2025
Paano Kung Nahihirapan Akong Pigilan ang Aking Pagmamataas o Galit?
Para sa Lakas ng mga Kabataan Agosto 2025


Paano Kung Nahihirapan Akong Pigilan ang Aking Pagmamataas o Galit?

binatilyo

Madali akong magalit. Nakarinig na ako ng maraming mensahe sa kumperensya tungkol sa galit at natutuhan ko na kapag galit tayo, madalas ay mapagmataas tayo. At ang pagmamataas ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya ang galit ay isang hamon na pinipilit kong malampasan.

Sinabi sa akin ng isang seminary teacher na para madaig ang galit, maaari kong subukang palitan ito ng katangiang tulad ng kay Cristo. Nagpasiya akong subukang palitan ang galit ko ng kakayahang magpatawad.

Sa seminary class ko, inihagis ng isa sa mga kaklase ko ang ilang aklat ng banal na kasulatan sa binti ko. Nagalit ako at sinigawan ko siya. Pero naalala ko ang pagpapatawad na tulad ng kay Cristo. Nang matapos ang klase, pinuntahan ko siya at humingi ng tawad sa pagsigaw ko sa kanya. Pinatawad ko siya, at siya naman ay humingi rin ng tawad.

Habang bumabaling ako kay Cristo para makapagpatawad, nakita ko ang pagbabago ko. Sinusubukan kong tingnan ang mga bagay na may walang hanggang pananaw sa halip na magalit. Kapag nakatuon ako kay Cristo at dumadalo sa seminary, pinatitibay nito ang aking patotoo tungkol sa Kanya, at natutulungan ko rin ang iba na palakasin ang sarili nilang patotoo.

Ni Emmanuel B., edad 13, Cross River State, Nigeria

Mahilig sa drowing at paggawa ng mga bagay gamit ang kanyang mga kamay.