2025
Ang Pagmamahal ay Nadarama at Ipinadarama
Para sa Lakas ng mga Kabataan Agosto 2025


Ang Pagmamahal ay Nadarama at Ipinadarama

Mahal ng Diyos si Shinnah, at mahal ni Shinnah ang Diyos.

dalagita

Alam ni Shinnah B. mula sa Nairobi, Kenya, na mahal siya ng Ama sa Langit. Pero nalaman niya ito ilang taon na ang nakalipas, nang una niyang marinig ang tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula sa kanyang tiyahin.

“Itinuro sa akin ng mga missionary ang mga bagay na hindi ko alam. Itinuro nila sa akin na mahal ako ng Ama sa Langit, at kung paano manalangin,” sabi ni Shinnah. Matapos siyang mabinyagan, natulungan siya ng ilang karanasan na mas maunawaan ang pagmamahal ng Diyos para sa kanya. Ngayon ay sinisikap niyang ipakita ang kanyang pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

dalagita

Mga larawang-guhit ng Book of Lai

Pagmamahal ng Diyos para kay Shinnah

Tulong sa Pag-aaral

Nahihirapan si Shinnah sa pag-aaral. Isang araw kinausap niya ang kanyang Young Women president tungkol dito. “Sinabi niya sa akin na dapat akong bumaling sa Ama sa Langit, dahil tutulungan Niya ako,” sabi ni Shinnah. At tinulungan nga Niya siya! Matapos manalangin si Shinnah, nadama niya ang mga pahiwatig ng Espiritu tungkol sa mga bagay na maaari niyang baguhin. “Pagkatapos niyon, nakita ko na humusay ako.”

korona

Pagkaalam sa Kanyang Banal na Identidad

Gustung-gusto ni Shinnah ang unang linya ng tema ng Young Women: “Ako ay minamahal na anak na babae ng mga magulang sa langit, na may banal na katangian at walang hanggang tadhana.” Sabi niya, “Hindi mo kailangang madama na nag-iisa ka, dahil nasa tabi mo ang Ama sa Langit.”

Dalagita sa pulpito sa Simbahan

Lakas mula sa Kanyang Tungkulin

“Nang sumapi ako sa Simbahan, wala akong tiwala sa sarili na makipag-usap sa mga tao,” sabi ni Shinnah. “Nang bigyan ako ng tungkuling maglingkod bilang Young Women class president, laking gulat ko. Hindi pa ako naging lider noon. Kailangan kong magsanay na magsalita sa harap ng ibang tao at kung paano ibahagi ang aking patotoo. Isang araw tinawag ako ng bishop ko sa kanyang opisina. Sinabi niya na maraming nagmamahal sa akin at palalakasin ako ng Ama sa Langit sa lahat ng ginagawa ko.”

Ang Pagmamahal ni Shinnah sa Diyos

dalagita sa loob ng bus

Pagsisimba

Si Shinnah at ang kanyang mas batang kapatid na si Acram ay sumasakay ng bus at pagkatapos ay naglalakad papunta sa simbahan nang sila lamang bawat linggo. Kung minsan mahirap gumising nang maaga, pero alam nila na ito ang nais ng Ama sa Langit na gawin nila. “Nang mabinyagan ako, nagpasiya akong panatilihing banal ang araw ng Sabbath,” sabi ni Shinnah.

kalasag

Pagpili ng Tama

Sinikap ni Shinnah na sundin ang Tagapagligtas. “Bago ako sumapi sa Simbahan, hindi ko alam kung sino ako,” sabi niya. “Inimbita ako ng mga kaibigan na pumunta sa mga party, at hindi makakabuting pumunta sa mga lugar na iyon. At ngayon ipinasiya ko na huwag pumunta.”

dalagang yakap ang isang puso

Paglilingkod sa Kapwa

“Gusto kong tulungan ang mga taong nangangailangan ng tulong ko,” sabi ni Shinnah. “Matutulungan ko sila kapag nakakaramdam sila ng pag-iisa o dumadanas ng pagsubok. Ang ibig sabihin ng maging disipulo ni Jesucristo ay dapat kong sundin ang Kanyang mga utos, tularan ang Kanyang halimbawa, at maging halimbawa sa iba.”

Ang Pagpapala ng Ebanghelyo

Namumuhay si Shinnah sa gayong paraan dahil sa pagmamahal niya sa Ama sa Langit. “Gusto ng Diyos na maging ganoon ako,” sabi niya. “Nakilala ko kung sino ako. Nagpapasalamat ako na balang-araw makakabalik ako sa piling ng Ama sa Langit. Ang pagsapi sa Simbahan ay talagang nagpabago sa buhay ko.”