Espiritu Santo.
Ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo lalo na tungkol sa Ama at sa Anak na si Jesucristo, at sa planong mayroon Sila para sa atin. Kapag dumating ang patotoong iyan, humahantong ito sa hangaring sundin ang Kanilang kalooban. At kapag ang isang tao ay umaayon at sumusunod, dahil sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, gumaganap ang Espiritu Santo ng isa pang gawain: ito ay naglilinis at nagpapabanal.
Mithiin ko na magustuhan ninyong gawin ang isang bagay upang maging masunurin, dahil alam ko na kapag ginawa ninyo ito, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay magiging mabisa sa inyong buhay at makikita ninyo ang malaking pagbabagong nagaganap at kayo ay magiging ang taong nais ninyong kahinatnan.
Panatilihin Itong simple.
Habang nagtuturo at nagpatotoo kayo, panatilihin itong simple. Hindi kailangan ng Espiritu Santo ng maraming tulong—mabulaklak na pananalita at maging ng mga kuwentong nakakaantig. Sadya kong hindi isinama ang ilan sa mga pinaka-nakakaantig na bahagi ng karanasan ko sa misyon dahil ayaw kong maging masyadong madetalye. Hindi ko gusto na maging emosyonal lang kayo. Gusto kong sabihin lang sa inyo ang totoo sa abot-kaya ko. Iyan ang ibig kong sabihin sa panatilihing simple ang mensahe.
Ang Espiritu Santo ay tagapagpatotoo sa katotohanan. Kaya kung magsasalita kayo ng katotohanan nang malinaw at simple, malamang na magpatotoo ang Espiritu Santo sa puso ng taong kausap ninyo. Ngayon, may ilang bagay na mas malamang na magpapatotoo Siya. Kaya magwawakas ako sa gayong paraan.
Ang Aking Patotoo
Kilala ko ang Diyos Ama. Mula noong ako ay bata pa, kilala at mahal ko na Siya, at alam kong mahal Niya ako, at mahal Niya kayo.
Alam ko na si Jesus ang Cristo dahil nadama kong nililinis ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ang buhay ko.
Alam ko na ang Espiritu Santo ay maaaring makasama dahil nakakasama ko Siya. Alam ko na kung minsan ay madarama ninyo ang pag-aalab sa dibdib na kasing totoo ng anumang pisikal na damdamin na madarama ninyo. Sa ibang mga pagkakataon, nalaman ko na dumating sa akin ang mga ideya, damdamin, inspirasyon, babala. Alam ko na ang Espiritu Santo ay totoo at nangungusap sa akin at sinisikap Niyang kausapin kayo.
Alam ko na kapag sinusunod natin ang mga pahiwatig na iyon, posible ang malaking pagbabago para sa inyo at sa akin, para sa bawat tao, dahil si Jesus, ang Cristo, ay nagbayad para sa mga kasalanan ng bawat taong makikilala ninyo at mahal Niya sila at naghanda Siya ng daan. Kung malalaman lang nila ang katotohanan at susunod sila, maaari silang magkaroon ng “kapayapaan sa [buhay na ito] at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” (Doktrina at mga Tipan 59:23). Ialok ito sa mga anak ng ating Ama sa Langit.