2025
“Oy, Ikaw si Matteo, Mormon Ka, Tama?”
Para sa Lakas ng mga Kabataan Agosto 2025


Digital Lamang: Mga Tinig ng Kabataan

“Oy, Ikaw si Matteo, Mormon Ka, Tama?”

Ang plano kong makipagkaibigan at makisama kaagad sa bago kong boarding school ay umaayon sa inaasahan ko—hanggang sa unang Linggo ng umaga nang magmadali akong pumasok sa dining hall na nakasuot ng Amerikana at kurbata para kumuha ng pagkaing mabilis ubusin bago magsimba. Parang tahimik ang silid habang ang mga kabarkada ko, na nakasuot pa rin ng kanilang pajama, ay tumigil sa pagkain at tumitig sa akin na pupungas-pungas pa. Agad kong natanto na ako lang ang aktibong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa paaralan.

Inutusan ng Panginoon ang mga miyembro ng Simbahan: “Bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa” (Doktrina at mga Tipan 115:5).

“Hindi Kayo Kumakain ng mga Orange?”

Wala pa akong nasasabi, mabilis na kumalat ang balita tungkol sa aking relihiyon. Nagsimula akong makatanggap ng mga tanong araw-araw tungkol sa aking pananampalataya, na karaniwang nagsimula sa “Oy, Ikaw si Matteo, Mormon ka, tama?” Karamihan ay totoong mga tanong, ang ilan ay nakakabigla, ang iba ay malisyoso, at ang ilan ay masasabing nakakatawa.

Taos-puso akong tinanong ng isang kaibigan, “Hindi ba totoo na hindi kayo kumakain ng mga orange?” kung saan ay pabiro akong sumagot ng, “Oo, ang mga orange ay mula sa diyablo.” Habang pareho kaming nagtatawanan, natanto ko na gumaan ang una niyang pangamba, at nakadama kami ng mas matibay na koneksyon bilang magkaibigan.

Isang Panganib sa Halloween

Dahil hindi ko matatakasan ang bagong kasikatan ko, nagpasiya akong lumikha ng mga oportunidad na magdaragdag ng katuwaan sa mga maaaring maging hindi komportableng usapan. Sinamantala ko ang pagkakataon at nagbihis bilang missionary na may suot na nametag para sa Halloween (isang pista-opisyal ng kasuotan tuwing Oktubre). Alam ko na mapanganib ito dahil maaari akong kutyain, pero nadama kong ang paggawa nito ay magpapakita na sigurado ako sa aking mga paniniwala.

Naging sulit ang pakikipagsapalaran ko. Ang paglalakad sa paligid ng kampus bilang missionary ay nagpangiti sa lahat at nagbigay-sigla sa mga sesyon ng pagdudula-dulaan. Nabasag ko ang ilang stereotype at nagkaroon ako ng ilang bagong kaibigan.

Mula sa Pagkutya Tungo sa Paghingi ng Payo

Pagkatapos ng Halloween, nagbago ang saloobin ng mga tao sa akin, at ang mga tanong tungkol sa aking pananampalataya ay naging mga kabarkada na humihingi sa akin ng payo tungkol sa sarili nilang buhay. Ang mga kaibigan at kakilala ko na nagulat sa una na malaman na hindi ako umiinom ng alak, hindi naninigarilyo, at naghihintay ako ng kasal bago makipagtalik, ay lumalapit na sa akin para sa gabay sa mga paksang iyon.

Natagpuan ko ang sarili ko na tinitiyak sa mga kaibigan na napipilitang makipagtalik na may kapangyarihan silang pumili, hinihikayat ang ilan na pumunta sa school counselor para pag-usapan ang mga problema sa kalusugan ng pag-iisip at adiksyon, at pinapanatag din ang isang taong nakagawa ng pagkakamali na malamang na humantong sa pagpapatalsik sa paaralan. Namamangha ako sa paraan ng pagbabago ng pakikitungo ng marami sa mga kaedad ko na sa una ay nangutya sa akin at sa huli ay humihingi na ng payo sa akin.

Sa paglipas ng panahon, naunawaan ko na ang pagkakaroon ng lubos na kumpiyansa, pagiging bukas, at pagiging handa sa pangungutya ang naglapit sa akin sa mga naghahanap ng taong hindi manghuhusga at makikinig sa kanila.

Dalawang Aral

Nagpapasalamat ako sa dalawa sa maraming mahahalagang aral na natutuhan ko sa taon na iyon. Ang una ay na ang malusog na pagtawa ay maaaring pumawi ng pangamba at maaalis nito ang pagtatalo at napakainam na paraan para magkaisa ang mga tao. Ang pangalawa ay ang pagpiling magtiwala sa kung sino kayo ay naghahatid ng pambihirang pagkakataong tulungan ang iba na hindi kailanman darating sa ibang paraan.

Maraming beses na gusto kong itago ang aking relihiyon at nais kong makilala ako sa iba pang bagay. Pero ang pagiging palabiro at ang pagiging handa sa pangungutya ang naging daan para makilala ako ng mga tao bilang si Matteo, at hindi lamang bilang isang taong may ibang mga paniniwala.

binatilyo

Elder Matteo Huish, edad 18, Arizona, USA

Nasisiyahan sa spartan races, family game nights, at pagtatanghal ng musika.