2025
Tulad ng Langit
Hulyo 2025


Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Tulad ng Langit

“Gusto mo bang pumunta sa simbahan?” tanong ni Tiyo Reza.

Isang tunay na kuwento mula sa India at Canada.

Tiniklop ni Tahira ang huling polo at inilagay sa kanyang maleta. Nag-iimpake siya dahil bibiyahe siya sa tag-init para makasama ang kanyang tita at tito sa Canada. Nasasabik siya pero medyo kinakabahan din siya. Malayo ang Canada sa kanyang tahanan sa India.

“Kumpleto na ba ang mga gamit mo?” tanong ni Inay.

“Parang kumpleto na po.” Isinara ni Tahira ang kanyang maleta.

“Masisiyahan ka doon. Tiyakin mong bibigyan mo ng malaking yakap sina Tito Reza at Tita Misu mula sa akin,” sabi ni Inay.

Pagbaba ni Tahira sa eroplano sa Canada, niyakap niya nang mahigpit sina Tito Reza at Tita Misu. “Galing po ito sa nanay ko,” sabi niya.

Ginugol nila ang sumunod na ilang araw sa pag-iikot sa lungsod at mga kalapit na lugar. Napuntahan din niya ang kanyang unang amusement park at nakita ang Niagara Falls. Napakasaya niya doon!

Sa Sabado ng hapon, tumulong si Tahira sa pagluluto ng chicken makhani para sa hapunan. Pagkatapos nilang kumain, may itinanong sa kanya si Tito Reza.

Lalaki at batang babae na nakaupo sa tabi ng mesa at nag-uusap

“Gusto mo bang sumama sa amin na magsimba bukas?” tanong niya. “Pumupunta kami sa isang simbahang Kristiyano. Natututuhan namin doon ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.”

“Sige po,” sabi niya. Iba ang relihiyon nina Nanay at Itay, pero nag-aral si Tahira sa isang Kristiyanong boarding school sa India. Hindi malaking kaibhan ang pagpunta sa bagong simbahan.

Mga taong nakaupo sa simbahan na kumakanta ng himno

Kinabukasan, nagsuot si Tahira ng damit na ibinigay sa kanya ng kanyang tita. Pagdating nila sa chapel at pagpasok nila sa loob, kumakanta na ang lahat. Tumigil si Tahira at napatingin sa lahat ng tao. May mga nanay at tatay na nakaupo kasama ang kanilang mga anak. Mukhang lahat ay masaya. Napakaganda ng pagkanta.

Ito ay parang langit, naisip ni Tahira.

Umupo si Tahira sa isa sa mga bangko kasama sina Tita Misu at Tito Reza. Pinagmasdan niya ang pagdaan ng mga trey ng tinapay at tubig. Nakinig siya sa mga nagsasalita tungkol kay Jesucristo. At may narinig pa siya na pagkanta. Ang huling awitin ay tungkol sa mga pamilya na magkakasama-sama magpakailanman. Gustung-gusto niya ang nadama niya dahil sa mga salitang iyon.

Pagkatapos ng huling panalangin, bumaling si Tahira kay Tito Reza. “Ano po ang ibig sabihin ng magkakasama sa walang-hanggan?”

Ngumiti si Tito Reza. “Naniniwala kami na kung susundin natin si Jesucristo at mangangako at tutuparin ang mga pangako sa Diyos, mabubuhay tayo sa langit kasama ang ating mga pamilya balang-araw—lahat ay magsasama-sama.”

Nag-init ang loob ni Tahira mula ulo hanggang sa kanyang mga daliri sa paa. Nagustuhan niya ang ideya na makakasama niya ang kanyang pamilya magpakailanman.

Pagkatapos magsimba, patuloy na iniisip ni Tahira ang magandang musika. Gusto niyang matuto pa ng tungkol kay Jesucristo at sa mga pamilya magpakailanman. Kalaunan ay nagpasiya siyang makipag-usap sa mga missionary. Sa paglipas ng mga linggo, lalo pang nalaman ni Tahira na ang ebanghelyo ay totoo.

Tinawagan ni Tahira ang kanyang mga magulang para sabihin sa kanila ang kanyang natututuhan. Pagkatapos ay may mahalaga siyang tanong sa kanila. “Puwede po ba akong mabinyagan?” Pumayag sila!

Sa araw ng kanyang binyag, kinanta nina Tahira, Tito Reza, at Tita Misu ang “Ako ay Anak ng Diyos.” Isinalin ito ni Tito Reza para makanta nila ito sa wikang Hindi. Hindi ang wikang gamit niya sa bahay sa India.

Habang kumakanta si Tahira, nakaramdam siya ng init sa kanyang puso. Parang langit ang pakiramdam. At alam ni Tahira na dahil kay Jesucristo, kung tutuparin niya ang kanyang mga pangako sa Ama sa Langit, makakasama niya Silang muli balang-araw.

PDF ng pahina

Mga paglalarawan ni Ekata Mandal