2025
Pera sa Palengke
Hulyo 2025


Pera sa Palengke

Naisip ni Anane, Ngayon, gagawin ko ang eksaktong hiniling ni Inay.

Isang kuwento sa tunay na buhay mula sa Ghana.

Batang may hawak na pera at nakatingin sa mga paninda sa isang puwesto sa palengke

Ngumiti si Anane habang naglalakad sa kalye. Puno ang palengke ng amoy ng pritong isda at ng abalang kuwentuhan ng mga tao. Papunta na siya sa bahay ni Tito. Binigyan ni Inay si Anane ng pera para ibigay kay Tito.

Tiningnan niya ang lahat ng mga puwesto na nagtitinda ng mga produkto, pagkain, at iba pang mga bagay. Tapos ay may napansin siya.

May tindahan ng pagkain na mayroon ng dalawa sa mga paborito niya, ang toffee at biskwit. Tinignan niya ang perang ibinigay sa kanya ni Inay. Marami na ang isandaang cedis, naisip niya. Ang halaga ng paborito niyang treats ay 10 cedis lang. Hindi naman siguro mapapansin ni tito kung kulang ang pera.

Binili ni Anane ang treats o pagkain. Isinubo na niya ang toffee at naglakad na papunta sa bahay ni Tito.

Nakatayo si Tito sa labas ng bahay nila habang papalapit si Anane.

“Ikaw pala ‘yan Anane! Halika,” sabi ni Tito. “Ano’ng maipaglilingkod ko?”

“May dala po akong pera para sa inyo na galing kay Inay.” Iniabot ni Anane ang pera, at isinuksok ulit ang kanyang mga kamay sa kanyang bulsa. Mapapansin ba ni Tito na kulang ang pera? Pinagmasdan niya habang binibilang ito ni Tito.

“Salamat sa paghatid mo nito,” sabi ni Tito.

Natuwa si Anane na hindi napansin ni Tito na kulang ang pera. Nagpaalam siya at nagsimula nang maglakad pauwi. Habang nasa daan, natapos niyang kainin ang kanyang toffee at biskwit.

“Kumusta ang pagpunta kay Tito?” tanong ni Inay nang makauwi na si Anane.

Nagkibit-balikat siya. “Mabuti naman po.”

“Salamat sa paghahatid mo ng pera sa kanya,” sabi ni Inay.

Napatingin si Anane sa sahig. Nagsimula siyang makonsiyensya. Paano kung malaman ng kanyang mga magulang na ginastos niya ang ilan sa pera? Ayaw niyang mawala ang tiwala nila.

Kinaumagahan, hiniling ni Inay kay Anane na bumili ng ilang bagay sa kalapit na tindahan. “Umuwi ka agad pagkatapos mong bumili, OK?”

“OK po.” Naglakad si Anane sa palengke, pero hindi siya tumigil para bumili ng kahit ano. Napakunot ang kilay niya at naisip niya, Ngayon ay gagawin ko ang eksaktong sinabi ni Inay.

Pagkatapos niya, agad siyang umuwi. Ibinigay niya kay Inay ang lahat ng natirang pera.

Nang Linggong iyon, nagpunta si Anane sa kanyang klase sa Primary. “Magandang umaga!” sabi ng titser. “Ngayo’y pag-uusapan natin ang tungkol sa pagsunod. Mahalaga para sa atin na makinig sa ating mga magulang at gumawa ng mga tamang pagpili.”

Naisip ni Anane ang perang ginastos niya sa toffee at biskwit. Parang kumalam ang tiyan niya. Alam niya na nakagawa siya ng maling pasiya.

Pagkatapos magsimba, gustong kausapin ni Anane ang kanyang mga magulang. Kumakabog ang puso niya.

“Inay, Itay? Naaalala n’yo po ba ang perang ibinigay n’yo sa akin para ihatid kay Tito?” tanong ni Anane. “Eh, ginamit ko po ang kaunti sa perang iyon at bumili po ako ng pagkain.” Napatingin siya sa sahig. “Sori po.”

“Salamat sa katapatan mo,” sabi ni Itay. “Ipinagmamalaki kita.”

Ngumiti si Anane. Masaya siya na sinabi niya ang totoo. At maganda ang pakiramdam niya matapos itong sabihin sa kanyang mga magulang. Mas mabubuti na ang pagpili niya.

PDF ng pahina

Paglalarawan ni Aleksandar Zolotic